Para maging ‘ASWANG’ AT MGA DUKHA: Ang Lagim ng Giyera Kontra Droga

Matalastas
NI
NINA
Angela Lee
AT
Hulyo 19, 2020

Totoo ang mga kuwento at haka-hakang umiikot sa pag-iral ng mga aswang. Sila ang mga nilalang na walang awang nananakot at pumapatay sa mga taong walang kalaban-laban. Sila ang mga umaaligid sa mga bahay, tumitiktik, at naghahanap ng mga mabibiktima. Walang silang sinasanto, wala silang pinapatawad. Higit sa lahat, kadalasan nilang pinupuntirya ang maralita—ang mga walang boses at kapangyarihan upang ipagtanggol ang sarili.

Ganito isinalarawan ni Alyx Ayn Arumpac sa kaniyang pelikulang “Aswang” ang madilim at masalimuot na kalagayan ng mahihirap pagdating sa giyera laban sa droga. Karamihan sa mga mala-bangungot na eksena rito ay kinuha sa gabi, parehong oras ng pagsalakay ng nakakikilabot na nilalang. Sa pamamagitan ng mabibigat na kuwentong inilahad mismo ng mga naulila at nabiktima, nabigyan ng mukha ang ‘aswang’ na naghahasik ng lagim sa masisikip na eskinita ng lungsod. Inilantad ng pelikulang ito ang sensitibong paksang iniiwasan ng karamihan.

EJK: Ang Hindi Normal na Normal

Nagmistulang ‘normal’ nang maituturing ang hindi pangkaraniwang Extrajudicial Killings (EJK) matapos maluklok si Rodrigo Roa Duterte sa puwesto. Kabi-kabilaan ang mga kasong nilalaman ng balita gabi-gabi. Hindi lumilipas ang araw nang walang bagong bangkay na inihahatid sa punerarya o sementeryo. Tila nasanay na rin ang mga taong makitang nililinis muli ang madugong kalsada.

Nagsimula ang dokumentaryo sa lamay ni Kian delos Santos, matapos siyang paslangin ng mga pulis noong 2017. Sunod na ipinakita ang batang si Jomari, ang nagpakilalang kaibigan ng binata. Sa murang edad, natuto siyang tumayo sa sariling mga paa nang makulong ang pareho niyang magulang dahil sa droga. Siya rin ang nagsilbing gabay sa daloy ng pelikula habang ipinapakita nito ang kuwento ng iba pang mga biktimang iilan lamang kumpara sa libo-libong apektado ng giyera kontra droga.

Kahit ang isang batang walang kamuwang-muwang sa mundo ay hindi estranghero sa walang-awang engkuwentro ng mga pulis sa lugar. Naipamalas ang impluwensiya ng karahasang ito sa laro ni Jomari na nagpakita kung papaano nila kinukuyog ang kapwa batang gumaganap bilang pulis. Ayon sa kaniya, tinatanaw nila ang mga pulis bilang “kalaban.”

Kung Paano Ginagamit ang mga Dukha

Higit pang pinabigat ng mga nakalap na salaysay sa pelikula ang karumal-dumal na pang-aabuso ng mga nasa puwesto. Sabi ng mga saksi, binabaliktad daw ng kapulisan ang katotohanan, lalo na at pinagbabawalan nilang pumasok ang sinuman sa lugar ng krimen. Makikitang may kamalayan ang mga residente sa paghihila at kabastos-bastos na pagtatrato ng mga pulis sa mga bangkay sa sahig. Pagkatapos ng imbestigasyon, kukuhaan na lamang ng litrato ang mga bangkay upang maitampok ang mala-pelikulang eksena at nang sa ganoon ay may maiulat sila sa publiko at sa kanilang katungkulan.

Sa kalagitnaan ng pelikula, lantarang ipinakita ang mala-aswang na effigy ni Duterte sa dilim. Sa kabila ng pagsunog dito, nanlilisik pa rin ang mga mata nitong nananatiling uhaw sa paghahanap ng mga bagong bibiktimahin. Tila walang bisa ang samot-saring kilos-protestang nananawagan ng hustisya at pagtigil sa giyera laban sa mga mahihirap.

Bukod sa pagpatay ng mga pulis, nabunyag din sa dulo ng pelikula ang ilegal na pagkukulong nila sa mga tao sa isang silid na nakatago sa likod ng aparador. Pinagsisiksikan nila ang halos tatlumpung tao sa masikip na espasyong hindi naaaninagan ng liwanag. Sabi ng mga nabihag, hinihingian sila ng mga pulis ng pera bilang kapalit ng kanilang kalayaan.

Tila nangingibabaw ang kapangyarihan ng mga nasa itaas para pikutin ang nosyon at kaisipan ng lipunan patungkol sa mga mahihirap. Mula rito, kinikilala na ngayon ang mahihirap bilang mga salot sa lipunan dahil may pagpapalagay nang kadalasang nasasangkot ang mahihirap sa pagtutulak ng droga. Lingid sa kaalaman ng nakararami, malaki ang gampanin ng mga maralita sa pagpapabango sa pangalan ng mga nasa puwesto. Maihahalintulad ito sa patuloy na paglakas ng mga aswang sa tuwing nandaragit sila ng mga bagong makakain.

Ang Patuloy na Pang-aaswang

Pinatunayan lamang ng kasalukuyang pandemyang niyuyurakan pa rin ang mga nasa laylayan. Sila ang pinakaunang nakadarama sa mga nakababahalang patakarang isinusulong ng pamahalaan. Kabilang na rito ang paghahari ng militar, lalo na sa nalagdaang Anti-Terror Law, at ang unti-unting pagpapatahimik sa malayang pamamahayag na siyang nagdulot ng kawalan ng trabaho at pangunahing pinagmumulan ng balita ng ilan. 

Naging matagumpay si Arumpac sa pagpinta ng nakakikilabot na aswang. Hindi na niya kinailangang makakuha ng panayam mula sa sinumang awtoridad dahil sapat na ang mga naratibo ng mga nagdurusa sa di-makataong sistema para maiparating ang kanyang mensahe. Sa pangwakas ng pelikula, lalong naging mapanghimok ang tahimik ngunit madugong pasilip nito sa maralitang lungsod na siyang pinaghaharian ng aswang.  

Tila nga walang katapusan ang pagkagutom ng mga halimaw na ito. Patuloy silang maghahasik ng lagim at mangangamkam ng kapangyarihan. Uubusin nila ang lahi ng sinumang maaaring mapagsamantalahan. Mas madali nilang maisasakatuparan ito kung patuloy na magpapalamon ang sambayanan sa takot ng madilim at mapagdalamhating gabi.


IBa pang artikulo