Akademikong Pagwelga: Magkasalungat na Pananaw at Paniniwala

Mata Online
NI
NINA
Katrina Llorente
AT
Marcial Fernando
Nobyembre 28, 2020

Noong ika-14 ng Nobyembre, umabot sa humigit-kumulang 500 na pirma ng mga Atenista ang isang pahayag ng pangmag-aaral na welga bilang protesta sa mahina at mabagal na pagtugon ng gobyerno sa mga kamakailang bagyo at COVID-19 na nagdulot ng matinding kahirapan at pagdurusa sa maraming mga Pilipino. Bilang pagwelga sa gobyerno, ang mga pumirma ay nangako na hindi magsumite ng kahit anumang akademikong rekisito mula Nobyembre 18. Agad na nagsagawa ng pagpupulong ang Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila upang pag-usapan at tugunan ang welga at ang mga isyu na kasama nito. Noong ika-17 ng Nobyembre, ang Sanggunian ay nagsagawa ng Central Assembly upang pagbotohan kung ang pahayag at ang pagwelga ng mga mag-aaral ay kanilang eendorsohin. Nagresulta ang pagpupulong ng 7 hindi pabor at 2 pabor — SOH at sektor ng mga iskolar — sa pag-endorso ng organisasyon sa welga. Pagkatapos ng naging Special Session ng Central Assembly ng Sanggunian, nagsuspinde ng klase ang administrasyon ng pamantasan mula Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 21 kaya nagdesisyon ang mga nagwewelga na ilipat ang umpisa ng welga sa Nobyembre 25, kasabay nito ang paglabas nila ng manifesto noong Nobyembre 23 na detalyadong nagpapaliwanag sa layunin at tunguhin ng welga. Bukod pa rito, ang pahayag at welga ng mga Atenista ay pumukaw ng atensyon at interes dahil sa pagbalita ng mga iba’t ibang midya. Umabot na rin ito sa tagapagsalita ng Pangulo, Harry Roque, na siyang nagbanta ng “Babagsak kayo” sa mga mag-aaral na pumirma sa petisyon. Agad-agad namang naglabas ng pahayag ang mga alumni ng pamantasan kung saan ipinahayag nila ang kanilang suporta sa mga nagwewelga na binubuo ng humigit-kumulang 700 na pirma.

Sa loob ng dalawang linggo, samu’t-saring opinyon at pahayag mula sa mga mag-aaral, propesor, at iba pa ang matatagpuan mula sa mga social media sites tulad ng Twitter at Facebook. Ang diskurso mula sa dalawang panig — pabor sa welga at hindi pabor sa welga — ay nagkamit ng malalalim na pag-unawa sa isyu at nagpahayag ng mga mahahalagang punto sa diskurso. Pinahayag ng mga Atenista na hindi pabor sa pagkilos na hindi raw malinaw at makatotohanan ang mga demanda ng welga, samantalang ang kabilang dako ay nagpahayag na ang pagkilos na kanilang sinalihan ay kailangan lalo na’t para ito sa konteksto ng mga Pilipino sa ilalim ng mapang-abusong pamahalaan. Ang iba naman ay nagpahayag ng dismaya sa pagtugon at naging desisyon ng Sanggunian sa welga, at pinuna ang limitadong sarbey ng mga representatibo ng Sanggunian. Sa gayon, ang komunidad ng Ateneo de Manila ay tila nasa kalagitnaan ng suliranin na nagmula sa dalawang magkasalungat na panig.

Para sa mga tagapag-organisa ng akademikong pagwelga

Sa pagsulat ng artikulong ito, tinatayang 428,000 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Bagaman bumababa na ang bilang ng kasong naitatala araw-araw pati na rin ang bilang ng mga aktibong kaso, nananatili pa ring alingawngaw sa pandinig ng gobyerno ang tunay na pangangailangan ng sambayanang Pilipino sa pagharap sa pandemya. Isa ito sa mga dinedemanda ng mga tagapag-organisa ng akademikong pagwelga mula sa gobyerno. Ayon sa nirebisang bersyon ng petisyon, hiling nilang magkaroon ng libreng mass testing, kompensasyon para sa mga healthcare worker, pagtugon sa pandemya sa medikal na pamamaraan at hindi militaristikong pakikitungo, at paglaan ng pondo sa medikal na sektor ng bansa. Higit pa rito, dumaan din sa bansa ang ilan sa matitinding bagyo kamakailan. Dahil sa sunod-sunod na pagdaong nito, higit na naapektuhan ang mga lugar na dinaanan ng mga ito, tulad ng rehiyon ng Bicol kung saan nakaranas sila ng matinding pagbaha pagkatapos ng matagal na panahon. Bunsod nito, maraming nagalit at naghanap ng agarang pagresponde ng gobyerno dahil marami sa mga nasalanta ang hindi nabigyan ng impormasyon sa kalubhaan ng epekto ng bagyo. Bukod pa rito, marami sa mga kinaharap na suliranin sa kalagitnaan ng bagyo ang maaari sanang maiwasan kung nagkaroon lamang ng mahusay na plano sa pagresponde sa mga sakuna ang gobyerno.

Dahil sa mga ito, naisip ng mga nag-organisa ng welga na ang kanilang pagkilos ay magiging isang malakas na pagtawag sa mga kakulangan ng administrasyong Duterte upang maayos at maagap na nilang tugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino. Hindi na rin bago sa kasaysayan ng bansa ang ganitong pagkilos mula sa sektor ng kabataan. Matatandaang noong panahon ni Marcos at Estrada, nagkaroon ng kahawig na pagkilos ang mga kabataan mula sa iba’t ibang unibersidad upang panagutin ang gobyerno sa mga kakulangan, katiwalian, at abuso sa kanilang administrasyon. Ang mga pagwelgang ito ng mga mag-aaral ang nagbunsod ng mga mas malawakan pang pagkilos na ginampanan na rin ng iba pang sektor ng lipunan.

Para sa mga may pag-aalinlangan sa pagkilos

Mabuti at malalim man ang intensyon ng mga nag-organisa sa pagtatag ng akademikong pagwewelga, para sa iba, hindi ito sapat upang pirmahan at makisali sa pagkilos. Para sa mga nag-aalinlangang sumali sa pagkilos at sa mga hindi sumasang-ayon, ang pahayag at ang uri mismo ng pagwewelga ay nagpapakita ng maraming kakulangan at kamalian na dapat munang iwasto o tugunan. Isa sa mga nauunang dahilan sa hindi pagpabor sa welga ay ang pagkakaroon nito ng hindi malinaw at hindi matamong mga demanda at layunin. Ang demanda ng mga nag-organisa at mga pumirma na itulak ang pamahalaan na kumilos sa banta at malulubhang epekto ng COVID-19 at ng mga nakaraang bagyo o ang sapilitang pagbaba nila sa kanilang mga pwesto ay mayroong kakaunti o walang kaugnayan sa hindi pagpasa ng mga rekisito ng mga mag-aaral. Wala ring naibigay na tagapahiwatig ang pagkamit ng mga layunin ng welga sa pahayag nito. Anila, tila isa lamang itong pagkilos na walang katapusang pagdurusa at pahamak para sa mga pumirma at mga apektado.

Ikalawa, ang akademikong uri ng strike ay nangangahulugang ang sakripisyo at epekto nito sa mga mag-aaral at mga propesor na maaapektuhan ay malubha at permanente. Isa pa sa mga punto na itinaas ng mga hindi sumang-ayon ay ang pagbabalewala ng pamahalaan sa edukasyon ng mga Pilipino dahil nakikinabang sila sa kakulangan ng edukasyon at kaalaman ng masa. Sa dami ng bilang na ipinasara na paaralan ng rehimeng Duterte, at sa patuloy na paggawa ng mga mali-maling modyul, hindi maitatanggi ang pagpabor ng rehimen sa kawalan ng masuring pag-iisip ng mga mamamayan. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng akademikong pagwewelga ay mas pabor lamang sa pamahalaan kaysa sa mga mag-aaral at sa pamantasan ng Ateneo de Manila. Ikahuli, ang aksyong piniling tahakin ng mga nag-organisa ay isang reaksyonaryong kilos at hindi aktibong pagtugon sa kasalukuyang kinahaharap ng bansa. Sa kabila ng pagpuna sa kilusan, marami pa rin ang sumasang-ayon na ito ay kailangan at nararapat lamang lalo na sa mapanghamong panahong ating kinabibilangan.

Pagsuri sa dalawang panig

Marami ring opinyon mula sa mga Atenista, hindi alintana sa kanilang boto sa petisyon, ang nagsabing may pagkakamali ang Sanggunian sa sistema ng pagkalap ng opinyon ng mga mag-aaral. Anila, ang pagboto ng “oo” o “hindi” sa ganitong klaseng isyu ay naglilimita sa maaaring pagpilian ng mga mag-aaral na magreresulta lamang sa mababaw na pagtimbang sa isyu. Bagaman nagkaroon ng oportunidad ang bawat mag-aaral na bumoto na ipaliwanag ang kanilang pasya, naging mas mainam na batayan pa rin ang botohan sa pagitan ng “oo” at “hindi”. Nagpahayag ng opinyon ang maraming mag-aaral matapos ang naging desisyon ng Sanggunian. Marami sa kanila ang nagsabing marami ang bumoto ng “Oo” sa welga ngunit may mga pag-aalinlangan at may mga bumoto naman ng “Hindi” dahil naniniwala silang maaari pa itong linangin. Kaya naman kung susumahin, parehong panig ang hindi dapat nalimitahan sa sagot na “oo” o “hindi” sapagkat pareho lamang silang may mungkahi na pagbutihin pa ang petisyon. Bukod pa rito, 20% lamang ng buong populasyon ng mga mag-aaral sa Ateneo ang sumagot sa sarbey. Sa huli ay napagdesisyunan din ng Sanggunian na hindi matatapos sa naging botohan ang usapan ukol sa welga, bagkus ay simula pa lamang ito ng laban ng mga mag-aaral kasama na ang iba pang sektor ng lipunan na kanilang sinasandigan. Dagdag pa rito, ang mga tagapag-organisa ng welga at ang Sanggunian ay bukas sa posibilidad na magtulungan upang mapalakas pa ang hatak ng petisyon.

Hamon para sa administrasyon at sa pamayanan ng Ateneo de Manila

Ang pagdagsa ng marami at magkakaibang opinyon sa iba’t ibang social media sites ay nagpapakita ng aktibo at mulat na pamayanan ng Ateneo de Manila at ang kanilang pagiging sangkot sa mga isyung panlipunang namamayagpag sa ating bansa. Nakakamit ng malalim na pag-unawa at pagkilala sa magkaibang panig ang diskurso na patuloy na nagaganap ngayon. Isa itong mabuting paraan upang magkaroon ng usapan at magbigay kaalaman para sa mga nakararami. Ngunit, ang pagtatalastasan sa social media ay patuloy na nagbubuo ng paghiwalay o dibisyon sa komunidad ng pamantasan. Sa paglawak ng agwat sa pagitan ng dalawang magkabilang panig, patuloy rin ang paglabo ng layunin at pagtugon sa dahilan ng pag-umpisa ng welga. Sa puno’t dulo, mainam na tandaan na ang dalawang magkasalungat na panig ay pareho at iisa lamang ang layunin at ipinaglalaban. Kinikilala ng mga pabor sa welga ang mga limitasyon na maidudulot ng pahayag, ngunit para sa kanila, nararapat at kailangan na ang pagkilos sa kalagayan ng bansa at ng mga Pilipino. Sa kabilang dako, kinikilala naman ng mga hindi pabor ang kailangang pagkilos ngayon, ngunit para sa kanila, kailangan munang magkaroon ito ng malinaw at makatotohanang layunin.

Nitong nakaraang Nobyembre 20, nagpahayag ang administrasyon ng Ateneo de Manila na hindi kinikilala ng unibersidad ang dalawang protesta sa Gate 2.5 ng pamantasan noong ika-17 at ika-20 ng Nobyembre. Bagama’t naglabas ng sumunod na pahayag si Roberto Yap, SJ, ang kasalukuyang presidente ng pamantasan, tungkol sa pagkakaroon ng pagkakaisa at pakikipagtulungan, nananatili pa ring bingi at kulang ang tugon nito sa mga nagwewelga. Ang katahimikan at pag-iwas sa pakikisangkot sa protesta at kilusan ng administrasyon ng pamantasan ay isang paghugas ng kamay at pagkampi sa mga nakatataas. Ang pananahimik sa mapanghamong panahon ay ang pagkampi sa mga gobyernong mapang-abuso at mapang-api. Ang pagsiklab ng diskurso at pagwewelga ng mga mag-aaral at ng pamayanan ng Ateneo de Manila ay nagsisilbing hamon sa administrasyon na hindi manahimik at pakinggan ang mga hinaing ng kanilang mga mag-aaral, mga propesor, at katauhan na bumubuo sa komunidad ng paaralan ng Loyola.

Para naman sa mga mag-aaral, ang pakikibaka at pagkakaisa sa kalagitnaan ng pagkakaiba ng opinyon at pananaw ay ang hamon para sa atin. Mahalagang tandaan natin na hindi tayo ang magkalaban, kundi magkakampi sa pagsingil ng pananagutan at karapatan ng mga Pilipino na ipinagkait ng pamahalaan. Sa kabila ng pagkakaroon ng alitan sa magkabilang panig, tuloy pa rin ang pagwelga at protesta ng mga mag-aaral.

IBa pang artikulo