
Hindi maipagkakaila na may iba’t ibang pinansyal na estado ang bawat mag-aaral sa Pamantasang Ateneo de Manila bilang isang pribadong institusyon, subalit tila nakagugulat na marami pa rin ang hindi man lang pamilyar sa halaga ng bawat byahe ng Metro Rail Transit (MRT) o Light Rail Transit (LRT). Sa kabila ng dami ng komyuter sa populasyon ng mga mag-aaral, may kaakibat ding dami ng nagmamay-ari o may pribilehiyo na makasakay sa mga pribadong sasakyan. Nang tanungin kung magkano ang isang sakay ng tren, marami ang nawindang nang sumagot ang isang Atenista sa panayam ng “P10K” o sampung libo raw ang pamasahe sa pampublikong tren.
Hindi pamilyar ang ilang mga Atenista sa ganitong bagay, at hindi rin nakapagtataka kung hindi mulat ang kanilang pananaw sa pampublikong transportasyon at madalas, nakadepende lamang sila sa kanilang buhay na kinalakihan.
Nagbunga ang lahat nang lumabas ang isang bidyo sa TikTok kung saan nakapanayam ng isang content creator ang ilang mga Atenistang nakatambay sa John Gokongwei Student Enterprise Center (JSEC) at ang pasilyong kalapit nito. Huhulaan nila umano kung magkano ang pamasahe sa mga tren. Nang magsaad ang karamihan sa kanila ng malalaking halaga ng pera bilang sagot kaagad itong nagbukas ng diskurso sa iba’t ibang social media platforms.
Mangmang daw sa tunay na nangyayari sa lipunan ang mga Atenista, kesyo laki ang mga ito sa pribilehiyo — ito ang madalas na naririnig mula sa mga taong hindi talaga nakikita ang tunay na nangyayari sa loob ng Ateneo de Manila.Subalit, tunay nga bang nakakulong ang reputasyon ng pamantasan sa ganitong mga komento, gayong isang bahagi lamang ng populasyon ang nakapanayam?
Bagaman mayroong iba't ibang klase ng transportasyon sa labas ng pamantasan, mas angat pa rin ang bilang ng mga pribadong sasakyan sa Katipunan Avenue na pumapalo sa 62.47% ayon sa datos mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA). Samantala, mas mababa pa sa sampung porsyento ang kabuuang bilang ng mga sasakyang para sa pampublikong transportasyon sa pang-araw-araw. Dahil dito, araw-araw din nagiging mabigat ang daloy ng trapiko, lalo na tuwing rush hour sa umaga at gabi. Bunga ng mas “madali” at iwas sa abala ang paggamit ng sasakyan, mas pipiliin na lamang ito ng mga Pilipino kaysa maghanap ng mga alternatibong opsyon sa kalsada.
Sa madaling salita, hindi malawak ang sakop ng pampublikong transportasyon sa kabuuan ng masang Pilipino. Kung nakaaambag man sa kapakanan ng mga motorista ang mga programang isinasagawa, pilit naman itong tinatanggal ng mga nasa itaas, tulad na lang ng panukalang pagtatanggal sa EDSA Bus Lane.
Maliban dito, maaaring ang ibang mga Atenista ay lumaki sa isang kapaligiran kung saan iba’t ibang pribilehiyo ang kanilang nakagisnan. Pribilehiyong pampinansyal man o sa mga pang-araw-araw na bagay na katulad ng transportasyon, may malaking posibilidad na magkakaiba ang pinanggalingan ng bawat pamilya ng mga estudyante, guro, o kahit pa mga manggagawa. Maliban sa tren, dyip, bus, at iba pa, maaaring mas napakikinabangan nila ang mga mamahaling sasakyan at paggamit ng mga parking spaces sa kampus.
Ngunit hindi sapat para maukit ang posibilidad na baka nga nagmula ang isyung ito sa isang bahagi lamang ng populasyon ng mga mag-aaral sa isip ng mga netizens. Hindi rin sapat ang mga dahilan na ito para matawag na "out of touch" o hindi mulat sa katotohanan ang mga bumubuo ng pamantasan.
Kung hindi naman sapat ang mga impormasyong nakalap tungkol sa isyu ng sampung libong pamasahe, paano tayo makasisiguro na balang araw ay magiging bukas din ang kabuuang pananaw ng pamantasan sa loob at labas nito tungkol sa sistema ng transportasyon ng bansa?
Bilang mga Atenista, posibleng sa pamamagitan ng pagtingin sa iba't ibang sektor sa labas ng ating nakagisnang kapaligiran, magsisimula ang pagbibigay-malay natin sa isyung ito. Kabilang na rito ang hindi pagpokus sa pakikipagpanayam sa iisang sektor lamang ng populasyon ng Ateneo. Bukod dito, kabilang din ang pag-iimplementa ng National Service Training Program (NSTP), at ang mga programa ng Binhi, Punla, at Bigkis ng Ateneo, kung saan hinihikayat ang mga mag-aaral na pumunta sa iba’t ibang komunidad at tingnan kung paano nga ba sila mamuhay at magkaroon ng mga kanya-kanyang pananaw tungkol dito. Taon-taon itong ginagawa kasabay ng mga asignaturang Understanding the Self (SocSc 11), NSTP 11, at NSTP 12, upang mas magkaroon pa sila ng pagkakataong maunawan ang sitwasyon ng bawat komunidad sa labas ng pamantasan.
Ngunit, sapat na ba ang makukuhang kaalaman ng mga kolehiyalang Atenista sa pamamagitan lamang ng ilang taong area engagements?
May mga pagbabago na isinusulong para mas “maging maayos” ang sistema ng transportasyon dito sa Pilipinas. Sobra pa nga ang bilang ng mga taong gumagamit ng pampublikong transportasyon, ngunit sa halip na magkaroon ng aksesibilidad ay hindi sapat ang bilang ng mga sakayan at sasakyan na para sana sa masa. Imbis na gamitin ang pondo ng taumbayan para tugunan ito ay ginagamit lamang ito para sa personal na interes ng mga nakatataas.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga dahilan kung bakit ignorante pa rin ang ibang mga Atenista sa mundo sa labas ng pamantasan. Bagaman nagkakaroon ng mga pag-unlad upang matugunan ang ganitong klaseng isyu sa lipunan, patunay lamang ang bidyo ng “P10K train fare” sa kakulangan ng pakikisalamuha ng mga mag-aaral sa mga ganitong bagay. Mabuti man ang intensyon ng mga programang inihahatid ng Ateneo, ngunit hindi pa rin magiging sapat ang mga ito kung ang mga Atenista mismo ang tatalikod sa mga aral na dala nito at patuloy na magpapadala sa sarili nilang kamangmangan at pribilehiyo.