Pahayag Tungkol Sa Pagbilanggo Sa 92 Na Magsasaka at Mamamahayag Sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac

Matalita
SULAt NI
SINING NI

Mariing ikinukundena ng Matanglawin Ateneo ang ilegal na pagbilanggo ng Philippine National Police (PNP) sa 92 na katao na binubuo ng mga magsasaka kasama ang ilang mamahayag at mga mag-aaral nitong ika-9 ng Hunyo, 2022 sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac. Kinasuhan ang mga magsasaka ng malicious mischief at illegal assembly kahit mapayapa at maayos ang kanilang pagsasagawa ng bungkalan—isang gawaing tradisyon sa mga magsasaka upang igiit ang kanilang karapatan sa kanilang lupa. Kinulong ang mga magsasaka sa Concepcion Municipal Police Station nang mahigit dalawang araw dahil sa mabagal na pagtugon sa kanilang mga kaso. Kaugnay sa mga paratang nila, humarap ang 83 sa 92 na mga naaresto sa multang aabot sa 36,000 pesos kada tao para sa kaso ng illegal assembly at 3,000 pesos para sa kaso ng malicious mischief bilang pampiyansa.

Nakikiisa ang Matanglawin Ateneo sa panawagan para sa hustisya at agarang pagbasura ng mga kasong hinaharap ng mga magsasaka kasama ang ilang mga mamamahayag at mag-aaral. Naninindigan ang publikasyon na ang mga kasong ito ay hindi lehitimo at isa lamang instrumento upang patahimikin ang mga magsasaka at ipagpatuloy ang mabagal at walang silbing agrarian reform na kumakampi sa mga may lupa at naghaharing-uri. Deka-dekada na ang nakaraan noong isinabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) subalit nananatiling walang lupa at tulong na natatanggap ang karamihan sa mga magsasaka, at patuloy rin nitong pinapaburan ang mga panginoong maylupa na may koneksyon sa mga kinauukulan.

Ang pagsawalang-bahala sa mga karapatan ng mga magsasaka—ang mga indibidwal na isinusulong lamang ang kanilang karapatan—ay simbolo ng pagkampi ng otoridad sa mga nakaka-angat sa lipunan na siyang patuloy na umaapi sa mga nasa laylayan. Naninindigan ang publikasyon na ang mga walang basehang pag-aresto sa kanila ay atrasado at patuloy na lumalayo sa layunin ng agrarian reform na protektahan ang mga lupa at karapatan ng mga magsasaka. Isa lamang ang pangyayaring ito sa libo-libong paniniil at pananakot na natatanggap ng mga magsasaka mula sa mga panginoong maylupa, gobyerno, at kapulisan—na sa halip na protektahan at panindigan ang karapatan ng kanilang mga mamamayan ay kanilang inaapi at pinapatahimik ito. Ang pangyayaring ito ay nagpapatunay na kinakailangang maisabatas at maisagawa ang bago, tunay, at makataong repormang agrarian para sa mga Pilipinong magsasaka at mangingisda. 

#FreeTinang92

IBa pang artikulo