Marcos, Aquino at ang Oligarkiya: Nasaan ang Sambayanan?

Matalastas
NI
NINA
Stephany Esguerra
AT

Kapag sinabing Batas Militar sa Pilipinas, madalas na naaalala ng mga tao ang tunggaliang Marcos vs Aquino. Kanino ba tayo, kay Ninoy o kay Makoy? Ngunit sa kanila nga ba talaga umiikot ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan noong panahon ng diktatura ni Marcos?

Kapansin-pansin sa ating bansa ang kahalagahan ng apelyido. “Tan/Cojuangco iyan, huwag mong galawin.” Ilan lamang sila sa mga angkang may taglay na yaman at kapangyarihan. Kapansin-pansin ang hekta-hektarya nilang mga lupain, matataas na mga gusali, at magagarang mga sasakyang kanilang pagmamay-ari. Sino sila?

Oligarkiya

Sila ang oligarkiya, ang iilang makapangyarihang naghahari sa ating bansa. Malamang, hindi kapansin-pansin ang kanilang puwersa noong panahon ng Martial Law buhat ng malubhang ginawa ng rehimeng Marcos. Ngunit kung sisiyasatin ngayon ang naging papel ng oligarkiya, o ang pagka-malapiyudal ng ating bansa noong panahon ng Martial Law, at marahil hanggang ngayon, sino nga ba ang mga oligarkiya?

Sila ang mga taong hindi lamang mayroong hawak ng kapangyarihan dahil sa ekonomiya, kundi pati na rin sa pulitika. Siguro, mas nababagay na tawagin natin silang cronies sa bahaging ito. Ang mga cronies ang mayayamang pamilyang sumuporta/sinuportahan ni/kay Marcos noong panahon ng kaniyang diktatura. Sila ang mga pamilyang nakinabang sa mga nakaw ni Makoy sa kaban ng bayan. Sinamantala nila ang mga minahan at yaman ng ating bansa para sa kanilang personal at ganid na interes.

Isa rito si Danding Cojuangco, pinsan ni dating Pangulong Cory Aquino. Nakinabang si Danding, bilang isang panginoong maylupa, sa hindi makatarungang patakaran para sa mga magsasaka ng kaniyang mga lupain. Nakinabang din siya sa mga patronage na ibinigay sa kaniya ni Marcos. Isa lamang siya sa mga naghaharing mga negosyante rito sa Pilipinas.

Ang Batas Militar at ang Oligarkiya

Kung sisipatin nang maigi ang karahasan noong Batas Militar sa Pilipinas, kapansin-pansin na karamihan sa mga nawawala o namamatay, puro mga mahihirap, o ang mga nasa laylayan. Bakit? Marahil sa kadahilanang nagpabango at kumapit si Marcos sa lakas at pera ng mga oligarkiya dito sa ating bansa. Ang mga batas na isinakatuparan ni Marcos ay elitista. Mayayaman lamang ang karamihang nakikinabang dito. Ang mga reporma sa lupain noong rehimen ni Marcos ay mas mayroong pagkiling sa mga may-ari ng mga hacienda sa Pilipinas. Ang mga imprastruktura na kaniyang mga pinagawa ay may bahid ng katiwalian. Tinipid ang mga kagamitan sa pagtatayo at kinuntsiyaba ang mga ahensiya at korporasyong gumawa nito.

Tumaas rin ang buwis noon at lumaki rin ang utang ng Pilipinas sa World Bank dahil nga sa pagpapatayo ng mga imprastruktura para sa sambayan. Ngunit sa pagtaas ng buwis, bumaba ang bayad sa mga manggagawa at tumaas ang renta ng mga magsasaka walang lupa sa mga lupaing kanilang ibinubungkal. Lumaki ang agwat sa pagitan ng oligarkiya at ng mga nasa laylayan. Pahina nang pahina ang boses ng mamamayan dahil palakas nang palakas ang halakhak ng mga cronies na nasa likod ng kanilang sinasambang si Marcos.

Ngunit kahit anong lakas at yaman ng mga cronies, mas naging malakas ang paninidigan ng mga Pilipino. Nag-alsa ang mga pesante at iba’t ibang sektor, at nanindigan sa EDSA ang masang Pilipino. Ngunit ano ang naaalala? Ang labanang Cojuangco-Aquino vs Marcos pa rin. Nasasantabi ang pakikibaka ng masang Pilipino dahil nagbabangayan lamang ang mga naghaharing uri para sa puwesto sa taas ng lipunan. Napakasakit na mas naaalala ang labanan ng dalawang higanteng pamilya at madalas nakaliligtaan ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Ang Oligarkiya Pagkatapos ng Batas Militar

Maaaring nanalo nga tayo noon laban sa isang diktador sa pamamagitan ng People Power Revolution ngunit kahit ngayon, hindi pa rin naisasakatuparan at nakakamit ang tunay na kalayaan at demokrasyang matagal nang ipinagsisigawan ng bansang Pilipinas. Hanggang ngayon, namamayani pa rin ang lakas at paninikil ng naghaharing uri. Ang mga sumunod na pangulo at iba pang nasa puwesto pagkatapos ng diktadurya ni Marcos ay mga elitistang ayaw bumaba sa kanilang mga pribilehiyo. Dahil sa ganitong sistema ng ating bansa, kahit ngayon, buhay na buhay pa rin ang pang-aabuso sa kapangyarihan.

“Maaaring nanalo nga tayo noon laban sa isang diktador sa pamamagitan ng People Power Revolution ngunit kahit ngayon, hindi pa rin naisasakatuparan at nakakamit ang tunay na kalayaan at demokrasyang matagal nang ipinagsisigawan ng bansang Pilipinas.”

Kapag mayroong isang krimeng ginawa ang mga naghaharing angkan, dadaan sa isang mahaba at detalyadong pagproseso sa kaso. Ngunit kapag isang hamak na adik, pinapatay agad na hindi man lamang dumadaan sa tamang proseso ng imbestigasyon.

Nakatali ang ating mga leeg sa tanikalang hawak ng mga naghaharing uri. Sila ang pinakanakikinabang sa mga batas na ipinapatupad ng ating gobyerno. Palayo nang palayo, at paliit nang paliit ang mga nasa laylayan. Palakas naman nang palakas ang kapit nila sa ating gobyerno.

Ang Sambayanan

Sa paggunita sa darating na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, tama pa nga kayang isiping Ninoy vs Makoy ang naganap? Bakit hindi natin ipalawig ang laban ng buong mamamayang Pilipino? Bakit hindi natin ipagsigawan sa harap ng oligarkiyang ito na hindi ito isang hamak na labanan ng mga mayayamang angkan? Isa itong laban para sa bayan, sa lahat ng Pilipino, para sa banayad na demokrasyang nararapat para sa ating bansa.

O kay sarap sigurong gumising sa isang lugar at panahong ginagamit ng mga elitista ang kanilang mga ari-arian upang maiahon ang mga nasa laylayan. Kay sarap sigurong makita na ang buong Pilipinas ay malayang nararamdaman ang demokrasya at hustisya. Kay sarap sigurong kumawala sa ating malakolonyal na pamahalaan at maramdaman bandang huli ang tunay na kalayaan.

IBa pang artikulo