.png.png)
#Matalita | Bilang paghahanda sa Halalan 2025, inanyayahan ng Administrasyon at Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila ang lahat ng kuwalipikadong botante sa komunidad na makilahok sa binuksang mock poll ngayong Miyerkules, ika-2 ng Abril.
Sa pangunguna ng Ateneo Task Force for the 2025 Midterm Elections (ATF-ME 2025), layon ng sarbey na sukatin ang pulso ng komunidad ng Ateneo sa nalalapit na halalan habang itinataguyod ang pakikilahok sa mga demokratikong institusyon at masusing pag-unawa sa mga plataporma ng mga kandidato.
Ang botohan ay isasagawa online kung saan maaaring bumoto ang mga kalahok sa pamamagitan ng mock election form na mabubuksan lamang gamit ang opisyal na email ng mga miyembro ng pamantasan para sa seguridad ng datos.
Bukas ang mock elections para sa lahat ng miyembro ng komunidad ng Ateneo, kabilang na ang mga mag-aaral ng Senior High School, undergraduate at graduate na estudyante, kaguruan, empleyado, at iba pang mga kawani ng unibersidad. Mananatiling bukas ito hanggang Biyernes, ika-11 ng Abril.
Tiniyak din ng ATF-ME 2025 sa inilabas nilang memorandum na magiging boluntaryo at anonymous ang partisipasyon ng mga botante, at tanging ang pangkalahatang resulta at resulta bawat kategorya ang ilalabas sa ulat.
Basahin ang buong memorandum sa link na ito:
Invitation: Ateneo University-Wide Mock Elections 2025