Pahayag Tungkol sa Nakaraang Pagpapaslang sa Tarlac at sa Mapang-abusong Sistemang Kapulisan

Matalita
SULAt NI
SINING NI

Mariing ikinukundena ng Matanglawin Ateneo ang walang tigil na pagpatay ng kapulisan sa mga mamamayang Pilipino. Nakikiisa kami sa pamilya at mga kaibigan ng mag-inang Gregorio na pinaslang ni Sgt. Jonel Nuezca nitong Lunes. Isa lamang ang kasong ito sa mahabang kasaysayan ng karahasan at pagyurak ng mga pulis sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Kailanman ay hindi maaaring ipagtanggol si Nuezca na walang habas na pumaslang sa mga Gregorio dahil kailanman ay hindi rin iginawad sa mga pulis ang kapangyarihang pumatay ng sinumang hindi dumaan sa tamang paglilitis.


Mula noong 2016, sa paglunsad ng administrasyong Duterte ng kanilang madugong giyera kontra-droga, walang humpay na lumalabag sa karapatang pantao at kumikitil ng buhay ng mga mamamayang Pilipino ang kapulisan. Libo-libo na ang mga nawalan ng buhay nang walang karampatang paglilitis, kabilang na ang ilang mga aktibista, abogado, magsasaka, at—tulad na lamang ng mga Gregorio—mga sibilyan. 


Hindi pa rin namin nakalilimutan ang dinanas nina Kian delos Santos, Carl Arnaiz, Winston Ragos, Randy Echanis, Zara Alvarez, Dr. Mary Rose Sancelan, at mga Gregorio na iilan lamang sa libo-libong napatay sa ilalim ng pang-aabuso ng kapulisan. Higit na umiral ang kalapastanganang ito nang mas pinagtuunan ng administrasyong Duterte ang pagpapalakas sa militar at pulisya, lalo na’t mas malaki ang pondong inilaan sa kanila kumpara sa ibang mga kagawaran ng pamahalaan. Pinahintulutan nitong abusuhin ng mga pulis ang kapangyarihang makapatay sa labas ng giyera kontra-droga. At sa halip na magsilbi sa mamamayan, naging kasangkapan pa tuloy sila sa madugong giyera kontra-masa.


Hanggang ngayon ay nakaupo pa rin ang mga tunay na kriminal—ang mga mamamatay-tao at magnanakaw—sa pamahalaan, AFP, at PNP. Muli, tumitindig ang Matanglawin Ateneo upang panagutin ang gobyerno at ipaglaban ang isyung pangmasa. Patuloy kaming nananawagan upang tuluyan nang makamit ng mga pinaslang na biktima ang hustisya. 


#StopTheKillings

#OustDuterteNow

#BawalMakalimot

IBa pang artikulo