Tatlumpu’t walong taon na ang nakalipas nang magmartsa ang sambayanan sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) upang patalsikin ang diktadurang Marcos Ginugunita ito ng mga Pilipino bilang EDSA People Power Revolution sa ika-25 ng Pebrero taon-taon—maliban na lamang sa kasalukuyang taon sapagkat wala ito sa listahan ng mga holiday sa Proklamasyon Blg. 368, serye 2023. Nagpapahiwatig ito ng intensyon ng administrasyong Marcos Jr. upang tangkang buhayin muli ang maskarang Golden Era ng Pilipinas na sinisimulan sa paglimot ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Kabastusan ito sa pamilya ng mga biktima noong panahon ng Batas Militar— mga inosente at aktibistang binilanggo, inabuso, at pinaslang. Isa rito si Liliosa Hilao na estudyanteng kritikal na nambatikos sa diktadurang Marcos. Siya ang may akda ng sanaysay na “Democracy is Dead in the Philippines under Martial Law” kung saan ipinahiwatig ni Hilao ang kaniyang pagtutol sa batas militar. Dagdag pa ang labing-isang aktibista mula sa Ateneo na taos-pusong inialay ang kanilang buhay, mabuwag lamang ang pananamantala’t kalupitan ng pamahalaang Marcos. Pilit lamang na ipinamumukha ang Golden Era ng Pilipinas sapagkat nakapokus ito sa mga burgis na nakaligtas sa dahas ng pamahalaan at militar habang binabalewala ang mga buhay na nasa laylayang namamatay. Sa ganitong hindi pagkilala sa Rebolusyong EDSA, iwinawalang galang ng mga Marcos ang mga buhay na lumisan dahil sa kanilang pag-abuso sa kapangyarihan. Gayunpaman, hindi nito mabubura ang kanilang kalupitan lalo na at mayroong Bantayog ng mga Bayani na nagtatakda bilang alaala sa mga mamamayang tumindig para itaguyod ang diwa ng demokrasya laban sa hindi makatarungang pamahalaan.
Kasabay ng Pista ng Poong Nazareno ang paglabas ng isang patalastas na nagsusulong ng Charter Change. Siste ng patalastas, naghihirap ang Pilipinas dahil sa 1987 Konstitusyon at Rebolusyong EDSA. Ang lahat ng sektor—edukasyon, ekonomiya, at agrikultura—ay na EDSA-Pwera. Sa likod nito, kahit sabihing problemado ang mga nabanggit na sektor, wala itong ipinagkaiba bago ang Rebolusyong EDSA. Negatibo pa nga ang Gross Domestic Product ng bansa (-7.04% at -6.86%) sa huling dalawang taon ni Marcos Sr, at tanging mga kroniyo nito ang nakalasap ng pag-unlad. Malakas din ang importasyon ng bigas sa kabila ng Masagana 99 at walang lupa ang karamihan sa mga magsasaka. Dagdag pa, sindak ang namayagpag sa bawat sulok ng mga unibersidad dahil sa militarisasyon at pagpaslang sa mga aktibista ng Batas Militar. Lusak kung maituturing ang Pilipinas sa diktadurang Marcos Sr., at ang patuloy na pagpilit sa imaheng Golden Era sa administrasyon ay paraan lamang upang makuha ang simpatya ng mamamayan sa kasalukuyang administrasyong Marcos Jr.. At ang pagpuntirya sa Rebolusyong EDSA bilang ugat ng kahirapan ay kalapastanganan sa henerasyong nagkaisa para sa kalayaan at demokrasyang patuloy nating tinatamasa.
Lantaran ang pagbababoy at pagbaluktot ng kasaysayan sa rehimen ng mga Marcos lalo na at ibinubura nila ang hugis buwayang pamamahala gamit ang historical distortionism. Unti-unti silang kumikilos upang baliktarin ang mapang-abusong liderato ng kanilang ama at ipinta ang kaniyang diktadura sa malagintong kulay. Pangunahing armas ng dinastiyang Marcos ang mass media sa pagpapakalat ng pekeng kasaysayan ng kanilang angkan. Hindi sila natigil mula sa panukalang pagtanggal sa salitang “diktadurya” sa araling “diktaduryang Marcos” sa mga paaralan, at ngayon ay burado sa mga kalendaryo ng mga tahanan ang paggunita ng Rebolusyong EDSA. Hindi sapat na dahilang sasapit sa araw ng Linggo ang araw ng EDSA kaya i-e-EDSA-pwera na lamang ang pagkaka-holiday nito. Ang holiday ay hindi lamang araw ng pahinga kung hindi paggunita sa isang tradisyon o piraso ng kasaysayang humubog sa lipunan. Simbolo ang Rebolusyong EDSA ng katapangan at kapangyarihan ng masa, at isa lamang ang ibig sabihin ng pagbura nito—takot ang mga Marcos sa masa. Takot silang magliyab ang ningas ng galit sa bawat mamamayan dahil ito ang magpapabagsak sa kanilang angkan. Ang kapangyarihan ay nasa masa subalit natutulog ito, kaya hangarin ng dinastiyang Marcos na patuloy tayong mahimbing sa kuna ng kasinungalingan, at isa ang Rebolusyong EDSA sa mga piyesa ng alaala na makagagambala sa pagpapatulog nila sa masa.
Ang hindi pagkilala sa Rebolusyong EDSA ng administrasyong Marcos ay nagbigay-linaw lamang sa mapansariling ambisyon nitong linisin ang reputasyon ng kanilang angkan. Subalit, ano pa man ang gawin nila, hindi mababago ang lagim na kanilang idinulot sa loob ng dalawang dekada. Ang mga martir ng Batas Militar ay patuloy na kikilalanin sa Bantayog ng mga Bayani, at tuwing mapadadaan ang mga Pilipino sa trapiko ng EDSA, babakas ang lipunang nagkaisa para sa liwanag ng demokrasya. Nawaglit man o pilit na winawaglit, nasa kaisipan ng masa ang kanilang kapasidad at kapangyarihan, at darating ang panahong gigising ang sambayanan at lalaban sa mga ganid at mapang-abusong lingkod-bayan. Hindi isang babaeng nakadilaw ang bayani ng EDSA kung hindi ang taumbayan na nagligtas sa kanilang sarili, at muli itong magagawa habang bitbit ang pag-asa’t alaala ng tagumpay ng nakaraan.