“Isa-Dalawa-Tatlo… Nawantutri Tayo!”: Mimesis ng Lipunan

Matalastas
NI
NINA
Dana Mikaela Palad
AT
Mayo 5, 2023

Hanggang kailan tayo papayag na babuyin  ng mga nasa posisyon? Hanggang saan ang hangganan ng ating pagpikit sa pananamantalang ginagawa sa ating mga mamamayan? 

Ito ang mga palaisipan at konseptong inihayag ng produksyong “Isa-Dalawa-Tatlo… Nawantutri Tayo!” ng Ateneo ENTABLADO, sa direksyon ni Jerome D. Ignacio, na buong tapang na tumalakay sa mga mahahalagang isyu na lumason sa lipunan sa mga nagdaang administrasyon. Ito ay binubuo ng trilohiya ng mga dulang pinamagatang “Punks Not Dead”, “Indigo Child”, at “Kung Paano ako Naging Miss Fiesta Golden Sunshine Barangay San Marinos” na siyang sumiwalat  ng magkakaibang isyu. 

Ang kabuuang konsepto ng “1-2-3”, o “nawantutri” sa Tagalog, na ginamit ng produksyon ay mula sa ideya ng pagtakbo o mabilisang pag-alis bago pa man makapagbayad sa jeep, sa kainan, o kung saan mang lugar na mayroong serbisyong kailangang bayaran. Ginamit nila ito bilang alegorya sa pinagdaanan ng bayan sa ilalim ng mga naging pangulo ng bansa kung saan ang kani-kanilang administrasyon ay nawalan ng pananagutan  at hindi nagkaroon ng kaparusahan bilang kabayaran sa pagyurak at pasakit na kanilang dinulot sa mga mamamayan. Sa pamamagitan ng tatlong bahagi ng produksyon, na mayroong iba’t ibang kuwento, ipinakita ng dula kung paanong ang bayan ay paulit-ulit na nakaranas ng “wantutri” sa kamay ng mga nasa posisyon.

Itinanghal ang produksyon na ito mula Abril 18 hanggang Abril 30 sa Black Box Theater, Fine Arts Annex, Ateneo de Manila University. 

Kuha ni Christian Dasalla

Pagkambyo ng Inaasahan

Epektibong napaghalo ng mga dulang bahagi ng produksyon ang elemento ng komedya at drama kung saan ang magagaan na mga bahagi ang siyang lalong nagpaigting sa naging dating ng pagkambyo patungo sa mga mabibigat na eksena. Nilaro ng mga dula ang inaasahan ng mga manonood ukol sa progresyon ng mga naratibo na siyang ginamit na pangunahing instrumento na pambigla sa mensaheng nais nilang iparating. 

Sa kabila ng mabibigat at madidilim na tinatalakay nitong mga isyu, hindi pa rin nila binitawan ang elemento ng komedya hanggang sa dulo, mula sa mga biro at galaw ng mga aktor,hanggang sa mga tugtog na kanilang ginamit, kung kaya’t ang karimarimarim na trahedyang naging biglaang wakas ng mga dula ay mas naging epektibo para sa mga manonood. 

Kiliti ng Ilaw at Tugtog

Hindi maikakaila na limitado ang espasyong ginalawan ng kabuuan ng produksyon dahil na rin sa napiling tanghalan. Ngunit, sa halip na ito ay maging suliranin at hadlang para sa ikagaganda ng kanilang perspektibo, nagawa nila itong gamitin sa kanilang kapakinabangan sa pamamagitan ng tulong ng kanilang matalinong paggamit ng ilaw at tugtog. 

Kuha ni Christian Dasalla

Dahil sa limitadong props na kanilang ginamit at sa tamang paghahalo ng ilaw (spotlight o backlight) at musika (transitional at background music), nagabayan ng produksyon ang mga manonood na mas bigyang-pansin ang mga karakter at ang kanilang nais sabihin at wala nang iba. Dagdag pa rito, mas lalong naging dramatic at malapit sa mga madla ang naging setup dahil mas naramdaman ng mga manonood ang nais ng bawat karakter na mapakinggan ng bawat indibidwalsa tulong ng mga elemento ng ilaw at musika. 

Realidad ng Lipunan bilang Dula

Buong tapang na isiniwalat ng Ateneo ENTABLADO ang kanilang pakiwari sa mga kaganapang nangyari sa loob ng ating lipunan, sa ilalim ng mga nagdaang administrasyon. Sa pamamagitan ng sining ng teatro at dula, naipahayag nila ang mensahengtumatalakay sa mga pasanin na ating dinadala bilang isang bansa — ang bulok na sistema at mababang kalidad ng ating edukasyon, ang marahas na drug war at police brutality, mga paglabag sa kaparatang pantaonoong panahon ng Batas Militar, climate change, epekto ng fake news sa panahon ng social media at maging ang pambabalahura sa ating resiliency bilang mga Pilipino. 

Lumagpas sa konsepto ng “art for art’s sake” ang naging layunin ng produksyon dahil nakatuon ito sa tunay na kuwento at naratibong nararanasan ng kapwa nating mamamayan sa araw-araw nating pamumuhay. Ang madilim na realidad na ito ang siyang naging pangunahing pundasyon ng dula kung saan ang mga kwento ay tunay at totoo, hindi lamang mula sa imahinasyon ng may katha.

Kuha ni Christian Dasalla

Ang dulang “Isa-Dalawa-Tatlo… Nawantutri Tayo!” ay tunay na naging daan upang isiwalat ang mga isyung kinaharap ng lipunan sa ilalim ng iba’t ibang mga administrasyon sa pamamagitan ng paghahalo ng komedya, drama, at trahedya.

IBa pang artikulo