Uring Manggagawa, Hukbong Hindi Malaya: Isang Pagbabalik sa Welga ng Zagu

Mata Online
NI
NINA
Rafa Noche
AT
Kevin Castro

Pababa na ang araw nang nakarating kami sa picket ng Zagu sa Barangay Kapitolyo, sa lungsod ng Quezon. Pagbaba namin, mas malinaw na nakita namin ang mga paskil na nakadikit sa mga sulok ng picket. Umupo kami sa ilang mga karton. Sa paligid namin, ilang mga taong humihiga, nag-uusap sa mga nakataas na paligid na gawa sa mga malalaking kahon, o kumukuha ng tubig at pagkain sa maliit na istasyon na itinayo sa gilid ng picket. Nang libre si ka-Shirley, kinausap niya kami. Sa t-shirt na sinusuot niya, nakalagay ang mga salitang ‘ORGANIZA-SUPER,’ ang unyon ng mga manggagawang Zagu na nagwewelga.

Si Shirley Fulgencio ang presidente ng unyon. “Ka-Shirley” ang tawag sa kanya ng mga ibang manggagawang nagwewelga kasama siya. Kagagaling lang ni Shirley sa Pacific Plaza, kung saan naganap ang pagboto para sa bagong miyembro ng board. Ang isyu ay tumagal na ng halos isang taon, at hanggang ngayon ninanais makamit ng mga manggagawa ang hustisiya. Ang Pacific Plaza at ang Zagu ay dalawa lamang sa mga patuloy na mga nagwewelga laban sa mga mapang-abusong mga administrasyon.

Ang Organization of Zagu Workers – Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reform (ORGANIZA-SUPER) ay isa lang sa mga unyong nagwewelga para sa mga karapatan nila. Si Shirley, ay isang regular na manggagawa na lumalaban para sa mga karapatan ng mga kasama niyang kontraktuwal. Sinimulan niya ang kaniyang pagkekwento ng mga nakaraang ganap ng welga. Aniya, “Ang mga manggagawa [ay] hindi maninindigan kung walang maling sistema.”

Simula ng unyon

Ang pagbuo ng unyon ay kasama sa karapatan ng mga manggagawa ayon sa Labor Code of the Philippines, at sinimulan ito para ipetisyon ang management ng Zagu para sa mas mataas na sahod at para na rin sa pag-regularize ng mga kontraktuwal na mga manggagawa. ORGANIZA-SUPER ang tawag sa unyon. Sa loob ng kumpanya ng Zagu, halos 90% ng mga manggagawa ay kontraktuwal, kahit ilan sa mga ito ay nagtatrabaho para sa Zagu nang makalipas ng 12-13 na taon. Sa 600+ na manggagawa, 42 lang ang regular, kasama dito si Shirley. Pero kahit regular ang turing sa isang manggagawa, hindi pa rin sigurado ang kanilang benepisyo na matatanggap sa kumpanya. Dahil ito sa itinatawag na “labor-only contracting” kung saan isang third party ang nagsusuplay ng mga manggagawa sa isang principal para gumawa ng isang trabaho. Samakatuwid, ang mga manggagawa ay hindi talaga empleyado ng kumpanya kung saan sila nagtatrabaho at dahil dito, hindi talaga responsibilidad ng kumpanya.

Madaming mga paghihirap ay dala ng pagiging isang kontraktuwal na manggagwa. Unang-una, kung may ginawa ang isang manggagawa na hindi tama o kaya naman hindi nagustuhan ng head nila, pwedeng sa isang iglap tanggalin siya dahil wala siyang security of tenure. Kinuwento sa amin ni Fulgencio ang mga karanasan ng ilang manggagawa na pumasok sa umaga para lang sabihan na pumunta sa opisina ng kanilang mga ahensiya. Pagpasok nila sa ahensiya, sasabihan agad sila na terminado na ang kontrata nila.

Ang labor-only contracting ay isang malaki at malawak na isyu sa bansa. Itinuturing na itong labag sa batas ayon sa Executive Order #51, ngunit madaming mga kumpanya tulad ng Zagu na patuloy na gumagawa nito. Ani Fulgencio: “Malinaw na labor-only contracting ang nangyayari sa Zagu, ngunit pilit pa ring tinatanggi na may ganoong nangyayari… Dapat kasama sa pagbabago ang mga manggagawa, hindi babaguhin lang para sabihin na sumusunod sa batas.”

Bukod sa kawalan ng “security of tenure” na nagsisiguradong hindi pwedeng basta-bastang tanggalin ang isang manggagawa, napakababa raw ang bayad na ibinibigay sa mga manggagawang nasugatan o hindi sinadyang nakasira ng gamit. “May isang taga-prod[uksyon] na naputulan ng daliri... Ang compensation bilang manggagawa, hindi natanggap… Binayaran ng kumpanya ang ospital at yung gamot, pero sa mga araw na hindi nakapasok ang manggagawa, hindi nabayaran.” Ang mga drayber naman ay walang insurance— kung may aksidentang nangyari, mabibigyan sila ng gamot ng kumpanya ngunit kakaltasin sa kanilang suweldo ang mga pinsala. Pareho din ang nangyayari sa mga manggagawang nasa service crew o nagtatrabaho naman sa pabrika— sinisundan ng kumpanya ang “last touch rule” na nagsasabi na kung may nasirang makina, ang huling gumalaw ng makina ay ang magbabayad ng restoration fees. Dagdag pa rito, pilit raw hinihiwalay ang mga kontraktuwal sa mga regular, kahit pareho lang naman ang trabaho ng mga ito.

“Sa sistema na iyon,” wika ni Fulgencio, “ikaw bilang manggagawa iisipin ‘nasaan ang pagpapahalaga sa akin ng management?’ Sa 20 [na taon] na tinakbo ng Zagu nagsimula yan sa mababa, kasama ang manggagawa, hanggang kaunting tumaas, kasama [rin] ang manggagawa. Pero sa pagtaas ng kumpanya ang manggagawa, nananatiling nasa baba. Sana sa pag-unlad ng Zagu kasama na rin kami sa pag-angat… Ang mga manggagawa na tumutulong sa pag-angat ng kumpanya, hindi binibigyang pansin. Sana pakinggan at humarap ang management. Apektado rin ang mga manggagawa na hindi namin kasama rito.”

Hangad ng unyon

Nagsimula ang mga usapan para sa mas magandang pagtrato sa mga manggagawa noong Enero 2019 pa lang, limang buwan bago nagsimula ang mga welga.

“Ang hinihingi ng manggagawa ay hindi sobra sa kaya ng kumpanya.” Nais lang nilang umangat dahil ang totoong pangangailangan namin ay hindi sasapat sa minimum na kasalukuyan ay 537 pesos. “Kung single ang manggagawa, kukulang pa iyon sa mga pangangailangan nila, paano pa kaya kung may pamilya sila?”

Nais makamit ng unyon ang isang collective bargaining agreement o CBA kasama ng Zagu. Kasama sa CBA na ito ang pagtaas ng sweldo ng mga manggagawa at ang pagbabago sa mga polisiya ukol sa pagliliban.

Ang CBA ay magsisilbi bilang tulay sa pagitan ng management at unyon. Ani Fulgencio, “Hindi lang sa CBA makikita ang benepisyo, magiging basehan siya ng magandang samahan ng manggagawa at management, kung may unyon ka hindi lang ikaw at ang management ang magkakausap. Ang mismong unyon ay kakausap sa manggagawa at ipapaalala ang anumang nalalabag na polisiya ng kumpanya. Ang gusto ng unyon ay magkaroon ng matiwasay na usapin at pagkakaisa sa loob ng management para kung anumang maling sistemang umiiral, mababago kasama ng mga manggagawa at ng management para magkaroon ng tulungan.”

Nais makiharap sa senior management ang unyon at may nagpakita na isang senior manager sa pagpupulong, pero wala pa ring pag-uusap na naganap sa pagitan ng management at unyon. Kung kakausapin lang ang abogado o manager, wala talagang matatanggap na diretsong sagot. Ang pumupunta lang raw ay ang tatlong managers. Humahaba lalo ang oras dahil sinasabi nila na “kakausapin ang may-ari, itatanong ang may-ari”.

Kontraktuwalisasyon at ang kilusang manggagawa sa Pilipinas

Ang welga ng mga manggagawa ng Zagu ay isa lamang sa mga welgang nangyayari sa bansa. Sa taong 2019, madami pa ang welgang naging tampok tulad ng sa Pacific Plaza (na nagsimula noong 2018 pa lang), Pepmaco, at iba pa. Lahat ay humihingi ng mas magandang pagtrato sa mga manggagawang naaapektuhan ng mga hindi patas na polisiya ng kani-kanilang mga management.

Ayon kay CJ Castillo ng Labor Education And Research Network (LEARN), isang NGO na tumutugon sa labor education, dahil enterprise-based ang kilusang manggagawa, “scattered” ang mga ito. Habang sa ibang bansa katulad ng Estados Unidos awtomatikong parte ang isang manggagawa sa isang unyon kung siya ay nasa isang trabaho, hindi ganito para sa Pilipinas. Madaming mga manggagawa na hindi sumasali sa unyon ng mga manggagawa ng kanilang kumpanya.  Sa katunayan, ayon kay Castillo, halos 6% lamang, o 160 na manggagawa sa loob ng 1000, ay bahagi ng welga. Ani Castillo, maaaring nangyayari ito dahil sa pagkaroon ng stigma laban sa pagsali sa isang unyon. Ang paniniwalang ito ay dahil matagal nang nauugnay ang pagbuo ng mga unyon sa pagiging komunista. Maaaring natatakot ang mga manggagawa na sumali sa isang unyon dahil sa takot na baka ma-redtag sila.

Tulad ng nabanggit, naging ilegal ang labor-only contracting noong naisatupad ang Executive Order No. 51, ngunit para kay Rafael La Viña ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, mas lumala raw ang sitwasyon ng labor-only contracting sa Pilipinas. Madaming mga kumpanyang hindi pa rin sumusunod sa batas at naghahanap ng mga paraan para isagawa pa rin ito at tuluyang mas nawawalan ng security of tenure ang mga manggagawa. Isa sa mga loophole na ito ay ang trilateral employment (na siya ring ginawa ng Zagu) kung saan sinisweldohan ang manggagawa ng isang ahensiya, habang ang ahensiya naman ay nagbibigay ng mga manggagawa. Ibig sabihin nito na maituturing na regular ang isang manggagawa sa ilalim ng kanilang ahensiya, pero hindi sa ilalim ng kumpanya.

Kung walang security of tenure ang manggagawa (katulad sa kaso ng ilang manggagawa sa Zagu), mababawasan ang bargaining power ng mga unyon nila. Importante ang pagkakaroon ng bargaining power ang unyon— kung wala ito, tuluyang mahihirapang makipag-usap ang unyon sa kumpanya para gumawa ng isang Collective Bargaining Agreement (CBA) kung saan nakalagay ang kompromiso sa pagitan ng dalawang partido. Ani Castillo, ang tagumpay ng isang unyon sa pagkamit ng isang patas na CBA ay tagumpay ng buong industriya sapagkat ang bagong CBA ay maaaring maging pagbasehan ng mga ibang CBA ng mga ibang unyon.

Para sa mga kumpanya naman, ayon kay Castillo, mahalaga ang pagbawas ng labor cost upang mas makakita ng pera. Ito ang nagiging dahilan kung bakit madalas na ginagawa ang labor-only contracting, sapagkat nakapagpapadali ito ng proseso ng pagsisante ng mga empleyado na walang kinahinatnan (labor flexibility). Ayon sa Zagu, wala daw silang ginagawang ilegal na kontraktuwalisasyon dahil raw ang mga manggagawa ay mga regular na empleyado ng mga iilang mga “co-operative” at mga manpower agencies, at nagkataon lang na sa Zagu sila nagtatrabaho. Ngunit, pati na rin ang mga ahensiya ng mga manggagawa ay hindi raw sumusunod sa mga regulasyon ng DOLE.

Reaksyon ng Management

Ang pagbuo ng ORGANIZA-SUPER ay agad-agad kinalaban ng management ng Zagu. Katulad ng naibanggit, nagsimulang gumawa ng isang “runaway shop” na maaaring magresulta sa isang illegal closure kung saan mawawalan ng trabaho ang mga unyonista. May mga outlets na naibenta na sa franchise. Ani Fulgencio ukol dito, “Saan mapupunta ang service crew? Kung ililipat ka sa ibang outlet, pamasahe mo at pagod mo iisipin mo pa.” Binibigyan ng [Notice To Explain] ang mga manggagawa na nagsasabi ng hindi pwedeng sumali sa unyon, na para sa mga regular lang iyon. Nagkaroon rin ng disciplinary action laban sa mga manggagawang tumangkang makilahok sa mga gawain ng unyon, at tinangka raw ng kumpanya na magsuhol ng mga manggagawa para umalis sa unyon. Binabayaran daw ng halos Php 80 000 ang mga ibang manggagawa para umalis sa unyon. Wika ni Fulgencio, “Mayroon na mas pinipili ang ikinabuhay ng pamilya.”

Kaya, noong ika-6 ng Hunyo, 2019, opisyal na sinimulan ng mga miyembro ng ORGANIZA-SUPER ang kanilang welga bilang isang pagtugon ng pagtiyak ng management na sirain ang kanilang unyon (union-busting).

Nagsagawa ng prayer vigil ang mga manggagawa para ipanatag sa management na malinis ang hangarin ng unyon na magkaroon ng matiwasay na usapan, ngunit binigyan ng mga nakilahok ng mga Notice To Explain at nagsabi na pwede itong maging sanhi nag pagsisante sa kontrata nila. Namigay rin ng mga flyers ang mga manggagawa na nagsasabi na hindi masama ang pagkakaroon ng unyon sapagkat karapatan ng bawat manggagawa ang pag-oorganisa ng unyon.

Sa gitna ng lahat, nakikiusap pa ang kumpanya sa ibang manggagawa— nagkaroon ng mga eskirol. Sinisisi nila ang mga unyonista at sinasabi na kaya wala silang makain, wala silang trabaho. Wika ni Fulgencio, “Hindi nila naiisip na kung anong ipinaglalabanan namin sa strike, hindi lang iyon para sa amin, [kung hindi] para sa kanila, dahil manggagawa rin sila...Sinasabi nila na kaya wala silang makain, wala silang trabaho, eh kami rin ganoon.” Sinasabi nila na pupunta lang daw sila para kausapin lang ang mga unyonista, pero sa katotohanan pumupunta sila para sirain ang picket. Sinisigaw nila na hindi totoo ang pinaglalabanan ng mga unyonista.

Noong Hunyo 13, unang sumugod ang mga eskirol. Hinarang ng mga pulis para itanggi ang picket. Noong Hunyo 14 at 19, wala nang pulis na dumating kahit may mga lumapit na eskirol. Nakita raw ito ng National Labor Relatons Commission (NLRC) pero hindi pa rin dumating ang mga pulis. Samantalang, kinukuhanan daw ng litrato ng mga guwardiya ang mga nagwewelga kahit natutulog. Noong Hulyo 8, dumating nanaman ang mga eskirol at malaki ang naging gulo sa picket habang nagsisigawan ang mga eskirol at mga unyonista at gumawa ng isang human barricade ang mga unyonista para hindi maibuwag ang picket. Tinigil ng mga pulis ang gulo.

Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang welga ng Zagu, ngunit, bumalik na raw sa regular na trabaho ang mga ibang manggagawa ng unyon. Subalit, tuloy pa rin ang laban para sa karapatang manggagawa. Wika ni Fulgencio, tungkol sa welga: “Kung ang kapalit ng lakas-paggawa ay ang pagkamit ng abuso galing sa mga management, kawawa naman ang mga manggagawa yung lakas ay binuhos para makatulong sa mga korporasyon, para maangat ang kanilang mga pamumuhay, pero kaming mga manggagawa.. hinayaan na kapusin ang lakas, tumanda kami na walang pinatunguhan. Kaya kung meron pagpapahalaga sa manggagawa, bibigyan pansin ang mga matagalang pangangailangan, hindi lang ang mga pang-araw-araw, mga benepisyong sasapat para sa bawat manggagawa.”

Zagu, Pepmaco, Pacific Plaza, NutriAsia— napakahalagang maunawaan na ang karapatang manggagawa ay karapatang pantao, at may karapatan ang mga manggagawa ayon sa batas na magwelga upang makakamit ng mas patas na benepisyo. Kahit itinuturing na labag sa batas ang labor-only contracting, katulad ng binanggit, madaming mga kumpanyang nakakahanap ng paraan para maging ligtas sila sa mga batas na ito. Ang labor-only contracting at ang pagbuwag ng mga unyon (union-busting) ay ilan lamang sa mga paghihirap na tinitiis ng mga manggagawa sa paggawa ng kanilang mga trabaho. Ani Fulgencio, “Hindi hinahangad ng manggagawa na matulog sa kalye. Hindi pinangarap ng manggagawa, hindi niya ginusto na makikita niya na pamilya niya ay nagugutom, na ang mga anak niya nakitang hindi makakapag-aral…Responsibilidad ng isang pinuno ng isang kumpanya na makinig sa mga manggagawa at gumawa ng matiwasay na usapan sapagkat ang mga manggagawa rin ay mayroong mga kani-kanilang mga pangangailangan. Napakaimportanteng makiisa sa manggagawa, lalong lalo na dahil scattered ang kilusang ito, at ang tagumpay ng isang unyon ay maaaring maging tagumpay ng ibang mga unyon, sa kasalukuyan at sa kinabukasan.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo