Sa kamakailang halalan para sa susunod na Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila (Sanggunian) sa T.P. 2025-2026, matatandaang walang opisyal na hinirang na Pangulo dahil ang ‘Abstain’ ang nakakuha ng pinakamataas na boto na 25.15% mula mga bumotong mag-aaral. Dahil rito, nag-anunsyo ang Ateneo Commission on Elections (COMELEC) na magkakaroon ng special elections kung saan muling pagbobotohan ng mga mag-aaral na siyang inapelahan naman ng kampo ni Jaye Hubilla, kasalukuyang Kinatawan ng JGSOM at natalong kandidato sa pagka-pangulo. Sa kanilang petisyon, nananawagan sila na dapat kilalanin si Hubilla bilang nanalong Pangulo, kahit na pumapangalawa lamang siya sa bilang ng mga boto. Sa pilit na pagpapatahimik sa boses ng mga mag-aaral, inilalantad ni Hubilla ang panunungkulang aasahan natin kung sakali sa kaniya — isang paglilingkod na mas binibigyang-halaga ang posisyon kaysa panawagan ng mga mag-aaral. 

Noong Abril 12, nakatanggap ang Ateneo Student Judicial Court (SJC) ng petisyon mula kina Hubilla, kasama sina Asher Ayeras at Caitlin Ngo laban sa Ateneo COMELEC, kasabay ng aplikasyon para sa Preliminary Injunction na nagpapatigil sa pagsasagawa ng special elections. Paliwanag nila, hindi nila kinekwestiyon ang boto ng abstention at ang mensaheng pinaparating nito para sa Sanggunian at sa buong komunidad. Gayunpaman, inihahain nilang hindi naaayon sa 2019 Undergraduate Constitution ang pagdeklarang walang nanalo sa pagka-pangulo dahil hindi naman daw mayorya ng mga boto ang naitala ng abstention. At dahil hindi naman ito ang mayorya, dapat daw na ideklarang panalo ang kandidatong nakakuha ng pinakamaraming boto na walang iba kundi si Hubilla.

Bagama’t ibinasura na ng SJC ang aplikasyon habang nakabinbin ang kanilang desisyon sa kabuuan ng petisyon, nakababahala pa ring isipin na may mga handang ipagwalang-bahala ang boto ng mga mag-aaral — para lamang sa posisyong malinaw na tinalo ng malakas na sigaw ng mga mag-aaral para sa abstention. Hindi lang nakapanlulumo ang akto ng pagsasampa ng petisyon na ito; bagkus, nagsisilang na rin ito ng isang sistemang nagbubulag-bulagan sa dangal ng boto at nagbibingi-bingihan sa panawagan ng mga mag-aaral ng pamantasan. 

Sa naunang pasya ng Korte, lumalantad ang pagkapanalo ng isang makataong eleksyon kung saan nanaig ang boto ng nakararami — botong hindi kailanman maaangkin kahit na sino man. Ngunit, hindi dito natatapos ang hamon ng demokrasya, lalo pa’t hindi pa nahahatulan ang buong petisyon kasabay ng papalapit na special elections sa pamantasan at Halalan 2025 naman sa buong bansa ngayong Mayo. 

Ang landas ng tunay na paglilingkod ay hindi dapat magmula sa sariling interes dahil nabibingit ang sinuman sa isang pananaw na walang pagpapahalaga sa mga taong pinangakuan niyang pagsilbihan. Sa halip, ito ay dapat nakaugat sa hangarin na kumilos, makiisa, at makibaka tungo sa lipunang may inklusibidad at may pagkakakilala sa lahat.

Hindi lider ang isang taong posisyon lamang ang pinahahalagahan habang mariing sinisiil ang pulso ng komunidad sa ating pamantasan. 

PAGLILINAW NG PATNUGOT: Nagkaroon ng pagtatama sa kalagayan ng inihaing petisyon ng kampo ni Hubilla sa SJC. Tanging ang aplikasyon sa pagpapatigil ng special elections ang ibinasura, habang wala pang pinal na pasya sa kabuuan ng petisyon.

Pinili ng may-akda na gumamit ng pseudonym para sa artikulong ito.

Mga Kamakailang Istorya