“Modules, Modules, Paano ka Ginawa?": Isang Pasilip sa Edukasyon ngayong Pandemya

Mata Online
NI
NINA
Dana Mikaela Palad
AT
Disyembre 2, 2020

Inulan ng batikos ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) dahil sa mga naitalang pagkakamali sa kanilang mga self-learning modules (SLMs) na kasalukuyang ginagamit ng mga mag-aaral sa kanilang inilunsad na distance learning bilang tugon sa suliranin ng akademya sa panahon ng pandemya. Dahil dito, hindi maikakaila na naalarma at nababahala ang mga mamamayan ukol sa kalidad ng edukasyon na nakukuha ng kabataan mula sa klase ng mga materyal na ginagamit. Nagdala rin ng pangamba at katanungan sa kahandaan ng ahensya sa pagpapatuloy ng akademikong taon. 


Bukod sa naitalang 41 na pagkakamali sa mga modyul na kanilang ipinamigay, kabilang na ang balarila ng ilang pangungusap, typographical errors, at minsan ay mismong mga impormasyon, na kanilang patuloy na iniimbestigahan ay pumutok din ang ilang mga isyu na nagdulot ng ingay sa social media. Isa na sa mga ito ay ang usapin ng ‘body-shaming’ kay Angel Locsin na nakalathala sa isa sa mga worksheet ng MAPEH sa Occidental Mindoro. 


Isinaad ang sitwasyon sa ganitong paraan: “Angel Locsin is an obese person. She, together with Coco Martin, eats fatty and sweet food in Mang Inasal fast food restaurant most of the time. In her house, she always watching television and does not have any physical activities.” Ginamit ang sitwasyong ito upang itanong kung ano ang mangyayari kung kaniyang ipagpapatuloy ang ganitong paraan ng pamumuhay. Matapos ng agarang pagpuna ng kaniyang mga taga-suporta at kapwa artista sa negatibong mensaheng ipinararating nito sa mambabasa, agad namang humingi ng paumanhin at ng pag-intindi ang kagawaran mula sa publiko at ipinangakong gagawan ng aksyon ang nasabing kamalian.


Ngunit hindi dito natatapos ang mga isyung kanilang kinahaharap dahil ilang araw pa lamang ang nakalilipas ay muling nagkaroon ng ingay nang punahin naman ang isang depiksyon ng mga magsasaka sa isang modyul kung saan nakasuot sila ng marurumi at gusgusing mga kasuotan at nagpapakita ng isang halimbawa ng ‘stereotyping’. Bilang tugon ay muling ipinangako na magkakaroon ng aksyon at mapaparusahan ang sino mang responsable sa pangyayaring ito na nagpapakita ng maling perspektibo at negatibong imahe sa ating mga magsasaka.


“We understand that the vast majority of our farmers are poor, but to stereotype them, parang ano ang magiging mensahe sa ating kabataan? Na hindi katanggap-tanggap ang pagiging magsasaka?” ayon kay Senator Frank Pangilinan na isa sa mga pangunahing nagbigay-diin na nararapat lamang magkaroon ng positibong pagkilala ang mga magsasaka dahil sa kanilang kontribusyon sa ating lipunan. 


Marahil isa rin sa mga isyu na matagal na pinag-usapan ay ang pagpuna ni Lea Salonga sa isang Facebook post sa isang tanong ‘di umano sa isang modyul na nagpapakita ng ‘stereotyping’ sa mga taong mayroong tattoo sa kanilang katawan. Ayon sa katanungan na ipinakita sa larawan ay ipinararating na ang pagkakaroon ng tattoo ay simbolo ng pagiging isang kriminal na umani ng pagkadismaya mula sa publiko. Agad namang inamin ng isang opisyal ng kagawaran na dumaan sa kanilang Central Office (CO) ang nasabing modyul at mayroon na silang inilabas na erratum kaugnay nito dahil mali ang kanilang nailagay na tamang sagot sa answer key na ginagamit ng mga guro. Matapos naman ang ilang araw ay humingi rin ng paumanhin ang aktres sa kaniyang naging reaksyon nang magkaroon ng linaw kung ano ang tunay na nangyari at ang pagsasaad ng konteksto ng tattoo sa ating kasaysayan na ayon sa mga opisyal ay siyang tunay na ipinararating sa modyul.


Bukod pa rito, lumabas din ang nakababahalang usapin tungkol sa pagkakaroon ng mga hindi naaangkop na nilalaman sa mga SLM, tulad na lamang ng isang kuwentong nakalakip sa isang modyul sa Filipino sa Region 4A. Sa isang kuwentong pinamagatang “Isolated Camp”, pinag-usapan ng dalawang karakter kung ano ang ginagawa ng mga sundalo sa loob ng kampo upang “magsaya”. Bagaman kinuha ito mula sa isang site tungkol sa mga biro, nakababahalang makita ang ganitong uri ng nilalaman na hindi nararapat para sa mga mag-aaral dahil sa nakatago nitong implikasyon sa kanilang edad.


Kabilang na rin sa mahabang listahan ng mga reklamong may kaugnayan sa mga materyales na ginagamit at gagamitin sa taong ito ay ang mga maling mga ekwasyon at balarila sa DepEd TV at maling mga nakasulat at nakalagay na mga larawan sa mga modyul Subalit, iilan lamang ito sa mga pinakamaingay na isyung kinahaharap ng kagawaran kaugnay sa mga learning materials na kanilang pinamimigay; maaaring marami pa ang hindi nabibigyan ng karampatang pansin kung kaya’t hindi na rin maiaalis ang pangamba at pag-aalala mula sa publiko, lalo na mula sa mismong mga mag-aaral at sa kanilang mga magulang. Mula rito ay mabubuo ang katanungan sa kahandaan ng ating pamahalaan upang suportahan ang pagpapatuloy ng akademikong taon sa gitna ng isang pandemya.


Mula sa kakulangan ng mga sapat na kagamitan para sa online classes, sa kakapusan ng pagsasanay sa mga kaguruan sa bagong sistema, hanggang sa mga materyales na ginagamit na puno ng kamalian, bakas na ang kawalan ng kahandaan ng DepEd. Sa pagpipilit nilang ipagpatuloy ang taong pampanuruan, taumbayan tuloy ang sumasalo ng kabayaran sa mga ito. Kahit ilang beses man nilang itanggi at pagtakpan ang mga naunang pagkakamali, hindi na rin nila maitatago ang mga kapalpakan at kakulangan na kanilang hindi nagawa na siyang patuloy na nagdudulot ng negatibong epekto sa kalidad ng edukasyon sa ating bansa, na hindi na rin naman ganoon kaganda kahit wala pa mang pandemya. 


Kaugnay nito ay ang pagsisimula ng ilang mga pagpoprotesta at mga pagkilos ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang mga unibersidad upang makiisa sa kanilang kapwa mag-aaral at ipaglaban ang Academic Freeze o ang pagtigil ng mga gawaing akademiko habang mayroon pang kinakaharap na pandemya ang ating bansa. Marami rin ang dumadaing sa kakulangan sa kakayahan na makasabay sa mga pangangailangan ng makabagong sistema tulad na lamang ng mga gadgets, internet connection, at iba pang mga kagamitan na noon ay hindi naman kadalasang kinakailangan. Nagsanhi lamang ang ginawang sitwasyon ng kagawaran ng higit na dibisyon sa nibel ng oportunidad na mayroon ang bawat isang mag-aaral.

IBa pang artikulo