Noon at Ngayon: Ang Kabataan sa Gitna ng Mapanghamong Panahon

Mata Online
NI
NINA
Jubert Calamba
AT
Genesis Gamilong

Ninanakaw ng malakolonyal na sistema ang mga atensyon ng kabataan mula sa mga pangyayaring mahalaga para sa pagtataguyod ng ating lipunan. Madalas, nagiging katuwiran ng kabataan ang kawalan nila ng kapangyarihang makabuo o makapagsimula ng pagbabago sa sistema. Masyadong maliit ang kanilang mga boses at wala silang sapat na kakayahan upang manindigan para sa bayan at ipagtanggol ang mga naaapi.

Sa isang banda, tila may matibay na katuwiran ang ilang kabataang ganito mag-isip. Subalit, hindi mapagkakaila na maaring makaapekto sa kinabukan ng ating bansa ang kawalan nila ng kamalayan sa mga usaping panlipunan. Bukod pa rito, hindi ganap na dahilan ang murang gulang upang tumanggi sa tawag ng pagkakataon na makibaka.

Isa na nga sa mga lantarang halimbawa nito ang kabataan noong panahong ng diktaduryang Marcos. Maraming kabataan ang nagpahayag ng pagtutol sa rehimen ni Marcos sa pamamagitan ng kaliwa’t kanang protesta at samu’t saring artikulong iniimprenta sa mga opisyal na publikasyon ng iba’t ibang paaralan. Naging sanhi pa ng kamatayan ng iba at pagkakakulong ng marami ang mga ganitong pakikibaka. 

Malay ang kabataang ito sa maaari nilang sapitin sa pakikibaka laban sa diktador ngunit hindi ito naging hadlang sa kanila upang ipaglaban ang mga naaapi at naaabuso sa panahong iyon.

Ilan sa mga prominenteng aktibista noon ay si Edgar Gil Jopson o mas kilala sa tawag na Edjop. Hindi ipinanganak na aktibista si Edjop ngunit tumugon siya sa hamon ng panahon. Noong First Quarter Storm, sa halip na isang demonstrasyon, pinili ng grupo ni Edjop na makipagpulong kay Marcos sa Malacanang. Sa panahong ito, sinabi ni Marcos na hindi siya tatakbo para sa ikatlong termino ngunit nang hilingin ng kampo ni Edjop na isulat ito upang maging katunayan; nagalit ang dating pangulo at minaliit ang pagkatao ni Edjop. Bukod pa rito, naging bahagi rin si Edjop ng Philippine Association of Free Labor Unions. Pinili ni Edjop na makipamuhay kasama ang mga uring manggagawa. Dito, isinulong niya ang iba’t ibang reporma para sa mga manggagawa at pinangunahan ang mga demonstrasyon laban sa administrasyon. 

Matapos ang ilang taon, nagpasya si Edjop na tumungo sa kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka, ang kinokonsiderang pinakamataas na antas ng pakikibaka noong panahon ni Marcos. Nadakip si Edjop sa Davao noong Setyembre 20, 1982 at dinala sa isang kampo militar. Dahil hindi siya nakipagtulungan sa mga militar, pinatay si Edjop nang sumunod na araw.

Bukod kay Edjop, isa pa sa mga kilalang personalidad na lumaban sa diktadurya si Neri Colmenares, isang dating kongresistang kinatawan ng Bayan Muna. Labingwalong taong gulang si Neri nang maging aktibo ito sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).

Hinuli si Neri, at matapos niyang makulong, lumipat siya sa Maynila para sa iba’t ibang gawaing relihiyoso. Matapos nito, lumipat si Neri sa lambak ng Cagayan at doon ipinagpatuloy ang kaniyang pagtuligsa sa pamahalaan. Matapos ang limang buwan sa lambak ng Cagayan, hinuli siya ng mga militar at ikinulong ng apat na taon. Sa kulungan, tinortyur at kinulong siya, kasama ang mga kapwa kabataang hinuli ng mga militar.

Hindi lang kalalakihan ang lumaban sa mapang-aping diktadurya. Nandiyan din si Liliosa Hilao na isang aktibista at patnugot ng opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na “Hasik”. Hindi sumasama si Liliosa sa mga demonstrasyon noong panahon ng batas militar ngunit ipinahayag niya ang kaniyang mga saloobin sa pahayagan ng PLM. Ilan sa mga isunulat niyang akda ay ang “Vietnamization of the Philippines” at “Democracy is Dead in the Philippines under Martial Law.” Naging dahilan upang pag-initan ng pamahalaan si Liliosa. Isang gabi, sinugod ang bahay ni Liliosa ng mga tauhan ng Philippine Constabulary Anti-Narcotics Unit (CANU). Kahit walang dalang search o arrest warrant, hinuli ng CANU si Liliosa at ang kapatid nitong si Josefina. Ilang araw matapos siyang mahuli, namatay si Liliosa dahil sa tortyur at panglalason gamit ang muriatic acid.

Hindi lang sila ang nakibaka. Nandiyan din ang mga katulad nina Bonifacio Ilagan at Jose Tausan na unang taon pa lang sa Unibersidad ng Pilipinas, sumasama na sa mga kilos-protesta at tumutulong sa mga manggagawang bumuo ng mga unyon. Limampung taon mula nang una silang sumali sa mga demonstrasyon, patuloy pa ring silang sumasama sa mga protesta laban sa pagbabalik ng mga Marcos sa Malacanang.

Bukod sa kanila, nakiisa rin sa mga kilos protesta noong 1974 si Ed Tablan ng Philippine College of Commerce, na ngayon ay Polytechnic College of the Phillipines na. Hinuli sila sa parehong taon at tinortyur upang ilantad ang mga pinuno ng kilusan. Sa kabila ng pagpapahirap sa kaniya, hindi niya nilaglag ang kahit sino sa kaniyang mga kasamahan. Sa kasalukuyan, patuloy siyang lumalaban dahil naniniwala siyang nagpapatuloy pa rin ang pakikibaka para sa purong kalayaan at demokrasya.

Sa lahat ng mga kabataang nabanggit, iisa ang namumutawing ideya: hindi hadlang ang edad para makibaka para sa bayan. Responsibilidad ng bawat isa, kabilang na ang mga kabataan, ang ipagtanggol ang bayan mula sa mga nagnanais yurakan ang kalayaan at demokrasyang matagal nang hinahangad at ipinaglalaban.

Hindi nanghihingi ng higit sa ating makakaya ang bayan. Hinihingi lamang nito ang ating kamalayan sa mga isyung panlipunan nang mas madali tayong makagagawa ng mga konkretong hakbang upang siguruhing hindi na muli mangyayari ang kadilimang napagdaanan ng bayan noon.

Kamalayang may kaakibat na pagsasapraktika ang susi upang iwaksi ang kawalang pakialam sa bayan. Hindi na tayo mahihintay ng bayan. Oras na upang tumugon sa tawag nitong maging mulat at malay ang kabataan.

IBa pang artikulo