
Sa ginanap na "Magtanong sa mga VP at Dekano" nitong Enero, ibinahagi ng mga opisyal ng Pamantasang Ateneo de Manila ang kanilang mga plano at badyet para sa susunod na taong panuruan. Tinalakay ang iba't ibang usapin, mula sa pagbabago sa estruktura ng organisasyon ng Higher Education (HE), pagpapalawak ng mga opisina, at pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga empleyado.
Sa aspekto ng pagtuturo at pagkatuto, binanggit ang patuloy na pagsusuri sa kurikulum, ang pagpapatuloy ng face-to-face classes na may kaunting flexibility para sa online mode, at ang pagpapabuti ng mga silid-aralan at laboratoryo. Nagtatag ang pamantasan ng Educational Technology Committee upang suriin ang pangangailangan para sa digital technology, habang pinaplanong gawing mas epektibo ang paggamit ng Canvas at Zoom. Dagdag pa rito, tinalakay rin ang mga patnubay sa paggamit ng generative AI sa pag-aaral at pagtuturo, gayundin ang pagtatatag ng isang task force upang pag-aralan ang sistema ng pagmamarka sa siyam na paaralan ng pamantasan. Patuloy rin ang pagsasaliksik sa posibilidad ng distance learning, lalo na para sa graduate education.
Sa larangan ng research, creative work, at innovation, inilunsad noong Disyembre ang University Innovation Awards at isinulong ang mga polisiya sa pag-akda at co-authorship. Kasabay nito, pinaigting ang mga inisyatiba para sa internationalization at ang pagsusumikap na maabot ang mga layunin ng Lux in Domino 2030. Samantala, para sa mga proyektong pang-imprastruktura, inanunsiyo ang pagpapatatayo ng karagdagang tatlong palapag sa gusaling Matteo Ricci, ang pagpipintura ng mga gusali bilang bahagi ng regular maintenance, ang pagpapalit sa lumang sistema ng telepono tungo sa internet-based na teknolohiya, at ang pagsasaayos ng Old Rizal Library. Ipinahayag din ang 6% pagtaas sa matrikula para sa taong 2025-2026, gayundin ang 4% pagtaas sa library at laboratory fees, na nakabatay sa tinatayang 6.2% inflation rate ng Commission on Higher Education (CHED) at sa kinakailangang pagtaas ng sahod ng mga empleyado. Bagama’t makatarungan ang pagtaas ng sahod ng mga empleyado, hindi maikakailang dagdag-pasanin ito sa mga estudyante at kanilang pamilya. Paano ito maibabalanse upang hindi mahirapan ang mga mag-aaral? Sa kabila nito, binigyang-diin na walang pagtaas ng matrikula noong taong panuruang 2020-2022 at walang naging dagdag sa antas ng pagtaas ng sahod para sa mga empleyado mula noong pandemya. Layon ng pamantasan na magkaroon ng 2,600 na bagong mag-aaral sa Taong Panuruan 2025-2026, matapos mabigong maabot ang target na bilang sa nakaraang dalawang taon.
Isa pang kontrobersyal na usapin ay ang pagbaba ng pondo para sa mga iskolar mula sa pumapasok na kita ng pamantasan, na pilit binabalanse sa pamamagitan ng mas agresibong pangangalap ng donasyon. Bagaman mahalagang palawakin ang mga imprastraktura at tiyakin ang patas na kompensasyon sa mga empleyado, hindi maitatangging may kabalintunaan sa kasalukuyang sitwasyon. Dahil sa kabila ng pagtaas ng matrikula, tila hindi sapat ang nalilikom na pondo upang palawakin ang suporta para sa mga iskolar. Isa itong senyales ng mas malalim na suliraning pinansiyal sa loob ng pamantasan, kung saan mas nakasalalay ang mga programang pang-iskolar sa di-tiyak at pabago-bagong donasyon imbes ba sa mas matatag na institusyonal na pondo. Ang tanong ngayon: bakit tila ang mga estudyanteng may pangangailangan ang unang naaapektuhan sa kabila ng lumalaking singil sa edukasyon?
Sa bahagi ng open forum, ilang mahahalagang isyu ang binigyang-diin ng mga estudyante. Isa sa mga pangunahing tanong ay kung paano matitiyak na ang 6% pagtaas sa matrikula ay mapupunta sa benepisyo at sahod ng mga manggagawa, lalo na’t may kasalukuyang negosasyon sa pagitan ng administrasyon at unyon, pati na rin isang aktibong kaso sa Department of Labor and Employment (DOLE). Bilang tugon, ipinahayag ng administrasyon na hindi sila awtorisadong magbigay ng detalye ukol sa napag-usapan kasama ang unyon at iminungkahing lumapit ang mga mag-aaral sa iba pang matataas na opisyal ng Administrasyonpara sa karagdagang impormasyon. Ngunit bakit tila nagkukulang sa transparency? Kung ang layunin ng pagtaas ng matrikula ay para sa kapakanan ng mga guro at empleyado, hindi ba dapat ito mas malinaw na ipinapaliwanag sa mga estudyante na siyang pangunahing maaapektuhan?
Isa pang usapin ang mas maagang pagsasagawa ng "Magtanong" kumpara sa nakasanayang petsa nito na Marso. Ipinaliwanag ng administrasyon na nais makuha ng CHED nang mas maaga ang ulat sa konsultasyong ito. Napag-usapan din ang pondo para sa mental health services, lalo na at may mga naiulat na kaso ngangkang pagpapatiwakal kamakailan sa pamantasan. Tugon ng administrasyon, may nakalaang mental health fee at patuloy nilang sinusubukan na palakasin ang resources para rito, bagama’t iginiit nilang ang naitalanginsidente ay hindi direktang konektado sa bilang ng mga counselor. Lumitaw rin ang mga katanungan tungkol sa pinagmulan ng pondo para sa pagtatayo ng gusaling Matteo Ricci, gayong hindi pa naaaprubahan ang badyet. Ipinaliwanag ng mga opisyal na hindi mula sa matrikula ang pondong ito kundi galing sa mga donasyon, ngunit hindi ito laging isinasapubliko dahil sa kahilingan ng ilang donor na manatiling anonymous.
Samantala, isinulong din ng mga estudyante ang mga isyu sa imprastruktura, tulad ng seguridad ng pedestrian sa bagong ruta ng e-jeeps sa Gate 2.5 at ang pangangailangang maglagay ng mga traffic enforcer o stoplight. Tugon ng administrasyon, bagama’t prayoridad ang kaligtasan, mas pinili nilang maglagay ng safety signages at barriers imbes na traffic lights. Napag-usapan din ang mataas na bilang ng mga pusang namamatay sa kalsada malapit sa CTC-SOM. Ayon naman sa administrasyon, kasalukuyan nilang tinitingnan ang iba't ibang paraan upang balansehin ang pangangalaga sa mga pusa at ang kaligtasan ng mga estudyante. Isa pa sa mga nabanggit sa plenaryo ay ang epekto ng red brick road renovations sa daloy ng mag-aaral at mga sasakyan sa campus. Ipinahayag nila na walang malakihang pagbabago sa ruta ng e-jeeps, maliban sa limitasyon ng bilis sa 30 kph upang mapanatili ang kaligtasan.
Itinampok din ang mga usapin ukol sa readmission fee na nagkakahalaga ng ₱600, ang pagbaba ng scholarship opportunities kasabay ng pagtaas ng matrikula, at ang proseso ng pagpapakilala ng mga bagong programang pang-akademiko sa Ateneo, tulad ng BS Innovation Design Engineering (IDE) at ang planong BS Accountancy sa JGSOM. Bagama’t wala pang tiyak na timetable para sa pinaplanong programang ito, sinisiguro ng administrasyon na sasailalim ito sa masusing konsultasyon at naaprubahan ng CHED bago opisyal na ipakilala.
Sa kabilang banda, ipinahayag ng ilang kinatawan ng Partido Pandayan ang kanilang pagkadismaya sa tila pagiging tikom ng administrasyon sa ilang mga usaping may malaking epekto sa mga estudyante. Para sa kanila, bagama’t may pagsisikap ang Sanggunian, tila may tendensiya pa rin ang pamantasan na umiwas sa tuwirang pagsagot sa mahahalagang katanungan, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa transparency at representasyon ng mga mag-aaral sa paggawa ng mahahalagang desisyon. Nakababahala raw kung ang isang institusyong ipinagmamalaki ang pagiging bukas sa diskurso ay tila umiiwas sa ilang mahahalagang tanong. Para sa kanila, ang transparency at konsultasyon ay hindi dapat maging isang pormalidad lamang kundi isang aktuwal na proseso ng pagbibigayan ng pananaw at pag-unawa.
Bagama’t naibahagi ng administrasyon ang kanilang mga plano at badyet para sa 2025, marami pa ring tanong ang nananatiling bukas. Patuloy ang pangangailangan para sa mas malinaw na transparency sa pondo ng unibersidad, mas inklusibong konsultasyon sa mga estudyante, at mas tiyak na mga hakbang upang matugunan ang mga pangunahing suliranin sa loob ng pamantasan. Isang mahalagang plataporma para sa dayalogo ang "Magtanong sa mga VP at Dekano,” ngunit kung tunay na nagnanais ang Ateneo na mapanatili ang diwa ng pagiging "person for others," kailangang tiyakin na ang boses ng mga mag-aaral ay hindi lamang pinakikinggan kundi tunay ring isinasaalang-alang sa bawat desisyong ginagawa.