Sa Likod ng Paglalakbay at Pakikibaka Para sa Edukasyon

Mata Online
NI
NINA
Denise Lao
AT
Lyka Pacleb
Enero 2020

Sining ni: Kevin Castro

Nitong Oktubre, sumabak muli ang mga Lumad sa paglalakbay nang ilang kilometrong layo mula sa kanilang lupang ninuno sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao patungong Metro Manila. Sa ngayon, sila ay nananatili sa University of the Philippines (UP) Diliman, at dito nila muling inilunsad ang kanilang mga “bakwit schools”. Sa kabila ng pagtaguyod ng mga ito, sa buwan ding ito pormal na isinarado ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang 55 paaralang Lumad sa Davao, na nabibilang sa Salugpongan Ta'Tanu Igkanogon Community Learning Center, Incorporated (STTICLCI). Ito ay bunga ng mga paratang na subersibo raw ang pagtuturo ng mga ito. Ngunit, hindi lamang dito nagtatapos ang pasan-pasang suliranin ng katutubong pangkat. Kung babalikan naman ang Disyembre ng nakaraang taon, matatandaang ipinalawig muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Militar sa buong Mindanao, dahil sa tingin ng Pangulo ay hindi pa naireresolba ang problema ng terorismo dito.

Bagaman maraming pagsubok ang nag-aabang at umaatake sa kanila, patuloy na nagpupursige ang mga Lumad para lamang maiparinig sa gobyerno ang kanilang dinadaing: na itigil ang marahas na militarisasyon sa kanilang lupang ninuno.

Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas mula nang unang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Militar sa Mindanao, ngunit hanggang ngayon ay nagdulot lamang ito ng pasakit at marahas na pagpapapaalis sa mga katutubong pangkat mula sa kanilang mga lupang ninuno.

Subalit, kaiba sa ibang malawakang kilusang umiiral mula sa mga batayang sektor sa panahon ngayon, hindi lamang mga panawagan ang bitbit ng mga Lumad sa kanilang paglalakbay. Kundi, dala-dala rin nila ang kabataan sa kanilang mga grupo na pilit ipinagpapatuloy ang kanilang edukasyon sa kabila ng mga hindi kanais-nais na kalagayang ikinakaharap nila. Kung kaya, nakikita rito na may direktang ugnayan ang tahasang militarisasyon sa kanilang lugar sa sistemang edukasyong naitaguyod ng mga Lumad.

Sa ibayong punto, kaiba pa sa ibang malawakang kilusan ng iba pang katutubong pangkat, ang pangunahing naaapektuhan sa pakikibaka ng mga Lumad ay ang kanilang edukasyon.

Kahit na kasalukuyang nagiging mas malawak ang pagkilos ng mga Lumad, nananatiling isang malaking palaisipan pa rin sa nakararami ang kanilang pakikibaka. Lumalabas na sa pag-unawa sa kaibahan ng kanilang sistema ng edukasyon at sa kahalagahan ng kanilang mga lupang ninuno, mababatid din na ang mga pambansang isyung politikal ay hindi nawawalay sa kontekstong umiiral sa mas maliliit pang pangkat ng mamamayang Pilipino.

Kahit na katakot-takot man ang pagpunta sa di-pamilyar na kapaligiran ng kalunsuran, ang nagpapalakas sa mga Lumad ay ang kanilang pagpursige sa edukasyon. Bagaman sila ay malayo sa kanilang mga tahanan, ang programang Lakbayan ang tumutulong sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon.

Ang Manilakbayan, o mas kilala bilang Lakbayan, ay ang taunang paglalakbay ng mga Lumad, at ito ay unang inilunsad noong 2015. Sa ngayon, ito ang pinakamalawakang kilusan ng pakikibaka mula sa kanilang hanay ng mga katutubong pangkat. Sa kanilang pansamantalang pamamalagi sa Kamaynilaan, nagtataguyod ang mga Lumad ng “bakwit schools” sa mga pamantasan, tulad ng UP Diliman at University of Sto. Tomas (UST), upang maipagpatuloy ng kanilang kabataan ang pagtatapos ng kanilang pag-aaral. Bunga nito, makikitang ang kanilang sistema ng edukasyon ay kakaiba sa sistema sa lungsod.

Ayon kay Beverly Godfredo, isang Lumad at tagapagsalita ng Save Our Schools (SOS) Network, ang kanilang kurikulum ay nahahati sa tatlo:  (1) pang-akademiko, (2) pangkalusugan at (3) pang-agrikultura. Ito ay naaayon sa Indigenous People framework na bilin ng DepEd. Bukod sa pang-akademiko, tinuturuan din sila ng mga pag-aaral kung saan naaangkop sa kanilang kapaligiran. Sa larangan ng pang-akademiko, ito’y pinag-aaralan nila upang makipag-ugnayan, makipagsalamuha, at matuto kung paano magbasa at magsulat.

Gayunpaman, idiniin rin niya na ang kanilang batayan sa katalinuhan ay hindi tulad sa mga kabataan sa lungsod, kung saan nababatay ito sa pagkakabisado, pagpapataasan ng grado, at pagpapagalingan. Sa kanila, ang kanilang batayan ay itong tatlo, at hindi siya kumpetisyon. Bukod sa pang-akademiko, isang mahalagang pinag-aaralan din nila ay ang pag-aagrikultura. Para sa kanila, kinakailangan daw matutuhan sa Mindanao ang sustainable na agrikultura dahil gumagamit ang kanilang mga magsasaka ng sintetik at medisina. Ang mga estudyanteng Lumad ay napag-aralan na kung paano gumawa ng mga organic fertilizer upang makatulong sa pagpapataba ng lupa. Ayon kay Beverly, ang pagsasaka ay pangkaraniwang gawain ng kanilang komunidad, at bahagi na raw ito ng kanilang pang araw-araw na buhay.

Sa kabilang dako, ang kalusugan naman ay mainam na pinag-aaralan nila dahil naniniwala sila na ang mga simpleng pagdumi at pagsuka lamang ay maaari nang maging dahilan ng kamatayan. Gayunpaman, karamihan sa mga kabataan ay naaagawan ng buhay dahil sa kakulangan ng pag-aaral sa kalusugan. Kasama sa mga pinag-aaralan nila ay ang paggamit ng acupuncture at herbal na medisina. Sa kanilang komunidad, mga bata na nasa murang edad ay nagiging bahagi na ng pagiging health officer. Bukod sa herbal na medisina, marunong din silang gumawa ng ointment, lagundi capsule, at lagundi syrup.

Kasama na rin sa pinagkakaiba ng kanilang curriculum at pag-aaral ay ang pagtuturo ng mga guro. “Sila ay nagtuturo talaga ng makamasang, makabayan, at siyentipikong edukasyon,” ulat ni Beverly. Ang makamasa o mass-oriented, ay ang konsepto na pagturo ng mga guro sa iba’t-ibang komunidad o tribo, mapa-Ilokano, Bisaya, o Muslim ka man. Ang kanilang pagtuturo ay hindi limitado sa mga Lumad. Dagdag pa rito, ang paaralang Lumad ay hindi rin nalilimita sa edad.

Iginiit din ni Beverly na hindi hangganan ang kakulangan ng salapi sa pag-aaral. Ang paaralan ng mga Lumad ay hindi kinakailangan magbayad ng pera, at dahil ang kanilang mga guro ay mga volunteer, wala silang natatanggap na sahod. Sa simpleng salita, ang Bakwit school ay para sa lahat, at tinatanggap ang kahit sino. Sa kabilang dako, ang konseptong makabayan naman ay tinuturo upang makabalik sila sa komunidad at paglingkuran ang sambayanan. Hindi lang nakapokus ang kanilang pag-aaral sa pagkakaroon nang maginhawang buhay, pati na rin ang makapagserbisyo sa kanilang komunidad. Samakatwid, siyentipiko rin ang tinuturo ng mga guro dahil ito yung bahagi ng pagiging siyentipiko ng mga kabataang Lumad – ang pagpunta dito sa Kamaynilaan at mapaalam sa mga estudyante dito at mga mamamayan ng Kamaynilaan kung ano ang nagaganap sa komunidad sa Mindanao. At kasama na rin dito sa pagiging siyentipiko, tinuturo sa kanila na ang pagbatay nila ay hindi lang sa teorya lagi’t-laging merong praktika.

Kung ihahambing ang sistema ng edukasyon sa kalunsuran sa paaralang Lumad, makikita ang malaking pagkakaiba sa dalawa. Sa sistema ng edukasyon sa lungsod, masasabing masyado itong nakasentro sa pagiging makasarili, at hindi gaanong tinuturo ang pagbabalik sa komunidad. Kasama na rin sa pagtuturo ng mga guro ay ang pag-ugnay nito sa realidad o totoong kalagayan ng lipunan ngayon.

Sa kabila ng mga kagandahang idinudulot ng makamasa, makabayan, at siyentipikong kurikulum, patuloy na napapahamak pa rin ang mga buhay ng kabataang Lumad — lalo na ang kanilang mga guro — dahil lamang sa ganitong kaibahan ng pagtuturo. Dahil bunga ito ng kakulangan sa kasalukuyang sistema ng edukasyong pambansa, ang kurikulum ay pilit tinutugunan ang mga kakulangang ito, na marahil ay nakikitang banta ng estado mula sa pambansang minorya.

Partikular na rito ay ang nabanggit na panggigigpit ng DepEd sa mga Lumad schools. Ayon kay Jenelieto Atillo, isang spokesperson mula sa Kagawaran ng Edukasyon, ang kamakailan na pagsarado sa mga paaaralang Lumad ay dahil  lihis daw sa kurikulum na binigay ng DepEd ang pagtuturo dito, kabilang na rin ang pagturo sa kabataang Lumad na sumali sa mga kilos-protesta. Ngunit, sa mga patunay ng SOS Network, kumpleto ng mga paaralang Lumad ang accreditation sa simula pa lamang, at sumasang-ayon ang kanilang kurikulum sa ibinilin sa kanila. Makikita rito na ang ganitong alegasyon ay kabilang sa pagbabanta laban sa mga Lumad na mag-aaral at guro, na tinatawag na red-tagging. Ang red-tagging ay ang pagpaparatang sa mga indibidwal at grupo bilang “komunista” at “rebelde” nang walang pruweba. Mula pa noong 2017, pagkatapos ng kanyang State of the Nation Address, binantaan na ni Pangulong Duterte ang mga paaralang Lumad, at sinabing balak niyang pabombahin ang mga ito dahil sa pagtuturo daw ng mga subersibo at komunistang adhikain.

“Sa Mindanao, sobrang military[sic] doon,” ani Mary Jane, isang estudyanteng Lumad na nasa ika-11 baitang. “Pinagbibintangan ka lang na NPA, nandoon ka lang sa bundok, [sinasabi] na [agad] NPA ka. [Papatayin ka], kahit na wala kang kasalanan, pinapatay ka nila basta [para sa militar] ‘yan NPA yan’.”

Bukod pa rito, nariyan din ang patuloy na pananakot at pagmamanman sa mga Lumad, sa Kamaynilaan man o kahit sa kanayunan. Sa dalawang taon nang itinatagal ng martial law sa Mindanao, maraming kaso na ang naiulat ukol sa harap-harapang pang-aabuso ng mga pwersang militar sa mga guro. Noong 2018, habang nagkakampuhan ang mga Lumad sa labas ng opisina ng Kagawaran ng Edukasyon sa Pasig, may dumaang “heavily disguised” na lalaki, at kinuhaan umano ng mga larawan at bidyo ang mga batang mag-aaral sa kampuhan.

Ayon kay Beverly, ito ang tugon ng mga kabataan sa pagiging siyentipiko dahil “hindi ‘to fake news eh, hindi rin kami na-brainwash”. Ito raw ang totoo na nais nilang  ipahiwatig at ipaalam sa mga kabataan at sa mga mamamayan dito sa Kamaynilaan, na para matulungan sila sa kanilang laban at samahan sila sa paglaban at pagdepensa ng lupang ninuno at Lumad na eskuwelahan.

Sa kabila ng pangangailangang lumisan mula sa lupang ninuno, hindi maipagkakailang may mga naiiwan din sa kanilang pinanggalingan. Ito ang isinaad ni Teacher Reycar*, isang boluntaryong guro sa paaralang Lumad, na sumama rin sa Lakbayan ngayong taon.

“Ang mga magulang ng mga bata ay nasa ‘bakwit school’ sa Davao City,” sabi niya. “Kaya hindi na kami makabalik sa sariling komunidad, o kaya sila ay hindi na makabalik sa sariling komunidad, kasi may mga military na nagkakampo doon, [na] gumawa ng mga batalyon o [hanay ng mga nagba]bantay.” Kahit na ligtas man ang kalagayan ng mga bata dito sa Kamaynilaan, nahihirapan pa rin silang mawalay sa kanilang pamilya, ngunit ipinagpapatuloy nila para sa kanilang pakikibaka sa kalunsuran. Katulad ni Teacher Reycar, inilahad din ni Mary Jane ang ganitong hirap. “Okay lang po kami kahit malayo sa pamilya, kinaya namin,” sabi niya. Sanay na rin daw silang mga mag-aaral na palipat-lipat, dahil, sa kanilang kasalukuyang kalagayan, “ganoon naman talaga”.

Ayon sa CollegeConnect, karamihan sa mga administrators ay di pabor sa kasalukuyang kurikulum. Noong 2018, 40% ang sang-ayon na mas Mabuti ang edukasyon sa ibang bansa. 26% naman ang nagsabi na wala raw nagawang pagbabago o pagpapabuti sa huling 5 taon. 23% naman ang gumiit na mas kinakailangan pa ng tulong galing sa gobyerno. 40% naman ang nagsabi na kinakailangan pa ng tulong galing sa administrasyon ng paaralan.

Sa konklusyon, masasabi natin na ang pangunahing problema sa edukasyon ay ang kurikulum. Kasama na rin sa survey na ginawa ng CollegeConnect, karamihan din sa mga estudyante sa kolehiyo ay sumasang-ayon sa palagay ng mga guro. Gayunpaman, natuturing primaryang hadlang pa rin ang pera sa pag-aaral. Noong 2018 lamang, inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagtaas ng matrikula sa 268 na pribadong aralan. Ito’y magkakaroon ng 6.96% na pagtaas sa matrikula, at ito’y katumbas ng Php 86.68 per unit. Kung sa pagtataas naman ng iba’t-ibang bayaran, ito’y 6.9% rin o PhP 243. Bilang karagdagan, ayon sa Philippine Star, 1.2 milyong estudyante ang nakapagtapos ng Senior High School noong 2016, at 25% lamang ang nakapagtuloy mag-aral sa kolehiyo. 2 sa pangunahing dahilan dito ay ang kakulangan ng pera na dapat nakalaan sa kolehiyo, at isa naman ay ang hindi pagtanggap ng karamihang kumpanya sa mga estudyanteng senior high school graduates.

Sa ngayon, dahil lumalabas na nagmumula sa pamahalaan mismo ang paglabag sa kanilang mga karapatan, ang pangunahing hinihingi ng mga Lumad ay suportahan sila ng masa, lalo na ng kabataan, ng Kamaynilaan.

“Gusto namin na suportahan kami,” sabi ni Mary Jane**. “Kasi lahat ng pagkain namin dito ay donation lang po talaga, kasi hindi kami makapagpatanim dito. Sa kabilang banda, nais din ni Teacher Reycar ang malawakang suporta na manggaling sa kabataan ng kalunsuran. “Tulungan niyo kami sa pagdepensa sa lupang ninuno,” ika niya. “Sana makinig kayo sa tunay na nangyayari sa amin, sa mga Lumad at sa mga volunteer teacher. Gusto ko lang ipahatid sa inyo na kailangan namin ng tulong, kung sino [man ang] willing maging volunteer teacher or alyado sa SOS Network.”

At, dagdag ni Mary Jane, hindi dito natatapos ang pagtulong. “Hinahamon ko ang mga batang taga-Maynila na suportahan din kami sa aming paglaban,” ika niya.

*Hindi ibinunyag ang huling pangalan ni Teacher Reycar upang protektahan ang kanyang pagkakakilanlan.

**Hindi ibinunyag ang huling pangalan ni Mary Jane upang protektahan ang kanyang pagkakakilanlan.

IBa pang artikulo