PAGTAYA SA POGO: Ang Pagsuri sa Kalagayan ng Offshore Gaming sa Bansa

Mata Online
NI
NINA
Angela Lee
AT
Kevin Castro

Mula sa pagdagsa ng mga Tsino hanggang sa pagpaskil ng mga karatulang hindi maunawaan ng mga Pilipino dahil nakasulat ito sa ibang wika, kapansin-pansin ang mga pagbabagong hatid ng pag-usbong ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, lalo na sa mga siyudad na matatagpuan sa Metro Manila. Bukod sa mga nagmistulang “Chinatown” na itsura ng mga pook, tila nagkalat din ang mga nasasangkot na empleyado ng POGO sa balita sa tuwing nagiging sanhi sila ng ilang kaguluhan at abala.

Noong 2016, naglabas ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng mga regulasyon ukol sa POGO upang mabantayan ang paglaganap ng mga online gaming pie na kadalasang nagmumula sa Tsina. Dahil itinuturing na ilegal sa kanilang bansa ang anumang uri ng sugal, ang tanging solusyon para matugunan pa rin nila ang kagustuhang makapagsugal ay gawin ito sa mga barko o hindi kaya ay sa ibang bansa. At sa pagkakataong ito, Pilipinas ang isa sa mga tumangkilik nito dahil hindi na rin bago ang sigla nito pagdating sa casino magmula noon.

Bagama’t wala pang opisyal na bilang ang pamahalaan, hindi lalagpas sa tinatayang 130,000 na dayuhang Tsino ang manggagawa ng mga POGO hub. Sa marketing, customer service, at IT support sila karaniwang nagtatrabaho dahil pinagtutuunan nito ang online gambling sites.

Nakatutulong ang ganitong hakbang sa paglago ng ekonomiya lalo na at nagbukas ito ng pagkakataon sa mga negosyante para mamuhunan. May pangako rin ng buwis na makukuha mula sa sistema ng junket kung saan nag-aalok sila ng package tulad ng sugal, turismo, at minsan pati na rin prostitusyon upang higit pang makahatak ng manlalaro. Sa pagdami ng mga manlalaro, nabibigyan din ng buhay ang turismo sa Pilipinas.

Perwisyo umano ng POGO

Marami nang insidenteng naitala tungkol sa pagkaabalang naidulot umano ng POGO. Isang halimbawa nito ang pagtaas ng renta ng mga condominium unit malapit sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan bilang tugon sa mataas na demand ng mga Tsinong nais umupa. Samantala, napipilitan tuloy ang ilang Pilipinong manuluyan sa mas malayo ngunit mas abot-kayang tirahan.

Dinadaing din ng ilang Pilipino ang mas napalalayong lakad papunta sa mga terminal ng pampublikong sasakyan. Nalipat daw ang lokasyon nito matapos masakop ng mga sasakyang naghahatid sa mga empleyado ng POGO ang kalsada.

Bukod din sa pag-aamok ng mga Tsino na lasing, tila nalalagay sa alanganin ang kaligtasan ng bansa dahil sa kabilaang insidente ng kidnapping. Nitong Disyembre lamang, nabulabog ang lungsod ng Makati nang namataan ang pagdakip ng isang babaeng empleyado ng POGO sa isang van. Ayon sa ulat ng pulisya, masasabing hindi bababa sa isa ang kaso ng kidnapping ng mga manggagawa ng POGO kada buwan.

Mayroong mga insidente rin kung saan nahuli ang ilang babaeng Tsino na nagtatrabaho sa mga sex den sa loob ng ilang gusali ng POGO. Sa mga lugar na ito nagsilbing tulay ang POGO upang lumaganap ang prostitusyon at iba pang uri ng krimen.

Relasyon ng Pilipinas at Tsina

Sa pakikitungo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina, tila mas nabibigyang-diin ng mga Pilipino ang mga insidente kung saan nasasangkot ang mga Tsino.

Ilang beses nang napabilang ang Tsina sa kontrobersiya, kabilang na rito ang nagbabagang isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea. Hindi rin maitatanggi ang mataas na tubo umano ng Tsina bilang pangunahing kontraktor ng Kaliwa Dam kung saan ang sarilingenvironmental laws ng kanilang bansa ang ipatutupad dito. Sa kabila ng pag-angal ng ilang grupo sa desisyong ito ng pamahalaan, partikular na ang mga katutubo, hindi pa rin sila pinaringgan ng pangulo at nagpatuloy pa rin ang proyekto.

Dagdag pa rito, umani rin ng batikos ang ilang taong pagkaantala sa operasyon ng Dalian trains mula Tsina. Idadagdag ang mga bagon ng tren na ito sa linya ng Metro Rail Transit na kadalasang nakararanas ng aberya. Sa pag-iimbestiga, napag-alamang unang beses pa lamang gumawa ng tren ng kompanyang ito kaya natagalan bago ito magamit. Naging sanhi tuloy ang pangyayaring ito ng hinala na may posibleng pangungurakot na naganap.

Ang pagkabit din ng ikatlong telecom player na galing Tsina, malapit sa mga base militar, ay naghatid ng pagbabanta sa pambansang seguridad sapagkat maarinilang mapasok ang ilang pribadong datos na hawak ng bansa.

Sa ganitong mga isyu nabahiran ang imahe ng Tsina sa Pilipinas. Dahil dito, naapektuhan din tuloy ang pananaw ng ilan at napalaki ang isyu ng pagkaabalang dala ng POGO.

Pagbaling ng sisi

Hindi naman bago ang pagdagsa ng isang lahi ng dayuhan sa ibang bansa para makapag hanapbuhay. Ang mga Pilipino, bilang halimbawa, ay matatagpuan sa ibang lupalop bilang mga OFW. Ngunit gawa ng ilang pagsasalarawan sa media, tila may nabubuong pagkiling sa mga Pilipino pagdating sa kanilang perspektibo sa POGO.

Kung tutuusin, ayon kay Ginoong John Paolo Dalupang, isang research associate ng Institute of Philippine Culture sa Ateneo de Manila University, hindi naman talaga layunin ng POGO ang manggulo at makapahamak. Sa halip, higit pa raw nabigyang-pansin ng mga perwisyong idinulot ng POGO ang kakulangan ng mga Pilipino, lalo na ng pamahalaan sa pagpapatupad ng kanilang serbisyo sa bansa.

Tila nakabubuo ng ilusyon ang ilang Pilipino na naaagawan sila ng pagkakataon lalo na sa trabaho dahil ang mga Tsino ang kadalasang mga tinatanggap. Subalit kung susuriin, hindi naman masisisi ang industriya ng POGO dahil itinayo talaga ito para sa mga Tsino, partikular na ang mga marunong magsalita ng Mandarin dahil kinakailangan ito sa trabaho. Giit pa ni Dalupang, saka lamang ito magiging problema sa oras na hindi matanggap ang Pilipinong pasok naman sa lahat ng kuwalipikasyon dahil sa diskriminasyon ng kanyang lahi.

Pinaiiral lamang ng sitwasyong ito ang kakulangan sa oportunidad na binibigay ng pamahalaan sa mga Pilipino na siyang naging sanhi upang mabaling ng ilan ang pagsisi sa POGO. Ito rin ang dahilan kung bakit mataas pa rin ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.

Pagdating naman sa isyu ng tirahan, inilaan na talaga ng ibang may-ari ng real estate sa mga empleyado ng POGO ang espasyo kung saan nakaayon din ang presyo sa kakayanan ng mga Tsino. Sa kabilang banda, ang krisis na dinaranas ng mga Pilipino sa paghanap ng murang matutuluyan ay bunga ng pagkulang sa prayoridad ng pamahalaan sa kanila. Marahil ay mas mainam kung nasiguro muna ang lupain para sa mga Pilipino bago nagpatayo ng mga panibagong POGO hub.

Dagdag pa ni Dalupang, hindi naman kailangang ikabagabag ang pagkawala ng pagka-Pilipino sa pagdagsa ng mga Tsino sa bansa, na silang itinuturing na bisita. Kung tutuusin, sinasalamin ng kanilang kakayahang ipaglaban ang karapatan ang kanilang paggiit sa identidad nila bilang  Pilipino.

Hindi naman talaga masasabing banta ang POGO sa bansa lalo na kung natugunan muna ng Pilipinas ang mga kakulangan nito bago pa man pahintulutan ang POGO.

Sakaling maging pangunahing online gambling site sa Asya

Sa kabila ng panawagan ng Tsina na itigil ang operasyon ng POGO sa bansa noong Agosto, pinaglaban pa rin ang mga ito ng PAGCOR dahil sa mga benepisyong pang-ekonomiya na nakukuha mula rito.

Ang patuloy na pagsibol ng POGO hubs sa bansa ay maaaring maging daan upang makilala ang Pilipinas bilang pangunahing online gambling site sa buong Asya. Ngunit wika ni Dalupang, “Kailangan nating pag-isipan bilang isang bansa kung gusto ba talaga natin ang maraming pasugalan...dapat ilatag muna natin ang lahat.”

Maraming posibleng bungang nakakakabit sa uri ng libangang ito. Bukod sa paglago ng ekonomiya, maaari rin itong makapaghatid ng masamang epekto, lalo na at hindi pa napatitibay ng Pilipinas ang ilang kahinaan nito sa ibang aspeto. Sa kasalukuyang kondisyon pa lamang, nagsulputan na ang iba’t ibang kaso ng pagkaabala.

Sa pagdami ng pasugalan maaaring umakyat ang bilang ng mga biktimang puwedeng malulong sa bisyong ito na kalaunan ay baka makasira ng pamilya pati na rin ng lipunan. Kung nanaising ipagpatuloy ang pagpapatayo ng POGO, maaaring mamuhunan na ang bansa sa mga pasilidad na makatutulong sa mga biktimang ito upang hindi ito maging mas malaking problema sa hinaharap.

Mas mainam din kung mas pagtutuunan ng gobyerno ang pagbabantay sa industriya para mas magkaroon sila ng kontrol sa mga posibleng maging kaganapan. Sa pamamagitan nito mapag-iisipan ang lahat ng pangangalagaan pagdating sa money laundering at kung paano ang magiging tingin ng mga bata sa pasugalan.

Nangangailangan ng masusing paghahanda sa ganitong mga hakbang dahil hindi na mababawi ang kontrata sa mga negosyo pati na rin ang mga epekto nito.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo