Hanggang kailan tayo papayag na babuyin ng mga nasa posisyon? Hanggang saan ang hangganan ng ating pagpikit sa pananamantalang ginagawa sa ating mga mamamayan? Ito ang mga palaisipan at konseptong inihayag ng produksyong “Isa-Dalawa-Tatlo… Nawantutri Tayo!” ng Ateneo ENTABLADO, sa direksyon ni Jerome D. Ignacio, na buong tapang na tumalakay sa mga mahahalagang isyu na lumason sa lipunan sa mga nagdaang administrasyon. Ito ay binubuo ng trilohiya ng mga dulang pinamagatang “Punks Not Dead”, “Indigo Child”, at “Kung Paano ako Naging Miss Fiesta Golden Sunshine Barangay San Marinos” na siyang sumiwalat ng magkakaibang isyu.