Patuloy na Pag-abuso sa Batas Militar

Mata Online
NI
NINA
Ang Patnugutan
AT

Hindi na banyaga sa mga Pilipino ang konsepto ng Batas Militar. Marahil ang Batas Militar lamang sa panahon ng Rehimeng Marcos ang tumatak sa isipan ng mga Pilipino. Subalit, hindi maitatangging nakatatak na ang mahaba at masalimuot na kuwento ng Batas Militar sa Pilipinas. At sa unang bahagi ng bagong administrasyong Duterte, muling bumubuklat ng panibagong pahina ang kuwentong ito na noon pa ma’y bumabagabag na sa ating kamalayan bilang mga Pilipino. Mahalagang balikan ang masalimuot na kuwentong ito at himayin ang mga aspektong humantong sa patuloy at malawakang pag-abuso sa isang bahagi at probisyon sa ating konstitusyon.

Sa Kamay ng Kastila

Unang lumitaw ang konsepto ng batas militar noong panahon ng mga Espanyol. Naging tugon ang batas militar sa naging mga banta ng himagsikan sa walong probinsya ng Luzon. Iba’t ibang pag-atake sa mga kampo ng guwardya sibil ang naganap, gaya na lamang ng sa Pasig at San Isidro, dahilan upang ideklara ang digmaan sa walong probinsya at sabay na ipinailalim sa batas militar. Layon ng batas militar na paigtingin ang puwersa ng militar sa mga pamayanan at sabay na manmanan at kontrolin ang kilos ng mga mamamayan. Paraan ito upang siguraduhing hindi na kakalat pa ang impluwensya ng mga rebelde at muling gapusin ang mga Pilipino, panatilihin silang nakapiring gaya nang  sa nakalipas na halos 300 taon.

Unang Republika

Pagbalik ni Aguinaldo sa Pilipinas mula sa Hong Kong, naglabas siya ng proklamasyon at nagtatag siya ng isang diktaduryang pamahalaan na siya ang supremong komander. Kakabit ito ng pagbubuo sa isang rebolusyonaryong pamahalaan noong Hunyo 18, anim na araw matapos ang deklarasyon ng kalayaan sa Cavite. Bagaman hindi tiyak ang naging layon ng proklamasyon, mahihinuhang daan ito upang mapabilis ang pagbubuo sa isang pormal na republikanong pamahalaan, maging madali ang pagpasa ng mga batayang batas at pagbuklurin ang iba’t ibang mga bayan.

Sa Ilalim ng Hapon

Kaiba sa ibang mga naging deklarasyon, mga Hapon ang siyang nakinabang sa batas militar na idineklara ika-22 ng Setyembre 1944. Umaga ng parehong petsa, inulan ng bomba mula sa Estados Unidos ang kalakhang Maynila, dahilan upang ideklara ni Jose P. Laurel ang batas militar sa buong Pilipinas, sa utos at sa pagpupumilit na rin ng puwersang Hapon. Dahil dito, higit na umigting ang presensya ng puwersang Hapon, kakabit na ang mga pang-aabuso – pisikal at mental - sa mga sibilyang naipit sa giyera. Kaiba rin sa ibang deklarasyon, hinati ang bansa sa iba’t ibang military districts, dahilan upang pagharian ng militar ang mga pamayanan at maging higit na bukas sa mga pang-aabuso ng puwersang Hapon. Naging daan din ang batas militar upang mangikil ang mga Hapon kay Laurel na magdeklara ng digmaan kontra sa Estados Unidos at Britanya. Nalusutan ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagdedeklara ng isang umiiral na digmaan sa dalawang bansa at ang pagpigil sa pagsasama sa mga Pilipinong sundalo na lumahok sa puwersang Hapon.

Diktaduryang Marcos

Noong ika-17 ng Setyembre 1972, pinirmahan ni Marcos ang Proklamasyon 1081. Sa bisa ng proklamasyon, sinuspinde ang writ of habeas corpus at ang Konstitusyon, isinarado ang Kongreso, ibinigay kay Marcos ang kapangyarihang lehislatibo, at isinailalim ang buong bansa sa batas militar. Ayon kay Marcos, sanhi raw ng pagdeklara ang malawakang kaguluhan, pagsibol ng komunismo sa bansa, at sesesyonismo sa Katimugang Pilipinas. Sa katunayan, kinasangkapan lamang ito para panatilihin ang kaniyang kapangyarihan dahil hindi pinahihintulutan ng 1935 Konstitusyon ang pagtakbo para sa ikatlong termino.

Isa ang diktadurya ni Marcos sa pinakamalagim na yugto sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa ilalim ng batas militar, marami sa mga kalaban ng diktadurya tulad ng mga politiko, mamamahayag, estudyante, at aktibista ang hinuli. Batay sa datos, tinatayang 70,000 ang kinulong, 34,000 ang tinortyur, at 3,240 katao ang pinatay ng rehimen. Iginapos din ang pamamahayag sa pamamagitan ng pagsarado ng maraming pahayagan at imprenta. Marami sa mga natirang pahayagan ang isinailalim sa kontrol ng gobyerno.

Taliwas sa sinasabi ng marami, lubhang sumama ang kalagayan ng ekonomiya sa panahong ito. Noong 1962, ilang taon bago maging pangulo si Marcos, nasa 360 milyong dolyar ang utang ng bansa. Lumobo ito sa 28.3 bilyong dolyar noong 1986, taon nang mapatalsik si Marcos. Naging malubha rin ang kahirapan sa bansa sa termino ni Marcos. Umabot sa 42% ang bahagdan ng populasyon na nabubuhay sa ibaba ng poverty line noong 1980. Sanhi ito ng walang pakundangang pag-utang ni Marcos sa IMF at World Bank para pondohan ang mga proyekto ng kaniyang administrasyon. Imbis na Pilipino ang makinabang sa mga polisiya ng pamahalaan, si Marcos at ang kaniyang mga crony lamang ang nagpakasasa sa yaman ng bansa. Ayon sa Korte Suprema, tinatayang 10 bilyong dolyar ang nasamsam ng mga Marcos. Maliit na porsyento pa lamang nito ang naibabalik sa bayan at hanggang sa ngayon, wala pa ring nakukulong sa pamilyang Marcos.

Administrasyong Arroyo

Noong ika-29 ng Nobyembre 2009, idineklara ang batas militar sa probinsya ng Maguindanao at Sultan Kudarat, at Lungsod Cotabato, matapos mangyari ang Ampatuan Massacre.  58 ang namatay, karamihan sa kanila mamamahayag, matapos pagbabarilin ng mga armadong grupo habang papunta ang mga kapamilya ni Esmael Mangudadatu sa Shariff Aguak para magpasa ng Certificate of Candidacy. Para daw mapanatili ang kapayapaaan at kaayusan, sinuspinde ang writ of habeas corpus. Kinatakot ito ng maraming grupo dahil baka gamitin ang pangyayari upang pahabain ang termino ni Arroyo gaya ng nangyari sa panahon ni Marcos. Bagaman at nagpatuloy ang eleksiyon noong 2010 at bumaba rin kalaunan sa pwesto si Arroyo, hindi pa rin nasolusyonan ng batas militar ang sanhing ugat ng mga problema sa Mindanao.

Administrasyong Duterte

Sa bisa ng Proklamasyon 216, ipinasailalim sa batas militar ang buong pulo ng Mindanao. Subalit, naging daan din ito sa pang-aabuso sa karapatang pantao ng ilang mga taga-Mindanao. Isang araw matapos ang deklarasyon, 160 katao na mula sa Davao ang inaresto dahil sa walang maipakitang ID. Kakabit nito ang iba’t iba pang paglabag gaya na lamang ng pagtukoy sa mga walang ID bilang miyembro ng Maute o ISIS, iligal na pagkuha ng mga litrato sa mga human rights advocates at hindi pagpapahintulot sa mga donasyong  pinaabot sa mga sibilyang naipit sa gulo. At nitong ika-22 ng Hulyo, sa botong 261-18 ng buong Kongreso, inaprubahan ang pagpapalawig ng Batas Militar hanggang sa ika-31 ng Disyembre bilang paghahanda sa pagkalat ng ISIS-inspired groups sa Mindanao, ibang rebelyong nagaganap sa ibang mga lalawigan, at ang koneksyon ng mga grupong ito sa iligal na droga. Sa kahit ano pa mang dahilan, isa lamang ang totoo – naging dahilan ng puwersang militar sa Mindanao ang Batas Militar para paigitingin ang militarisasyon, lalo na sa mga katutubong pamayanan at sa mga kanayunan.

Bunsod ng unti-unting pag-usbong ng awtoritaryanismo sa bansa, lalong lumalala ang laban hinggil sa rebisyonismo ng kasaysayan at kawalambahala sa panunumbalik ng Batas Militar. Tila hindi na natuto ang administrasyong Duterte sa malagim na epekto at paggamit ng Batas Militar sa Pilipinas. Babangungutin ang gobyerno ng kasaysayan, ng mga martir na nagbuwis ng buhay, at ng mga mamamayang patuloy na lalaban sa nagbabadyang diktadurya. Ang masang Pilipino, na naghahangad lamang na makaalpas sa kasalukuyang bulok na sistema, ang siyang hahatol sa kamay na bakal.

Sa malupit na paggamit ng Martial Law at monopolyo ng gobyerno sa karahasan, lalong mababatid ng sambayanan na nararapat lang na kumilos ngayon alang-alang sa kapuwa. Mahihinuhang walang pinipiling oras ang pag-iral ng dahas — nananalaytay at sumisidhi,  at kakabit nito ang masisidhing mga suliraning kinakaharap ng sangkatauhan. Bago mapuksa ang iba’t ibang sakit sa lipunan, nararapat lang na isalba at pagtibayin muna ang mga batayang karapatang pantao at demokrasyang patuloy na niyuyurakan at isinasantabi.

IBa pang artikulo