Mula noon hanggang ngayon, hindi na nadala ang mga Pilipino na mahulog sa bitag ng panlilinlang at pangakong napako. Sa panahon pa lamang ng mananakop pati na ang mga hunghang na pinuno, tila kanser na ng lipunan ang magpakabulag, pipi, at bingi sa mga traydor sa bayan. Ang masaklap pa rito, mismong mga hinirang na tagapagtanggol ng bayan ang pumapatay pa mismo sa kapwa mamamayan. Sa kasalukuyan, hating-hati ang opinyon ng masa pinsalang dala ng War on Drugs (WoD) na kumitil sa mahigit 7,000 tao batay sa opisyal na bilang ng pamahalaan, ngunit iginigiit naman ng Commision on Human Rights na nasa 12,000 hanggang 30,000 ang naitalang napaslang.

Kung babalikan, ipinangako ni Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya sa pagka-pangulo ang pagwawakas ng talamak na droga sa bansa, na humakot ng maraming taga-suporta at naging pangunahing dahilan ng kanyang pagka-panalo. “The best way for everybody, for their own good and for the good of this nation, is to stop it, but I won’t allow them to succeed, [in] three to six months I will finish it,”  pangako niya.

Sa kanyang pag-upo sa pwesto, agarang inilunsad ni Duterte ang pangako sa pamamagitan ng WoD bilang tugon sa paglaganap ng mga krimeng dulot ng ilegal na droga sa bansa. Subalit, sa kabila ng deklarasyon ng layunin na linisin ang lipunan mula sa banta ng droga, nagkaroon ng mga ulat ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, pagpaslang nang hindi sumasailalim sa paglilitis, at ang hindi patas na pagtugis sa mga sangkot.

Dahil sa pinatupad na Oplan Tokhang, naging bahagi ng diskurso ang paggamit ng salitang “salvage” na kumakatawan sa maduong patayan. Mula sa orihinal na kahulugan na pagliligtas, binigyan ito ng panibagong konotasyon na kaugnay ng extrajudicial killings (EJK) na naglalarawan bilang aksyon upang mailigtas ang lipunan. Nagiging sanhi ng maling pagpapakahulugan ang ganitong pagbalangkas ng wika sa mga aksyon ng pamahalaan na para bang tinanggap ng publiko ang karahasan nang hindi lubos na nauunawaan ang posibleng implikasyon nito sa hinaharap. Samakatuwid, maaaring nagkaroon ng pagtanggap nang hindi sinasadya, bunga ng kakulangan sa kaalaman o sapat na impormasyon.

Sa paggamit ng mga mabibigat na salitang nagiging makabagbag-damdamin, nagagawang hubugin ng mga may kapangyarihan ang opinyon ng masa. Nabigyan ng positibong konotasyon ang salitang salvage sa mga aksyon ng gobyerno na nagpalakas ng suporta sa WoD, tulad ng ipinakita sa isang sarbey ng Pulse Asia noong 2017 na may 88% na pagtanggap mula sa publiko. Sa kabila ng mga kontrobersiya, tinanggap ang malupit nitong hakbang dahil sa pagpapaganda ng imahe ng programa sa pamamagitan ng retorika at semantic framing na nagpapakita ng epekto ng wika sa pagbuo ng pananaw ng mga tao.

Bagama’t muling inuungkat sa kasalukuyan ang madugong bakas ng WoD para sa paghahatid ng katarungan sa mga biktima, malinaw na ang mga wika at termino, tulad ng “neutralization.” Ayon kay Senador Ronald Dela Rosa, hindi nangangahulugang pagpatay ang neutralization, kundi tumutukoy raw ito sa mga aksyon ng kapulisan na pag-aresto, pagdakip, o pagpapasuko sa mga suspek, alinsunod sa mga alituntunin ng paggamit ng puwersa. Ginamit ito upang pagaanin ang kabuluhan ng mga brutal na aksyon, na tinitingnan bilang makatuwirang hakbang upang protektahan ang lipunan sa halip na aminin ang pagkakamali ng kampanya kontra droga.

Ang paggamit ng eupemismo, tulad ng neutralize, ay tila naglalayong pagandahin ang imahen ng gobyerno at iwasan ang mga maselang diskusyon ng EJK at iba pang karahasan. Samantala, nagtatago naman sa kadiliman ang misyon ni Duterte na protektahan ang buhay ng mga tao sa kanyang pahayag sa mga paglilitis. Ayon sa kanya, layunin ng kampanya na protektahan ang mga inosente, ngunit maraming buhay tulad ng kay Kian Delos Santos ang nalagas sa kamay ng mga awtoridad na kung tutuusin ay isa rin sa mga “inosente.”

Ayon sa isang pag-aaral nina Alarcon at Lintao (2023), malaki ang epekto ng pagpili ng mga mamamahayag sa pagpapalaganap ng mga pananaw at damdamin ng publiko. Binibigyang-diin din na mahalaga para sa mga tagapag-ulat ng balita na maging maingat at responsable sa kanilang binibitawang salita sa publiko, dahil maaaring magpabago ng mga pananaw at magpalakas o magpahina ng simpatiya sa mga biktima ang mga salitang kanilang ginagamit. Kinakailangan daw ng mga mamamahayag na maging mas sensitibo sa kanilang wika, upang hindi mapahamak o ma-“dehumanize” ang mga biktima.

May malalim na implikasyon ang paggamit ng wika upang pagtakpan ang mga isyu o bigyang-katuwiran ang mga hakbang ng gobyerno sa paraan ng pag-intindi at pagtanggap ng lipunan sa mga patakaran. Sa kabila ng taktikang ito, mahalagang patuloy na pagnilayan at gamitan ng pagiging kritikal ang tunay na kalagayan ng lipunan at ang epekto ng mga hakbang na ipinapatupad sa mga nasa katungkulan. Kakarampot ang mga isyu na ito na bahagi lamang ng naging pagkawasak ng bansa dulot ng War on Drugs na sa huli ay hindi uubrang pangsabon sa mantsa ng karahasan at bakas ng palpak na solusyon. Hindi dapat natatabunan ng mga mabubulaklak na salita ang dugong rumaragasa ngayon sa mga kalye at kalsada sa kamay mismo ng mga tagapagtaguyod ng hustisya. 

Alarcon, J., & Lintao, R. (2023). Linguistic representation of the Philippine war-on-drugs victims in online news reports. Asian Journal of English Language Studies, 11, 1–28. https://doi.org/10.59960/11.a1

Mga Kamakailang Istorya