Ang mundo ay isang malaking entablado at may kakayahan tayong baguhin ang agos ng kwento. Ngunit sa mabilis na daloy ng panahon at sa dinami-rami ng personalidad na umuusbong, nasaan ang hangganan ng realidad at pantasismo sa lipunang puno ng pagkamanhid? Ito ang hamon na iniiwan sa atin ng Ateneo ENterteynment para sa TAo, Bayan, LAnsangan, at DiyOs (ENTABLADO) sa kanilang panibagong handog na hango sa totoong lakad ng buhay—ang dulang “PERSONALITIKA”.

Handog ng Ateneo ENTABLADO ang kanilang produksyon para sa ikalawang semestre ng taon, ang PERSONALITIKA. Tampok rito ang tambalang Run, Marga, Run na isinulat ni Adrian Ho at binigyang-direksyon ni Joshua Tayco, at mga katuwang nito na si Vino Mabalot, Uriel Dolorfino, at Irish Pimentel. Ang ikalawang dula na bumubuo sa PERSONALITIKA ay ang Isang Pamilya, isang dulang devised ng ENTABLADO sa panulat ni Maria Tria, batay sa naunang material ni Tyron Casumpang, na siyang binigyang-direksyon ni Joy Delos Santos. 

Ang unang bahagi ng PERSONALITIKA ay ang dulang “Run, Marga, Run”. Itinatampok rito ang kwento ni Marga Miranda, isang artistang linisan ang mundo ng pag-arte para sumabak sa panibagong serye – ang magulong mundo ng pagpupulitika. Hango mula sa mga karaniwang mukhang nakikita natin ngayong eleksyon ang kwento ni Marga; mga papansin na walang pinagkakaabalahan sa buhay kaya naghahanap ng balidasyon sa pulpolitika. Sa mababaw na pagsusuri, nakikita natin na ang mga katotohanang kinahaharap ni Marga ay katotohanan rin naman ng nakararami; iniwan ng asawa, iniwan ng mga anak, at napag-iwanan ng panahon. Pero kung tunay na titignan ang kaniyang kalagayan, hindi naman talaga ito representatibo sa danas ng masang Pilipino. Sa pag-ugong ng mga magagandang salita mula sa kaniyang bibig para maging kaaya-aya sa publiko ang siya ring pag-urong ng prinsipyo ng mga taong katuwang niya na si Kit at Peg. Dito natin nakikita na hindi lang naman ang mga pulitiko ang may maskarang sinusuot, ngunit pati rin ang kanilang mga alipores ay may papel na ginagampanan sa kwentong hinuhulma ng kanilang mga personal na interes. Para kay Marga, teleserye pa rin ang buhay ng mga tao at ang bayan ng Pasis ang kaniyang panibagong entablado. Sa kabila ng mga halakhak, ito ang nakakatakot na panghaw na bumalot sa madilim na teatro – may liwanag pa ba ang bukas kung ang mga taong nakaupo ay lulong sa kanilang mga madidilim na buhay?

Matapos ang mahigit 45 minuto ay binuksan na ang ikalawang dula, ang “Isang Pamilya”. Dahil sa likas ng palabas bilang isang open-rehearsal, naging mas magaan ang pagpasok ng mga manonood sa mundo ng Pamilya Montemayor na binubuo nina Natalia, Juanito, Cookie, Alejandro at Doc Issa. Nagsimula ang daloy ng kwento sa pagdating ng pamilyang Montemayor sa sesyon ng therapy kay Doc Issa. Dito ibinunyag nila ang mga pinapasan nilang tensyon at sigalot bilang isang pamilyang tumatakbo ngayong darating na eleksyon. Ngunit, ang tunay na nakapag-pukaw sa atensyon ng mga manonood ay ang kakayahan ng mga tauhan na magpalit ng anyo o emosyon.  Sapagkat, may mga pagkakataon sa dula na kinukwestiyon ni Rick Pingol na ginagampanan si Alejandro, ang mga tendensiya ng kaniyang karakter na maging misogynist at trapo. Napakagandang talakayin ang katotohanan na may mga masalimuot na ugnayan, emosyon, at lamat na kinikimkim ang mga pamilyang tinitingala’ ng mga Pilipino. Ngunit, dito rin natin nakikita ang pagtatanggulian ng katotohanan nila mula sa katotohanan natin — ang problema nila ay problemang mayayaman, malayo sa realidad ng masa. Namomroblema rin naman sila kung sa’n sila kakain. Gaya natin, ang pinagkaiba nga lang ay kung tayo’y namimilipit na ang tiyan sa gutom, sila, namroroblema kung sa’n bansang magfu-foodtrip. Kung tayo’y naghihikahos na rin sa hindi makataong problema ng transportasyon sa bansa, ay ganoon din naman sila! Si Juanito Montemayor, binigyan ng sariling sasakyan, samantalang si Natalia, ay ipinasasabay lamang sa family driver. Sa katunayan, wala namang pinagkaiba ang ating mga pamilya sa Pamilya Montemayor, ang pagkakatangi lang nila ay handa silang talikuran ang isa’t isa para sa pangakong kapangyarihan ng pulpolitiko, pero, bilang mga Pilipino, sinusubaybayan natin ‘to, tinututukan at hinihintay ang susunod na kabanata, dahil sa huli’t huli, ano ba ang eleksyon kung wala ang kaunting drama?

Sa isang panayam kay Ka Boni Ilagan, isa sa mga manonood ng dula at dating bilanggong pulitikal sa ilalim ng rehimeng Marcos, hinikayat niya ang mas nakararami na panoorin ito. Isa rin sa mga nakitang tumutok sa PERSONALITIKA ay si Dr. Jerry Respeto, dating moderator ng ENTABLADO, na siyang pinuri ang organisasyon para sa napakaganda at napapanahon na dula. Ika niya, “Sa panahon ngayon na kinakailangan talaga ng sining… Natutuwa ako sa ganitong klase ng mga materyal na pinapalabas ng ENTABLADO dahil tiyak at tuwirang may kinalaman sa eleksyon… At pagkatapos manood ng dulaay napapaisip ka”.

Sa patikim ng ENTABLADO sa pulpolitikang bumabalot sa bansa natin, hindi na lamang salamin ang papel ng teatro ngayon, isa na itong megaphone na sumisigaw ng ‘Tama na! Sobra na!’ pero sumisigaw na lamang ba tayo sa kawalan? Ngayong araw ng eleksyon, napakaraming panibagong mga pangalan pero iisa lang ang mukha, iba’t ibang mga awitin, pero iisang manuskrito. Sa likod ng mga ito, pare-pareho lang rin naman na mag-iiwan ng pangmatagalang lamat sa ating bayan. Kailan kaya natin maiisip na baka naman – baka lang– panahon na para lisanin ng mga pulitiko ang mga teleserye at bumaba sa entablado ng masang kinakailangan talaga tayo.

Mga Kamakailang Istorya