Kamatayan, Katarungan, at Kaligtasan: Nakaambang Pagbabalik ng Death Penalty sa Pilipinas

Mata Online
NI
NINA
Rigo Cruz
AT
Kevin Castro
Agosto 8, 2020

Sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong ika-27 ng Hulyo, muling pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang korong tumawag para sa agarang pagbabalik ng parusang kamatayan sa Pilipinas. Sa lumipas na apat na taon ng kaniyang administrasyon, bigo ang Kongreso na muling ibalik ang sentensyang ito. Matatandaang isa ito sa mga pangako ni Duterte sa kaniyang kampanya noong 2016 na siya namang umani ng sari-saring batikos mula sa mga pangkat na nagsusulong sa karapatang pantao. Nahahati ang tindig ng bansa sa naturang usapin—marami ang sumusuporta at naniniwalang ito ang makalulutas sa lumalalang antas ng krimen sa bansa. Sa kabilang dako, para sa mga kumokontra rito, ipinagsasawalang-bahala ng parusang kamatayan ang mga karapatang pantao. Mapanganib ang panukalang ito, lalong-lalo na sa mga walang sala ngunit patuloy pa ring nabibilanggo dahil sa sistemang panghukumang nanaig sa bansa.


Humigit-kumulang 20 taon na ang nakalipas nang umani ng batikos ang sistemang panghukuman matapos mabilanggo sina Francisco Juan Larrañaga at ang anim na iba pa sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensiya. Isa lamang itong halimbawa kumpara sa libo-libong kasong nahatulan ng parusang kamatayan matapos itong maibalik muli noong 1993 sa ilalim ng administrasyong Ramos. Matatandaang noong 1987, umukit ng marka sa kasaysayan ang Pilipinas dahil ito ang unang bansa sa Asya na nagpawalang-bisa sa parusang kamatayan at nagbalik ng kahalagahan sa mga karapatang pantao makalipas ang rehimeng Marcos. Ngunit makalipas ang sampung taon, higit 400 na ang nahatulan ng parusang kamatayan simula noong ibalik ito ni Ramos. Labindalawa ang karaniwang hinahatulan ng kamatayan kada buwan. Sa loob ng halos apat na taon, kinilala na ang Pilipinas bilang isang bansang may pinakamaraming bilanggong nasa death row. Ayon sa datos ng Korte Suprema, pumapatak sa 71.77% ang judicial error rate sa mga kasong hinahatulan ng nasabing parusa mula 1993 hanggang 2004. Sa mas madaling salita, 7 sa bawat 10 na bilanggong bibitayin ang walang sala. Noong 2006, tuluyan nang itiniwalag ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang death penalty at pinalitan na lamang ito ng panghabangbuhay na pagkakakulong. Sa kabila ng kahindik-hindik na posibilidad ng pagkakamali sa paghahatol, patuloy pa ring nahuhumaling ang bansa sa ideya ng muling pagbabalik ng parusang kamatayan.


Mayroong kalakip na pangako ang muling pagsasabatas ng parusang kamatayan—ito ang pangako ng huwad na katarungan at mas ligtas na mga lansangan. Madaling paniwalaan ang katagang: “mata para sa mata, ngipin para sa ngipin” dahil ipinaparating nitong makatatanggap din ng karumal-dumal na parusa ang mga taong gumawa ng mga karumal-dumal na krimen. Para sa karamihan, ang kanilang ideya ng katarungan ay isang uri ng retribusyon sa halip na reporma. Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, isang kasapi ng Committee on Justice and Human Rights sa Senado, nararapat lamang na ibalik ang parusang kamatayan. Naniniwala siyang magdudulot ito ng takot upang masugpo at lubos na mabawasan ang mga krimen sa bansa. Taliwas ito sa pahayag ni Champa Patel noong 2017, direktor ng Amnesty International sa Timog-Silangang Asya, na hindi masusugpo ng parusang kamatayan ang tumataas na bilang ng krimen sa bansa. Hindi makatao at walang saysay ang pagbabalik ng naturang parusa, dagdag pa ni Patel. Ayon naman kay Jose Manuel Diokno, isang abogado para sa mga karapatang pantao, tanging kasiguraduhan lamang na mapaparusahan ang mga lumalabag sa batas ang lubusang makapipigil sa krimen. 


Hindi maikakailang nakaamba ang muling pagbabalik ng parusang kamatayan lalo na at mahigpit ang hawak ni Duterte sa tatlong sangay ng pamahalaan at iilan lamang ang tumataliwas sa kaniya. Maraming kaakibat na bunga ang muling pagsasabatas ng parusang kamatayan. Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, mawawalan ng moral ascendancy ang Pilipinas sa mga dayalogo nito sa iba’t ibang mga bansang mayroong humigit kumulang 100 na mga overseas Filipino workers na nahatulan na ng kamatayan. Bilang pagtugon sa hiling ng mga taong ibalik ang nasabing batas, iminungkahi ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga karampatang parusa mula sa mga pandaigdigang batas. Dagdag pa ng CHR, lalabagin ng panunumbalik ng parusang kamatayan ang international treaty na nilagdaan ng Pilipinas ukol sa pagbuwag sa naturang parusa. Bukod dito, kasalukuyang nakabaling at nakatuon ang pokus ng pamahalaan sa kagustuhan ni Duterte na ibalik ang death penalty. Pinuna ni Senator Nancy Binay ang tiyempo ng panukalang ito sa kabila ng pagkamatay ng higit 2000 na Pilipino dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Ayon kay Binay, dapat umanong unahin ng pamahalaan ang pagbuhay sa mga mamamayan nito sa halip ng pagkitil sa mga ito. Sa ngayon ay mayroong humigit-kumulang 116,000 na kaso na ng COVID-19 sa bansa, dagdag pa rito ang kawalan ng hanapbuhay ng milyon-milyong Pilipino. Sa kabila nito, nananatili pa ring malabo ang plano ng administrasyon kontra sa COVID-19 matapos isailalim ang malaking bahagi ng bansa sa community quarantine limang buwan na ang nakalipas. 


Kumukontra sa mga maralita ang pagbabalik ng parusang kamatayan. Banta ito sa mga walang kakayahang kumuha ng mahusay na manananggol. Higit sa lahat, maaari itong matanaw ng lipunan bilang ang pinabago at pinatinding uri ng extrajudicial killings. Kapuwa kumakastigo ito sa kabila ng kawalan ng angkop at maayos na paglilitis. Hindi pa rin tiyak na mananagot ang mga may sala sa ilalim ng parusang kamatayan, lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng sistemang panghukuman. Sa pagbabalik ng parusang ito, malaki ang pagkakataong maliligaw ang tunay na kahulugan ng katarungan sa pagitan ng paghihiganti at pananakot. Ang hatid nitong huwad na katarungan ay kailanman hindi paghilom kundi pananamantala sa karapatang pantao. Hindi patas ang sistemang panghukuman sa bansa dahil may malimit itong pinapaburan at kinikilingan. Sa huli, katiwalian at kapabayaan lamang ang masisigurado ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa halip na katarungan at kaligtasan.

IBa pang artikulo