Paskong Nagdaan ‘tila ba o Kailan Lang?

Mata Online
NI
NINA
Rika Cruz
AT
Kevin Castro
Disyembre 28, 2020

“‘Pag si Jesus may birthday bawal? ‘Pag ikaw pwede?”

Alinsunod sa anunsyo ng Presidente na ipinagbabawal ang malakihang pagdiriwang, at ang pagtataas muli ng mga general community quarantine (GCQ) sa ilang lugar sa Luzon, lumaganap ang linyahang nabanggit. Una itong pumukaw pansin sa facebook bilang isang meme, kung saan nakaedit ang litrato ni PNP chief Debold Sinas noong kumalat ang litrato ng selebrasyon ng kanyang kaarawan sa kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ). Sa kabila ng kababawan nito at nang ipinaglalabang katuwiran ng paglulunsad ng handaan tuwing Pasko, sinisimbolo nito ang mababaw na dagat na pilit binabaybay ng administrasyong patuloy na nilulunod ng sarili nilang kahangalan.

Ang panawagan ng linyahan ay higit sa kagustuhang magdiwang o makipagmatigasang ulo sa mga protokol ng pamahalaan. Mas malakas ang hiyaw ng hinagpis at pagtitiis sa loob ng humigit-kumulang siyam na buwan, pati na rin ang panawagan ng taumbayan para sa pananagutan ng mga kawaning nakatataas sa pamahalaan sa kanilang kapabayaan at kakulangan sa pagpapagaan sa sitwasyong kinahaharap ng sangkatauhan sa panahon ng COVID-19. Nagmistulang ginagamit na lamang ang Pasko upang tabunan ang kapabayaan at kahangalan ng pamahalaan ngayong patapos na ang taon.

Walang hudyat sa kalalaan ng sasapitin ng mundo ngayong taon ang nagdaang taon. Walang sinumang Pilipino ang nag-akalang lubusang susubukin ang kani-kanilang kapalaran. Enero nang gumising ang bulkang Taal at niyanig ang kapaligiran nito. Marso noong magdeklara ang sentro na kinakailangang magpatupad ng ECQ dahil sa kumakalat na virus. Mayo noong pumatak sa lupa ang hagupit ng unang bagyo ng taon na si Ambo at kamakailan lamang nang lumubog ang lalawigan ng Cagayan sa unos, dala ng bagyong Ulysses. Bukod sa mga nabanggit na kalakhan ay kalamidad, sinubok rin ang taumbayan ng mga polisiyang ipinatupad ng administrasyon tulad ng terror bill, pati na rin ang pagtatakda ng solusyong militar para kalabanin ang COVID-19. Higit sa lahat, ang hindi matapos-tapos na biglaang pamamaslang o panghuhuli sa mga kilalang kasapi ng mga organisasyong patuloy na naninilbihang kritiko ng gobyerno. Ilan lamang ito sa mga sumpa ng taong 2020 sa Pilipinas. Matatapos nga ba ang sumpa pagpasok ng 2021? O baka sa Mayo taong 2022 pa ang katapusan ng tunay na sumpang pilit inaalpasan ng nakararami?

Isa sa mga pinakamabigat na hinarap ng mga Pilipino ang pandemya na nagsimula noong Enero 2020. Naitala ang unang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas noong Enero ngunit hindi pinagtuunan ng pansin ang kasong ito. Pumanhik ang mga araw, kasabay ng pagpanhik ng bilang ng mga taong apektado na ng virus. Hanggang sa unti-unti nang nagsara ang ibang bansa sa pagbabakasakaling mapababa at malutasan ang virus na kumakalat. Bumagsak na ang ekonomiya; kasabay nito ang pagwalang-bahala ng gobyerno ng Pilipinas pagdating sa isang komprehensibo at matatag na istratehiya kung paano lalabanan ang dumadaming bilang ng mga namamatay at nagpopositibo sa COVID-19. Enero nang maitala ang unang kaso nito sa bansa ngunit Marso pa nang ideklara ng pamahalaan na kinakailangan nang kumilos — o kung iisipin ay ang paghinto ng pagkilos ng bawat tao — sa pagbabakasakaling malulutasan nito ang problemang kinahaharap ng lahat. Sa loob ng humigit kumulang siyam na buwan, ay nasa ilalim pa rin halos lahat ng sambayanan sa quarantine. Umusad man nang bahagya ang ekonomiya, nagbukas man ang mangilang gusali, at dumaloy mang muli ang trapiko sa EDSA, hindi maipagkakailang walang malaking ginhawa at pagbabago ang idinulot ng panahong sumailalim ang lipunang Pilipino sa pamamalakad ng rehimeng una’t sapol may mataas na pagtingin sa isang pasista at bayolenteng pamamalakad.

Sa halos limang taon, tuluyan bang nakalaya ang mayoridad ng mga mamamayang kulong sa kani-kanilang estado? Kagaya ng pagkakakulong ng nakararami ngayong panahon ng pandemya, tama bang asahang sa pagpasok ng bagong taon ay kasabay rin ang paglisan ng sumpang naghari sa bayang pilit na dinudusta ang mismong mga taong nagluklok sa kaniya?

Paskong nagdaan tila ba o kailan lang. Isang paskong sama-sama pang ipinagbunyi at isang bagong taong sama-samang binuksan. Ngayong pasko at sa darating na bagong taon, masama ang magkasama-sama. Ngunit sa susunod na taong 2021, wala mang kasiguraduhan, nawa’y ang pagsasama at pagkakaisa ng bawat mamamayan ang magbukas ng isang bagong hinaharap na hindi lamang ‘pangkanila’ ngunit panlahat. Kalaunan ang bunga ng pagsasama at pagkakaisa ang muling magbubuklod sa bawat Pilipino sa mga susunod pang Pasko.

IBa pang artikulo