Nitong Oktubre, sumabak muli ang mga Lumad sa paglalakbay nang ilang kilometrong layo mula sa kanilang lupang ninuno sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao patungong Metro Manila. Sa ngayon, sila ay nananatili sa University of the Philippines (UP) Diliman, at dito nila muling inilunsad ang kanilang mga “bakwit schools”. Sa kabila ng pagtaguyod ng mga ito, sa buwan ding ito pormal na isinarado ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang 55 paaralang Lumad sa Davao, na nabibilang sa Salugpongan Ta'Tanu Igkanogon Community Learning Center, Incorporated (STTICLCI). Ito ay bunga ng mga paratang na subersibo raw ang pagtuturo ng mga ito. Ngunit, hindi lamang dito nagtatapos ang pasan-pasang suliranin ng katutubong pangkat. Kung babalikan naman ang Disyembre ng nakaraang taon, matatandaang ipinalawig muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Militar sa buong Mindanao, dahil sa tingin ng Pangulo ay hindi pa naireresolba ang problema ng terorismo dito.