SONAng Ina: Isang Paghimay sa Talumpati ni Duterte

Mata Online
NI
NINA
Matanglawin Ateneo
AT
Kevin Castro

Noong ika-27 ng Hulyo, ibinahagi ni Pangulong Duterte ang kaniyang State of the Nation Address 2020. Inaasahan ng sambayanan ang taunang talumpating ito dahil dito nakabuod ang lahat ng ginawa ng administrasyon at ang mga magiging susunod na hakbang nito sa natitira pang dalawang taon, lalo na ngayon sa panahon ng pandemya. Sa kabila ng kaniyang mga sinabi, kapansin-pansing ang ilan sa mga ito ay nangangailangan pa ng mas malalim na paghahalughog upang mas mabigyang linaw ang mga konteksto. Narito ang ilang mahahalagang punto:

“Then he [Senator Frank Drilon] linked the anti-dynasty system with oligarchy and the topic was my daughter and son.” (“Inugnay niya [Senador Frank Drilon] ang sistemang kontra-dynasty sa oligarkiya, kung saan naging usapan ang aking mga anak.”)

Iginiit ni Drilon na hindi niya nabanggit kailanman ang mga anak ni Duterte sa bansa. Sinabi niya lamang ang pahayag tungkol sa pagbuwag ng political dynasties matapos banggitin ni Duterte noon sa isang talumpati na nagawa niyang buwagin ang oligarkiya sa bansa kahit pa walang martial law.

Isa si Drilon sa mga nabigo sa desisyon ng hindi paggawad ng prangkisa ng ABS-CBN ngunit nilinaw niya na ang dahilan ng kaniyang pagkabahala ay para sa malayang pamamahayag at sa mga empleyado ng ABS-CBN, at hindi dahil sa mga Lopez.

“I am a casualty of the Lopezes during the 2016 election.” (“Ako ay biktima ng pamilyang Lopez noong nagdaang eleksyon, taong 2016.”) Dinidiin ng pangulo na hindi inere ng ABS-CBN ang kaniyang campaign ad noong 2016 at sa halip ay pinalabas ang “anti-Duterte” ad ni dating Senador Antonio Trillanes IV. Ngunit iginiit ito ng kompanya dahil umano pinalabas naman nila ang kaniyang national ads na nagkakahalagang 117M at tanging 7M mula sa 65M regional/provincial ads ni Duterte ang hindi naipalabas dahil sa “first-come, first-served policy” nila. Dagdag pa ng panig ng ABS-CBN, nai-refund naman nila ang 7M na ito bagamat nahuli sila sa pagproseso ng 2.6M nito kung kaya hindi na ito tinanggap ng pangulo.

Hindi lamang kampanya ni Duterte ang hindi naipalabas ng ABS-CBN. Ayon kay Senador Francis Pangilinan, kasama rin sa mga hindi nai-ere ang ilan sa kampanya ng partidong Liberal. Hindi lamang ABS-CBN ang nag-ere ng anti-Duterte ad dahil naipalabas din ang isa sa mga ad na ito sa GMA; ngunit, walang pinupuna ang pangulo laban sa kabilang channel at tanging ABS-CBN lamang ang talagang pinag-iinitan niya.

“Over 4.3 million poor families benefitted from the Pantawid Pamilya… we also made available [free] tertiary education and universal health care.“ (“Higit sa 4.3 milyong mahihirap na pamilya ang nakatanggap ng benepisyo mula sa Pantawid Pamilya… nagbigay rin kami ng libreng edukasyong pampamantasan at health care.”)

Kahit na nakapagbigay ng libreng edukasyon ang Pantawid Pamilya Program, inaasahang higit sa 6 na milyong estudyante ang hindi mage-enroll para sa parating na taong pampaaralan dahil sa kakulangan ng pondong pangmatrikula at pantransisyon sa online na klase, dulot ng pandemya.

Dagdag pa rito, para sa maraming Pilipino, kahit noong wala pang pandemya, hindi pa rin abot-kaya ang akomodasyon sa sistemang pangkalusugan at lubog pa rin ang estado ng sektor na ito sa Pilipinas.

“Public utility drivers were given assistance through the Pantawid Pasada Program. There are complaints that some drivers did not receive any assistance at all. I have directed the DSWD and DILG to look into this.” (“Binigyang tulong ang mga drayber ng mga PUV sa ilalim ng Pantawid Pasada Program. May mga ilang paratang na hindi raw nakatanggap ang ilang mga drayber ng kahit anong ayuda. Pinapa-imbestiga ko ito sa DSWD at DILG.”)

Kahit binigyang-tulong ang ilang drayber sa ilalim ng Pantawid Pamilya Program, noong Hunyo 2 inaresto ang 6 na drayber ng jeep dahil sa umanong kawalan ng social distancing sa kanilang pagprotesta laban sa Jeepney Phaseout. Sa kabila ng kawalan nila ng kabuhayan, hindi rin daw namimigay ng ayuda ang gobyerno. Noong Hulyo 9, pinalaya si Elmer Cordero at Wilson Remilla, ang huling dalawang kinulong.

“With the commitment of key members of Congress and the Executive Department, the PHISGOC, Philippine Sports Commission, and the Philippine Olympic Committee were bound together with one vision to host the 30th Southeast Asian Games.” (“Dahil sa kasunduan ng mga miyembro ng Kongreso at Ehekutibong Kagarawan, nagkaisa ang PHISGOC, ang Philippine Sports Commission, at ang Philippine Olympic Committee para i-organisa ang ika-30 na Southeast Asian Games.”)

Naging kontrobersyal ang pag-organisa sa ginanap na SEA games noong nakaraang taon dahil sa mga naging kakulangan sa preparasyon. Naantala ang pagtapos ng Rizal Memorial Stadium at PhilSports Arena, nagmukhang hindi pinagsikapan ang mga venue, at hindi rin naging maganda ang ilang mga akomodasyon para sa mga atleta.

“We have accomplished significant infrastructure projects under the Build Build Build Program.” (“Nakapagtapos kami ng mga makabuluhang proyektong imprastuktura sa ilalim ng Build Build Build Program“)

56 na porsyento lamang ng mga ipinangakong proyekto ang inaasahang matatapos pagsapit ng 2022, habang 34 na porsyento lamang ng mga proyekto ang kasalukuyang ipinapatayo.

“...the valiant soldiers, policemen and security guards who kept peace and order [applause] in our communities…”  (“...mga matatapang na sundalo, pulis, at gwardiya na nagpanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad...”) Patuloy pa rin ang mga extrajudicial killings ng giyera kontra-droga sa ilalim ng pandemya. Noong nakaraang Enero, ipinaliwanag ni VP Leni Robredo na hindi pa lumalampas ng 1% sa kabuuan ng mga iligal na droga ang kinumpiska ng PNP sa ilalim ng giyera kontra droga.

 “The DTI, through the Small Business Corporation, set up the PhP1-billion COVID-19 Assistance to Restart Enterprises or CARES Program to provide zero-interest loans for MSMEs affected by the pandemic.” (“Sa pamamagitan ng Small Business Corporation, naglaan ang DTI ng isang-bilyong pisong halaga para sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises o CARES program upang makahiram ng pondo nang walang interes ang mga MSME na naapektuhan sa pandemya.”)

Hindi na tumatanggap ang DTI ng bagong aplikante para sa CARES program mula pa noong Hunyo 18.

“I am committed to protect both the physical and digital lives of our law-abiding countrymen.” vs. “I reiterate the swift passage of a law reviving the death penalty [applause] by lethal injection for crimes specified under the Comprehensive Dangerous [Drugs] Act of 2002.” (“I am committed to protect both the physical and digital lives of our law-abiding countrymen.” vs. “I reiterate the swift passage of a law reviving the death penalty [applause] by lethal injection for crimes specified under the Comprehensive Dangerous [Drugs] Act of 2002.” (“Nakatuon ako sa pangangalaga ng parehong pisikal at digital na buhay ng ating mga mamamayan.” at “Dinidiin ko ang mabilisang pagkilos upang maibalik ang parusang kamatayan [palakpakan] sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga krimen na nakasaad sa Comprehensive Dangerous [Drugs] Act of 2002.”)

Ilang beses binanggit ni Duterte ang salitang “protect” sa talumpati ngunit kabalintunaan ang kaniyang matibay na paninindigan sa parehong talumpati na isulong ang death penalty sa bansa.

Sa unang press briefing ni Lt. Gen. Gilbert Gapay sa Camp Aguinaldo noong Agosto 3 bilang bagong AFP chief, sinabi niyang kailangang magkaroon ng mga tiyak na probisyon sa pag-implementa ng mga panuntunan at regulasyon sa pangangasiwa ng paggamit ng social media. Bagamat nilinaw niya sa sumunod niyang pahayag na hindi ang mga gumagamit ng social media kundi ang paggamit ng mga platapormang ito ang nais nilang bigyang tuon sa mungkahi niyang ito, nananatiling kontrobersyal ang kaniyang pahayag dahil sa inaambang banta nito sa kalayaan ng pamamahayag gamit ang kapangyarihang dala ng Anti-Terror Law.

“Martial law in Mindanao ended without abuses by the civilian sector, by the police, by the military.” (“Nagtapos ang martial law sa Mindanao nang walang pang-aabuso ng mga sibilyan, kapulisan, at sundalo.”)

Ayon sa Karapatan Alliance Philippines Inc., hindi bababa sa 800,000 ang biktima ng civil and political rights violations sa dalawang taon ng Martial Law sa Mindanao. Kabilang na rito ang mga extrajudicial killings, iligal na pag-aresto, pagtortyur, paninindak, pambobomba, sapilitang paglikas, at paggamit ng medikal/pang-edukasyon/pangrelihiyong mga institusyon para sa mga hangaring pangmilitar.

Sinampahan din ng kasong child abuse, human trafficking, at kidnapping si France Castro (ACT Teacher Representative) dahil lang may natagpuang 14 na menor de edad sa kanilang convoy habang papunta sila sa pagsagip ng mga mag-aaral at gurong Lumad. Dagdag niya, binatuhan pa sila ng bubog ng salamin at bato ngunit ayon sa mga pulis, bahagi raw ito ng kanilang ligal na proseso.

“Iyong dinoble ko ‘yung suweldo ng pulis pati army, it was really a clarion call para for them also to have a decent life and they are able to get the things which ordinarily cannot be reached by any government employee.” (“Iyong dinoble ko ‘yung suweldo ng pulis at ng militar ay isang malaking pangangailangan para magkaroon sila ng disenteng buhay at magkaroon ng kakayahang kumuha ng mga bagay na hindi kayang makuha ng kahit anumang manggagawa ng gobyerno.”)

Habang ang suweldo ng kapulisan at ng militar ay lumolobo, nananatiling kulang, hindi sapat, at walang planong itaas ang suweldo ng mga guro, mga empleyado ng gobyerno, at mga manggagawa sa pangmedikal na sektor.

Dagdag pa rito, sa gitna ng pagtanggi ng administrasyong Duterte sa pagsubok na kinahaharap ng mga frontline worker bunga ng kakulangan ng sikap at plano mula sa gobyerno, pinuna rin ng pangulo ang paglahad ng mga frontliner ng kritisismo ukol sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya. Aniya, "wala kayong magagawa kung ‘di magreklamo". Sa ngayon, lampas na sa limang libong healthcare worker ang nahawaan ng COVID-19.

“For the rest of my term, I hope to see concerted efforts in protecting the environment.” (“Para sa aking natitirang termino, umaasa ako na makakita ng sama-samang pagsisikap sa pangangalaga ng kalikasan.”)

Ipinahayag ng pangulo ang kaniyang pag-asa sa pagkakaroon ng mas maigting na pagsisikap sa pangangalaga ng kapaligiran para sa kaniyang natitirang dalawang taon sa termino. Bukod sa Boracay na kanilang palaging ipinagmamalaki, ang kalagayan ng kapaligiran ay patuloy na nakararanas ng matinding panganib. Sa loob ng apat na taon ng administrasyon ng pangulo, pinangalanan ng international NGO na Global Witness ang Pilipinas bilang “deadliest country” para sa mga environmental activist noong taong 2018 kung saan tinatayang 113 na aktibista ang pinaslang.

Ilang araw lamang bago ang SONA ng pangulo, kung saan iginiit niya ang pag-alaga at pagprotekta sa kalikasan, pinayagan niya ang mga kompanya ng pagmimina na muling magpatuloy sa kanilang operasyon sa kabila ng pagpapasara dito ng dating kalihim ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman na si Gina Lopez noong 2017.

“The rehabilitation of Boracay Island showcased our resolve to safeguard the environment.” (“Ipinakita sa rehabilitasyon ng isla ng Boracay ang ating pagpupunyagi sa pangangalaga ng kalikasan.”)

Nabanggit ng pangulo ang matagumpay na rehabilitasyon ng Boracay. Ang anunsiyo ng matagumpay na rehabilitasyon ay nakatanggap ng malakas na palakpakan mula sa Kongreso, ngunit ang kalakasan ng pagmamalaki ng administrasyon sa malinis at magandang Boracay ay kasing lakas ng katahimikan nito sa pagbanggit sa rehabilitasyon ng Marawi.

Nabanggit na ng pangulo ang pagwakas ng martial law sa Mindanao na ayon sa kaniya ay walang pang-aabusong nangyari mula sa mamamayan, militar o pulisya subalit, hindi nabigyan ng impormasyon o komprehensibong plano ang mga mamamayan ukol sa patuloy na rehabilitasyon ng Marawi kung saan naganap ang labanan sa pagitan ng militante at ng mga ekstremista na naging punong dahilan ng pagdeklara ng martial law sa Mindanao.

“I cannot stress enough the importance of agriculture. The growth of our economy depends on a robust agricultural sector.” at “we must utilize the [coco levy funds] for the welfare our coconut farmers and the development of our coconut industry.” (“Hindi ko lubusang madidiin kung gaano kahalaga ang agrikultura. Ang paglaki ng ating ekonomiya ay nakasalalay sa isang matatag na sektor ng agrikultura.” at  “Dapat nating gamitin ang coco levy funds para sa kapakanan ng ating mga magsasaka at sa kaunlaran ng ating coconut industry.”)

4 na taon na ang nakalipas noong ipinangako ni Duterte ang paggamit ng coco levy funds para sa kapakanan ng mga magsasaka ngunit, hanggang ngayon hindi pa rin natutupad ng pangulo ang kaniyang pangako sa mga magsasaka noong eleksiyon. Patuloy din ang pagdurusa ng mga magsasaka dahil sa Rice Tariffication Law na pinirmahan ng pangulo noong 2019. Bagamat humingi ng tawad ang pangulo sa mga magsasaka, wala pa ring balak na ibasura o ipawalang bisa ang Rice Tarrification Law.

“China is claiming it. We are claiming it. China has the arms, we do not have it.” at “They are --- it has nothing to do with the Philippine Laws of Property but it’s akin to --- they are in possession. So what can we do? We have to go to war and I cannot afford it. Maybe some other president can, but I cannot. Inutil ako diyan, sabihin ko sa inyo. And I'm willing to admit it. Talagang inutil ako diyan. Wala akong magawa.” (“Inaangkin ito ng Tsina. Inaangkin din natin. May armas ang Tsina, tayo wala.” at “Sila ay --- Wala itong kinalaman sa Philippine Laws of Property pero katulad ito ng --- sila ay ang may hawak. Anong magagawa natin? Kailangan nating makipag giyera at hindi ko kaya iyon. Baka ibang pangulo na lamang, pero ako hindi. Inutil ako diyan. Wala akong magawa.“)

Ayon kay Retired Supreme Court justice Antonio Carpio, hindi naman kailangan makipag-gyera sa Tsina para maipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Idinagdag din ni Carpio na ang mga bansang Vietnam, Malaysia, at Indonesia ay patuloy na pinaglalaban ang kanilang karapatang soberanya laban sa Tsina ngunit hindi naman ito nakikipag-giyera sa nasabing bansa.

Nakalipas na ang apat na taon at hindi pa rin natutupad ng pangulo ang kaniyang pangakong sasakay siya ng jetski papuntang Spratly at Benham Rise na matatandaang sinabi niya noong panahon ng kampanya taong 2016.

“No nation on earth was really prepared for COVID.” (“Walang bansa sa mundo ang nakapaghanda para sa COVID”)

Hindi ang kahandaan ang binigyang pansin ng mga ibang bansa kundi ang kanilang mabilis at mabisang tugon sa COVID-19. Naglabas ang TIME Magazine ng artikulo ng mga bansang nagpakita ng mabisa at malinaw na pagtugon sa pandemya. Ang mga bansang kasama sa listahan ay ang South Korea, Taiwan, New Zealand, at iba pa. Nangunguna naman sa Southeast Asia sa mabilis na pagtugon at maayos na pamamalakad ang mga bansang Vietnam, Thailand, at Malaysia.

“All I ask is that you continue to put your faith in your government and work with us in achieving what is best for our country and our people. Together, let us do --- mahirap basahin kasi dito eh --- the most that we can to ensure that the health, safety and well-being of every Filipino—especially those severely affected —are taken care of.” (“Ang aking hinihingi lamang ay ang pagpapatuloy ninyo sa paniniwala sa inyong gobyerno at makipagtulungan sa amin sa pagkamit ng kung ano ang nakabubuti para sa ating bansa at sa bayan. Sama-sama nating --- mahirap basahin kasi dito eh --- gawin ang makakaya natin para matiyak na ang kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng bawat pilipino - lalo na sa mga malubhang naapektuhan - ay masisigurado.”)

Pagkalipas ng ilang linggo, ang Pilipinas na ang mayroong pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases sa Southeast Asia. Samantalang, ang ekonomiya naman ng Pilipinas ay kasalukuyan nang nakararanas ng pinakamababang economic slump mula noong 1981. Sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at sa pagbagsak ng ekonomiya, higit na nanganganib ang kaligtasan at kaunlaran ng mga Pilipino.

IBa pang artikulo