.png.png)
BINASAG ng Israel ang kasunduang tigil-putukan nang muling magpabagsak ito ng bomba sa kahabaan ng Gaza Strip na pinuntirya ang mga kabahayan, tolda, at iba pang mga tirahan ng mga sibilyan.
Nagsimula muli ang pag-atake ng Israel nitong Martes lamang, ika-18 ng Marso, sa mga lugar ng Khan Younis at Rafah sa timog ng Gaza, Lungsod ng Gaza sa hilaga, at ang mga sentral na lugar kagaya ng Deir el-Balah.
Ayon sa ulat ng Palestinian Youth Movement (PYM), pinuntirya ng mga militar ng Israel ang mga lugar na may mga malaking bilang ng mga mamamayan kagaya ng mga kabahayan sa Deir al-Balah at ang mga toldang ginagamit ng mga mamamayang Palestino upang maglipat-bahay malapit sa Rabat College, kanluran ng Khan Younis.
Ayon sa datos ng Al Jazeera, tinatayang nasa 404 na Palestino ang pinaslang sa patuloy na pandarahas ng mga militar ng Israel sa mga okupadong lupain ng mga mamamayang Palestino. Dagdag pa rito, ipinahayag din ng Ministro ng Kalusugan ng Gaza na karamihan sa mga pinatay ay mga kabataan.
Direktang lumalabag ang muling pagatake ng pwersa ng Israel sa kasunduang tigil-putukan na tumagal ng dalawang buwan lamang na mula noong ika-19 ng Enero.
Katwiran ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu, inilabas niya ang utos na ipagpatuloy ang pandarahas sapagkat tinanggihan daw ng Hamas na ilabas ang mga nalalabing bihag nito na kinuha sa Israel.
Taliwas ito sa napagkasunduan nitong Biyernes, ika-14 ng Marso, sa pagpapalabas ng isang bihag na US-Israeli at apat na bangkay ng mga namatay sa pagkabihag ng Hamas na agad na pinagdudahan ng gobyerno ng Israel.