%20(1).webp)
Sa isang mundo kung saan patuloy ang ebolusyon ng ating pananaw sa kasarian at pagkatao, nararapat lamang na palawakin din natin ang ating pang-unawa sa pagiging babae. Sa kasalukuyan, lumilitaw ang ibang pagpapakahulugan sa salitang kababaihan na hindi gaya ng nakasanayan—parang mga bulaklak na sumibol at nagpatingkad pa ng ibang kulay sa isang hardin ng mga kulay rosas. Kasabay rin nito ang mga pagtutol at agam-agam: sino nga lang ba ang nararapat na mapabilang sa harding ito? Ngunit, sa halip nito, marahil mas nararapat na itanong kung nagluluwal ba talaga ng katarungan ang isang lipunang sumisiil sa karapatan ng ilan sa espasyo ng makalumang pamantayan.
Alinsunod sa Republic Act No. 6949 na nilagdaan noong 1990, itinakda ang ika-8 ng Marso kada taon bilang paggunita ng Pambansang Araw ng Kababaihan sa Pilipinas, isang tradisyong nakaugat sa pandaigdigang pagsisikap ng kababaihan para sa pagkilala sa kanilang karapatan. Kabilang sa selebrasyon ng araw na ito ang pagpupugay sa hindi matatawarang ambag ng mga babae mula sa tahanan hanggang sa lipunan, at sa kanilang hindi matitinag na pakikibaka. Ngunit, kahit nariyan na ang realidad na mabilis ang pag-agos ng panahon sa mundo, marami pa rin ang nahihirapang harapin ang kalakip nitong hamon sa patriyarkal at tradisyunal na papel ng kababaihan sa lipunan.
Naging kontrobersiyal ang isang post sa Facebook page ng Kagawaran ng Teolohiya ng Ateneo de Manila University (ADMU) patungkol sa kanilang pag-aalay ng misa bilang pakikibaka sa Buwan ng Kababaihan. Sa kanilang pagtawag dito na “Women’s Mass,” hindi naging katanggap-tanggap ito sa ilang Katoliko sa kadahilanang ‘di umano’y mas nagbibigay-daan pa ito tungo sa eksklusyon–na taliwas sa layunin nitong maging bukas ang pinto ng Simbahang Katoliko para sa lahat. Naging mitsa ito ng mainit na diskurso kung saan lumutang ang iba’t ibang pananaw. Mangilan-ngilan ang nagpakita ng kanilang suporta para sa misa at sinasabing isa itong makabuluhang hakbang upang lumikha ng espasyo para sa kababaihan sa kabila ng patriyarkal na estruktura ng simbahan. Kinukuwestiyon naman ng nakararami ang intensyon at epekto nito sa mga ideolohiyang ipinapalaganap ng Simbahan, kung saan pinangangambahan na ang ganitong hakbang ay hindi lamang lihis sa tradisyunal na turo ng Simbahan—ito rin ang magsisilbing simula ng pagbabakod ng pananampalataya.
Kahit pa tinatawag itong Women’s Mass, hindi nangangahulugang isinasantabi nito ang ibang kasarian na mayroon sa lipunan. Ang mga ganitong isipan ang paulit-ulit na itinitiwalag ng kilusang pangkababaihan; hindi hinahangad ng mga babae ang mahiwalay sa ibang sektor ng lipunan at magkaroon ng lugar na sila lamang ang makikinabang. Ang tunay nilang hangarin ay matamasa ang isang lipunang may pagkilala sa kanila bilang may kakayahang makibahagi sa anumang aspekto ng mundo. Imbes na tingnan bilang isang hamon sa relihiyon, ay mas makabubuti kung tingnan ang Women’s Mass bilang isang malaking hakbang tungo sa inklusibong lipunan kung saan ang isang sistemang minsang naglilingkod lamang sa patriyarka ay binuksan na ngayon ang mga pinto para sa pagkakapantay-pantay na matagal nang ipinaglalaban ng kababaihan.
Sa parehong post din ay may isa pang kinukuwestiyon ang mga netizens: ang lugar ng mga miyembro ng LGBTQIA+ sa Simbahan. Anila, kapuna-puna na isang miyembro ng queer community ang magsisilbing tagapagsalita sa misa dahil hindi raw nakabubuti sa prinsipyo ng Simbahan kung sangkot ang isang komunidad na may pamumuhay na salungat sa tradisyunal na doktrina. Marapat na ring sabihin na isa sa mga rason na hirap na hirap maipasa ang Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality (SOGIE) Bill ay dahil sa mga konserbatibong pananaw na pilit ikinukulong ang lipunan sa status quo. Kapansin-pansin ding ginagamit ang relihiyon upang ipagkait ang mga adhikaing hindi naman talaga makakapahamak sa kanila. Bunga tuloy nito ay ang pagsasawalang-bahala sa mga porma ng diskriminasyon at karahasan laban sa LGBTQIA+ community, partikular na ang mga transgender na kamakailan lang ay humarap sa matinding hamon na ito.
Ang isang selebrasyon na dapat ipagdiwang ay nagbigay-daan sa sigalot tungkol sa tunay na kahulugan ng babae. Sa mga nagdaang taon hanggang sa kasalukuyan, lumabas ang mga diskusyon hinggil sa pagsama sa transwomen sa selebrasyon ng Women’s Month. Umani ito ng samu’t saring reaksyon, at mangilan-ngilan din sa mga kababaihan mismo ang nagsasabing may sarili namang selebrasyon ang mga transwomen—ang Pride Month—kaya hindi na nakikita ang kahalagahan sa kanilang pakikilahok kung isasama rin sila sa paggunita ng Buwan ng Kababaihan. Insulto rin daw ito para sa mga “tunay” na babaeng naglunsad ng mga daan at pagbabago upang gumawa ng espasyo para sa kanila sa lipunan. Ngunit, hindi ba mas kainsu-insulto ang kabalintunaan na may isinasantabing sektor gayong ang nakaugat na layunin ng peminismo noon pa man ay pagkakapantay-pantay at inklusibidad?
Labis-labis na ang ipinagkait ng ideyang nakabatay sa biyolohikal na pamantayan ang pagkababae sa mga transwomen, isa itong makitid na pananaw na pangunahing ugat ng pagdadamot sa kanila ng pagkakataong makilala at matanggap ng lipunan. Nakapanlulumo lamang na makitang mga babae mismo ang nagbubunsod ng ganitong mapaniil na ideolohiya. Ang labis na ipinaglalaban ng peminismo ay magbukas ng espasyo para sa mga babae—cis man o trans—na patuloy na nakararanas ng pang-aapi at diskriminasyon. Kung pipiliting manatili ang lipunang nakakubli sa mga tradisyunal na pamantayan at kaugalian, tunay na kahina-hinayang ang daan-daang sigalot na ipinursiging mapagtagumpayan ng kilusang ito.
Sa huli, ang diwa ng Buwan ng Kababaihan ay mananatili, hindi lamang bilang pagbibigay-pugay sa mga tagumpay ng nakaraan, bagkus para na rin magsilbing paalala na marami pang kailangang isulong na adhikain upang mapasakamay ang makatarungan at inklusibong lipunan. Tulad ng isang hardin, ang kilusan para sa kababaihan ay hindi dapat namimili ng sino lamang ang dapat mamulaklak. Hindi hamak na mas kahanga-hanga kung ang hardin ay binigyan ng iba’t ibang kulay, hugis, at taglay na ganda ng pagyabong ng samu’t saring bulaklak sapagkat sa ganitong pamamaraan mapalalalim ang kabuluhan ng layuning ipinaglalaban. Ang bawat babae—anuman ang kanilang anyo at ugat—ay may karapatang ipagdiwang ang kanilang pagkababae at ang kanilang ganda’t lakas na nagpatingkad ng kanilang pamumukadkad. Walang katarungan at kinabukasan sa selektibong pagtanggap—ang tunay na inklusibidad ay ang pagyabong ng isang lipunang walang isinasantabi, sapagkat ang hustisya ay hindi pribilehiyo ng ilan bagkus ay isang karapatang niyayakap ang lahat.