Tiempo muerte: Ang unti-unting pagpatay sa mga magsasaka ng Silangang Visayas

Mata Online
NI
NINA
Lyka Pacleb
AT
Hen Namoca

“Kami ang nagpapakain sa bayan, ngunit kami ang nagugutom.”

Ito ang winika ni Baby Senobio, ang tagapagsalita ng alyansang Stand With Samar-Leyte, nang tinanong siya tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka sa Silangang Visayas. Isa si Senobio sa mga Bisayang magsasakang dumayo sa Metro Manila noong nakaraang Nobyembre para ipadala ang kanilang mga hinaing tungkol sa matinding kahirapang kinakaharap ng rehiyon.

Sa kanilang pagbisita sa Ateneo de Manila University noong ika-20 ng Nobyembre 2019, ibinahagi ng mga magsasaka ang kanilang mga karanasan sa isang forum na isinagawa ng One Big Fight for Human Rights and Democracy (OBF-HRD), sa tulong ng Panday Sining Katipunan at Kabataan Partylist Katipunan. Sa nasabing forum, inilahad din ni Senobio ang karahasang patuloy na dinudulot ng matinding militarisasyon, na sumasagka pati na rin sa dating mapayapang pamumuhay nila.

Mula nang maluklok si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto noong 2016, nananatiling biktima ng mga “di-makataong” batas ang mga magsasaka. Bukod sa agarang pagpapatupad ng Rice Tarrification Law, na kalauna’y nagdulot din ng malubhang ekonomikong balakid sa mga magsasaka, dinadaing din ng mga mamamayan ang labis na pagpapadala ng mga militar sa kanayunan, na siya namang marahas na kumikitil sa buhay ng mga inosenteng mambubukid.

Ngayong taon, naiulat ni Rafael Mariano, ang dating kalihim ng Kagawaran ng Repormang Agraryo, na umabot na sa 177 magsasaka ang napatay sa simula pa lamang ng termino ni Pangulong Duterte. Ang karamihan dito ay nagmumula sa Mindanao, Negros, at Bicol. Samantala, sa ilalim din ng pamamalakad ng Pangulo, umabot sa 34.4% ang poverty incidence ng mga magsasaka, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong 2017. Kung kaya, nananatiling isang malaking kabalintunaan na ang mga magsasaka, na siyang dapat na tumatayong haligi ng isang bansang agrikultural ay hindi lamang nalulugmok sa kahirapan – nababahala na rin sila sa kanilang kaligtasan.

Isang kahig, isang tuka

Ibinahagi ni Senobio na siya at ang tatlo niyang kasamang magsasaka sa forum ay nagmula sa bayan ng Las Navas sa Northern Samar. Mula noong humagupit ang Bagyong Yolanda sa probinsya, hindi pa rin tuluyang nakakabangon muli ang rehiyon sa iniwan na pinsala. Bilang resulta, nahihirapan ang mga magsasaka na magtanim at magbenta ng kanilang mga pangunahing produkto na kopras at abaka, dahil sa kakulangan ng tulong mula sa lokal na pamahalaan at sa pagbagsak ng presyo ng mga produkto.

“Nagkakahalaga lang ng PHP 5.00, o Php 8.00 kada kilo [ang kopras], depende sa klase, hanggang PHP 10.00,” sabi ni Senobio. “Samantalang ang mga bilihin natin, sobrang mahal – lalo na ang bigas, dahil diyan sa Rice Liberalization Law.” Malaking kawalan ito sa produksyon, kumpara sa halos 600 kilong kopras na naibebenta ng probinsya kada sangkapat ng taon noon-- na nakapresyo pa sa PHP 27 kada kilo.

“Ang abaka naman, [napipinsala ng] sakit na [abaka] bunchy top virus,” dagdag niya. Natuklasan ng mga mananaliksik ng University of the Philippines Los Baños ang naturang sakit sa probinsya noong 2017. Ngunit, nang humingi ng tulong ang mga magsasaka sa Kagawaran ng Agrikultura, sinabihan silang pagkakalooban sila ng mga makina ng abaka para sa pagsasaka.

“Hindi naman makina ang hinihingi namin, dahil wala na nga yung abaka,” winika ni Senobio. “Yung tulong sana ay para sa mga binhi, at [kung paano magagamot] yung mga peste.” Sa kabuuang produksyon ng Silangang Visayas na 5.16 kilotons na abaka kada taon, nanggagaling ang 65% nito sa Northern Samar.

Dagdag pa rito ang epekto ng Republic Act 11203, o ang Rice Tarrification Law. Kahit layunin ng batas na bigyang ayuda ang mga magsasaka sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) habang ibinababa ang limitasyon para sa inaangkat na bigas, mas lalo lamang naghihirap ang lokal na sektor. Mula nang ipinatupad ang batas noong unang bahagi ng 2019, patuloy na bumabagsak ang farmgate price ng palay, na nagkakahalagang PHP15 kada kilo, kumpara sa PHP 20 kada kilo noong nakaraang taon.

Samantala, dahil hindi rin pagmamay-ari ng mga magsasaka ang mga lupang sinasaka nila, mas malaki ang nagiging benepisyo ng panginoong maylupa kaysa sa mga trabahador. “Pagdating ng anihan ng palay, halimbawa, nakakuha kami ng isang daan[g sako]. 75 [na] sako, doon mapupunta sa may-ari. 25 lang yung amin,” paliwanag ni Senobio. Mula naman sa 25 na sako, naibebenta naman ang 10 nito sa mga tindahan, sa halagang Php 300 kada sako.

Dahil naman sa pagtaas ng presyo dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, napipilitang ibenta ng mga magsasaka ang karagdagang limang sako upang may pantustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya. “Ngayon, sa susunod na anihan, uutang at uutang kami,” ika ni Senobio. “Kasi, kung hindi po kami uutang, wala po kaming ipambabayad [sa paggastos namin sa pagtrabaho]. Kung sarili sana namin yung lupa, hindi po masyadong malaki [ang mababawas].”

‘Bugas, dili bala’

Sa kabila ng patuloy na panawagan ng mga magsasaka na bigyan sila ng tulong sa kanilang kabuhayan, tila ang naging tugon lamang ng gobyerno ay dahas. Inilathala ng administrasyong Duterte ang Memorandum Order (MO) No. 32, kung saan layon nitong supilin ang “lawless violence” sa Samar, Negros Oriental, Negros Occidental, at Bicol sa pamamagitan ng pagpapadala rito ng mga batalyon ng sundalo. Nakasaad din sa MO No. 32 na naging national emergency na ang matinding terorismo sa kanayunan, kung kaya kailangang manmanan ng mga armadong puwersa ng gobyerno ang mga tinitingnan nitong “lawless groups”.

Ayon kay Senobio, ikinalulungkot ng mga magsasaka tulad niya na sa halip ng pagtanggap ng mga binhing pananim, patubig, at pestisidyo, inuulanan lamang sila ng mga bala nang walang malinaw na rason. Noong ika-22 ng Nobyembre, isang taon na ang nakalipas mula nang inaprubahan ng Pangulo ang pagpapatupad ng MO.

“Ito para sa amin ang ugat ng aming kahirapan,” sabi ni Senobio. Mayroon nang 33 kataong namatay sa ilalim ng pamamalakad ng mga sundalo, mapa-magsasaka man o kabataan. Kasama sa pagkuwento ni Senobio sa forum ang pagpapakita ng isang dokumentaryo na naglalaman ng mga testamento ng mga kapwa magsasaka niya mula sa Las Navas. Dito, nagkuwento sila kung paano kinukuhanan ng litrato ng mga militar ang bawat pamilya sa pamayanan nila, at pilit na kinukuwestiyon ang mga opisyal ng barangay ukol sa mga gawain ng mga mamamayan.

Pinipilit din ng mga militar, aniya, na umaming sumusuporta sila sa mga sundalo ng New People’s Army (NPA), kahit walang anumang katibayan. Kung hindi man puwersang pinag-aamin ng suporta, pinapangalanan o nire-redtag din ng mga puwersa ng estado na ‘armadong rebelde’ ang mga magsasaka.

Isa sa mga kasama ni Senobio na si Bien Cabe ay biktima rin ng paglabag sa karapatang-pantao (human rights violations o HRVs) ng mga militar. Ang kanyang anak na si Melvin ay huling napag-alamang nangangaso lamang sa may gubat bandang alas otso ng gabing Linggo. Matapos niyang barilin ang ibong nais niyang hulihin, narinig ng mga kasama niyang may sunod-sunod na putok sa direksyon niya. Hindi na nila nabalikan agad si Melvin, hanggang kinaumagahan nang ang kapitan ng barangay na mismo ang lumapit sa mga sundalong nagkakampuhan sa lugar. Kahit anong giit ng kapitan na inosente si Melvin, hindi pinayagan ng mga militar na makita niya ang bangkay. Sa pag-imbestiga ng militar, nalaman nalang ni Cabe na dinamitan pala ng ‘rebeldeng’ kasuotan ang kanyang anak, at pinalabas na miyembro daw ito ng NPA.

Halos parehas din ang kinahinatnan ni Pining Lebico, bayaw ng tita ni Senobio na si Persida Lebico. Habang pauwi na siya, kaunting distansya lamang mula sa kampuhan ng militar sa Barangay San Jorge, binaril siya ng mga sundalo. Hindi nalaman ni Lebico ang dahilan kung bakit pinatay ang kanyang bayaw, dahil nanunungkulan lamang siya bilang kapitan ng kanilang barangay.

Ibinahagi rin ni Senobio na pati sa sakahan, binabantayan na rin sila ng mga sundalo. Kinuwento niya na pati ang ‘time in’ at ‘time out’ ng mga magsasaka sa palayan ay isinusulat na ng mga sundalong nagbabantay, para masigurado raw kung may makapasok na armadong rebelde sa mga lupaing sakahan. Kung nakikita naman daw na mag-isang naglalakbay ang isang magsasaka, aniya, pipilitin din ng mga sundalong pagtrabahuhin ito sa kanilang kampo at magbuhat ng mga kagamitan nila paakyat ng karatig-bundok.

Dahil sa sunod-sunod na pag-atake at extra-judicial killings (EJKs) sa kanilang pamayanan, binuo ng mga magsasaka ang alyansang Stand With Samar-Leyte, na naglalayong iparating sa gobyerno ang mga kawalan ng hustisiyang idinudulot ng panghihimasok ng mga bata-batalyong militar.

Sa una nilang pakikipagkita sa gobernador ng Northern Samar, sinabihan lang daw silang hindi maaalis agad ang mga militar sa kanilang lugar. “Sabi niya, ‘hindi matatanggal ang mga sundalo sa Northern Samar, sa Las Navas mismo, kung nandiyan pa ang mga NPA,’” ika ni Senobio. “[Tinanong] ko, ‘Bakit, ang tingin niyo ba sa’min, NPA kami?’ Binigyan [niya] lang kami ng isang libo [pagkatapos].”

Patuloy ang laban

Bagama’t ipinangako ni Pangulong Duterte sa kanyang pangangampanya noon pa man na uunahin niya ang kapakanan ng mga magsasaka, lumalabas na hungkag lamang at tuluyang napako na ang mga pangakong ito. Sa halip, mistulang iniipit lalo ang mga magsasaka sa dalawang nakamamatay na sitwasyon. Samantala, iginigiit naman ng mga nababahalang grupo at unyon ng magsasaka na kapalit ng paghihirap na ito ang pagpapatupad ng de facto martial law sa kanayunan, upang masupil ang pagdaraing ng mga magsasaka para sa kanilang pangangailangan.

Sinabi rin ni Ariel Casilao, kinatawan ng Anakpawis Partylist, na “ginagawang tuntungan ang mga incidents of lawless violence […] para bigyang hugis sa pambansang saklaw ang state of emergency [at] magdeklara ng martial law sa pambansang antas.” Sa ganitong kalagayan, pilit na ipinatatahimik ang pakikibaka ng mga magsasaka, upang masasantabi lamang sa isang sulok ang tunay na repormang kanilang hinihingi. Iginigiit din nina Senobio na wala silang kinalaman sa armadong sagupaan ng mga rebelde at puwersa ng estado.

“Wala kaming kinalaman kung may NPA man o ano, basta labas po kami dyan,” paliwanag ni Senobio. “Ang gawain po naming, kung paano [makatulong] sa mga komunidad para mamuhay nang maayos at tahimik.” Kung kaya, ang nananatiling pangunahing panawagan ng Stand with Samar-Leyte ay ang pagbibigay ng pamahalaan ng kagyat na tulong sa kanilang kabuhayan.

“Unang-una naming hinihingi: matugunan ang pangangailangan ng mga [magsasaka],” dagdag ni Senobio. “Magkaroon ng libreng patubig, pestisidyo, at mga binhi para may maitanim. Lahat ng pangangailangan: livelihood programs at [tulong-pinansiyal] na rin habang hindi pa kami nakakabangon dahil sa sunod-sunod na bagyo.”

Ang pangalawa naman nilang panawagan ay ang pagpapaalis sa mga sundalong nanghihimasok sa kanilang rehiyon. “Hiling din namin – [isang kagyat na panawagan – na ibasura ang Memorandum Order No. 32,” winika ni Senobio. “Para sa aming magsasaka, iyon ang tanging ugat ng kahirapan ng ating mga [magsasaka] sa Northern Samar.

“Sa ganito pong situwasyon, dahil [nais] din natin ang [tunay na repormang sa lupa], wala po talaga [kaming napapala],” dagdag niya. “Tapos, imi-militarize pa kami. Ano na po kayang mangyayari sa amin?”

Sa huli, binigyang-diin din ni Senobio na payak lamang ang hinihiling ng Silangang Visayas: na makamit muli ang kanilang mga karapatan at dignidad bilang mga magsasaka. “Simple lang naman ang hinihingi ng mga [magsasaka]: na makapag-aral [ang kanilang mga anak], at mamuhay nang mapayapa.” Sa panahon ngayon, hinahamon ng mga nakikibakang magsasaka ang masa na makiisa sa kanilang laban, at suportahan sila sa mga pagsubok na haharapin nila. Bilang mga kabataan at pag-asa ng bayan, mainam na makialam at makibaka sa mga hangarin ng masang anakpawis, at kolektibong kumilos para sa tagumpay na hinihiling ng mga mamamayan.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo