Pakikinig at libreng suman

Mata Online
NI
NINA
Eala Nolasco
AT
Kevin Castro

Maraming hindi natin inaakala na gugulat na lamang sa atin. 2012 at araw ng pasko noong papunta kami ng Tagaytay ng mommy at daddy ko para magkakasamang makakain ng tanghalian sa isang lugar kung saan malamig at presko ang hangin—isang simpleng kahilingan sa pasko. Ngunit ito rin pala ang hiling ng napakaraming tao.

Dahil hindi namin inakalang sasalubungin kami ng haba ng pila ng mga sasakyang iilang metro lang ang galaw, umalis lamang kami ng saktong oras at wala kaming baon na pagkain. Sapagkat sa ilang beses na naming tinahak ang paakyat sa Tagataytay, hindi namin inakalang ang isa o dalawang oras mula Las Piñas na sapat na para makarating ay magiging 4-5 oras.

Sa kalagitnaan ng biyahe, hiyaw lang ng gutom na tiyan namin ang aming naririnig.

Pero ginulat na naman kami ng pangatlong hindi inakala: na kapag binaba ko ang bintana ng sasakyan, at sinigaw ko ang "Gutom na ako!" sa hangin, may tutugon dito; Ginulat kami nang nagmagandang-loob na pamilyang nakasakay sa jeepney na nag-abot ng isang supot ng suman para sa amin.

Sa mundong puro kasakiman, mahirap magtiwala, at mag-akala na mangingibabaw ang pagiging mapagbigay ng tao lalo na sa oras ng kagipitan. Ngunit pinatunayan ng pamilyang nag-alok sa amin ng suman na posible ang maliliit na akto ng kabutihan sa mundo ngayon. Hindi ko na maalala ang mukha nila, basta marami sila sa jeepney at isang babae ang nagpumilit ma-iabot sa akin ang suman at nagsabing "sige na, sa inyo 'yan."

Pang-apat na hindi inakala ay may sobrang isasarap ang suman kapag binigay ito nang walang hinihinging kapalit—hindi pera, hindi pabor. Binigay ang suman sa amin dahil narinig ng isang kapwa ang pagod at desperasyon sa boses ko noon. Sa pakikipagkapwa ng babae sa amin, nangibabaw ang pagtitiwala namin. Minsan iniisip ko ano kaya ang storyang tumatak sa kanila; kung para sa amin isa itong "himala" na may umiral na kabutihan sa oras ng kagipitan, anong storya kaya ito sa kanila?

Kapag naiipit ako sa trapiko ngayon, palagi kong naalala ang kwento ng libreng suman papuntang Tagaytay. Sa samu't-saring advertisements ng buhay na "madali" at makulay na nakapaskil sa mga billboard sa EDSA, iniisip ko kung sisigaw ako, hindi ako maririnig ng mga litrato. Paano pa kaya ang saloobin ng mga drayber na tinitiis ang trapiko para sa kaunting sweldo?

Dahil hindi tutugunan ng billboards ang hiyaw, pakikinggan ko na lang ang himig ng balita mula sa radyo—tungkol na naman sa mga namatay, mga kasangkot sa droga, at update sa mga proyekto ng pangulo. Pagbukas ng Facebook o ibang social networking site, makikita ang hinanakit, at pagtuturo ng hinututro sa gobyerno o ibang politiko.

Sa espasyong nabubuo sa social media lahat ng hinaing at hiyaw para bang napakikinggan, pero naalala ko na ang boses naririnig lamang talaga kapag ginagamit sa labas ng social media at may nakikinig bilang kapwa. Naririnig ang boses sa mga pagkakataong hindi inaakala, at nagsasama ang tao sa pagkakataong hindi palaging galit at naninisi ng iba.

Ngayon, hindi naman talaga "normal" na may sisigaw na gutom siya habang nagdurusa sa trapiko. Mas normalisado na may nagugutom, at normal ito sa karamihan ng mga kapwa-Pilipino. Nanonormalisa kasabay nito ang pagtitiis sa hirap at panggigipit ng buhay, ang paulit-ulit na siklo ng pagbibigay pribilehiyo sa iilan, at ang pagpoprotesta sa kalsada bilang paraan para marinig ang boses ng mga nagtitimping karamihan.

Ngunit nanonormalisa na rin na wala talagang nakakarinig ng hinaing ng mga sigaw ng protesta. Sa espasyong nabubuo sa social media nakahahanap ng katunog ang boses, hanggang lumakas ito at hindi na matukoy ang ingay sa konkretong ideya.

Nakadadala ang sigawan—sa kalsada at sa social media—ngunit minsan nawawala ang mensahe sa lakas ng hiyaw, at sa katahimikan mahahanap ang hinaing. Kaya't kailangan nang masusing pagsusuri. Kung susulong, kailangan may bitbit na alternatibo.

Minsan, ang alternatibo ay matatagpuan sa hindi inaakala. Sa mga hindi inaakala, baka matagpuan na ang mahalaga ay ang simpleng pakikipagkapwa, pagiging totoo sa sariling daing, pakikinig nang buong puso, at pag-aabot ng sarili nang walang hinihinging kapalit. Hindi palaging may tutugon sa sisigaw ng kailangan, hindi palaging may sisigaw, pero maging bukas lamang sa mga hindi inaakala, dahil minsan nahahanap ang pag-asa sa isang libreng supot ng suman.

Hanggang ngayon iniisip ko pa rin, ano kaya ang kwentong bitbit ng pamilyang nagbigay sa amin ng libreng suman? Pero kadalasan, hindi natin malalaman ang ibang mukha ng iisang pagkakataon, at minsan sa pagkakaiba-iba nito mahahanap ang mensahe ng hinagpis at sa iba pag-asa. Kaya't ang isyung ito ay isang imbitasyong alamin ang mga nanonormalisang problema mula sa ibang anggulo, ibang mukha, ibang buhay na buong-pusong binibigay ang sariling storya. Maririnig lamang sila kung pakikinggan, dahil ang pagtugon ay hindi palaging agresibong paglaban.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo