Presidenteng Naka Metro

Mata Online
NI
NINA
Dana Mikaela Palad
AT
Martina Salamero
Oktubre 31, 2022

Hindi na bago sa atin ang ideya ng pagbabase sa metro ng babayaran sa bawat biyaheng nilalakbay patungo sa iba’t ibang destinasyon. Madali lamang intindihin ang konsepto: ang bawat kilometrong nalakbay ay may katumbas na presyong dapat bayaran. Kung titingnan ang mga nakaraang kaganapan sa simula ng termino ng bagong halal na presidente ng ating bansa, tila ba ito rin ang kaniyang ginagamit na estratehiya sa kaniyang pagkilos at pagtatrabaho bilang pinuno ng bansa—kailangan nating bayaran ang layo at bilis ng ating biyahe. 

Naging maingay at puno ng kontrobersiya ang biglaang pagpunta ni Ferdinand Marcos Jr. at ng kaniyang pamilya sa kanilang weekend getaway sa Singapore nitong buwan lamang para sa Formula 1 (F1) Grand Prix Race. Kinuwestiyon ng masa at oposisyon ang pinagmulan ng pondong ginamit para sa sustentuhan ang kaniyang personal na mga gastusin. Ayon kay Lucas Bersamin, Executive Secretary of the Philippines, hindi na umano mahalaga malaman kung saan galing ang perang ginastos ng pamilyang Marcos para sa bakasyon: mula ba ito sa personal na bulsa o mula sa pera ng bayan. Tila nawala sa isipan ng mga pampublikong opisyal, na pilit na binibigyan ng rasyonalisasyon ang luhong ito, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng transparency at accountability lalo na sa usapin ng kaban ng bayan. 

Ilang buwan pa lamang na nakaupo ang ating presidente sa kaniyang pwesto pero tila hindi na patas ang ating binabayaran sa metro ng ating progreso. Habang siya ay nagpapakasarap sa ibang bansa kasama ang kaniyang pamilya, naghihirap naman ang mga ordinaryong Pilipino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Dagdag pa rito, hindi maitatanggi na nakagagalit ang kaniyang desisyon na takasan ang kaniyang mga tungkulin sa ating bansa at sa ating mamamayan. Kung aalalahanin natin, naganap ito ilang araw lamang matapos dumating sa bansa ang Bagyong Karding.  Ang hagupit ng bagyong ito ay nagdulot ng matinding pinsala sa ilang bahagi ng Luzon, tulad ng pagbaha sa mga lupain at libo-libong mga pamilyang naperwisyo sa kalamidad na ito. Higit pa rito, sa gitna ng hagupit ng bagyo, hindi rin maitatanggi ang kaniyang pagkawala. Kaya naman, madalas ang paghahanap sa kaniya ng mga mamamayan dahil sa kawalan ng agarang kilos upang ihanda, tulungan, at suportahan ang mga lugar na daraanan ng super typhoon. . 

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, tila malaki ang ating binayarang metro para sa pribilehiyong tinatamasa ng ating bagong bise presidente dahil sa hindi maipagkakailang kakaibang bilis ng pag-usad ng mga bagay kapag siya ang nasa gitna ng usapan. Isa na dito ang naging maugong na nagdaang hearing para sa hinihinging P2.3 billion ng opisina ni Sara Duterte, na tatlong beses ang itinaas kung ikukumpara sa nakaraang taon. Ito ay para sa kaniya umanong mga proyekto at inisyatibo. Ngunit, dahil sa agarang pagkatapos nito, walang nangyaring usapan o deliberasyon. Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, na siyang nagdeklara ng pagtatapos ng hearing, ang kawalan ng pagkwestiyon na ito ay dahil lamang sa tradisyon at courtesy na nararapat ibigay sa mga ehekutibo. Kasama sa inihaing proposed budget na ito ay ang P500 million confidential funds na nakalusot nang walang aberya sa kongreso—na kung tutuusin ay maituturing na lamang na isang “rubber stamp” na patuloy na inaabuso ng mga nasa matataas na posisyon. 

Kasama na rin sa isyu ng nasyonal na badyet ang tila ba walang prenong pangungutang ng kasalukuyang administrasyon sa ibang bansa at sa mga internasyonal na organisasyon upang mabigyan umano ng sapat na pondo ang mga proyekto para sa ikauunlad ng Pilipinas. Sa loob ng iilan pa lamang na buwan sa ilalim ng kaniyang pamumuno, maipagpapalagay na may utang ang bawat Pilipino na aabot sa P127 dahil $2 bilyong inutang ng administrasyon mula sa foreign lenders. Buwis ng bayan ang gagamiting pambayad sa mga utang na ito na hindi natin alam kung kaya ba nating mabayaran sa susunod na mga taon. Dahil dito ay mayroon nang matinding pangamba na sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin ay maaaring tumaas din ang buwis na ating babayaran. 

Sa kasamaang palad, kung hindi ka pumapanig sa mga nakahawak sa manibela ay hindi ka gagalaw at makararating sa dapat mong paroonan. Isa sa pinakamalaking isyu na nagpapakita nito ay ang patuloy na pagkakakulong ng dating senador na si Leila de Lima sa kabila ng maingay na pagsuporta ng oposisyon sa pag-urong ng kasong isinampa laban sa kaniya upang makalaya na siya sa detensyon. Ayon naman kay Marcos, hindi niya nanaising mangialam at manghimasok sa proseso ng korte na kaniyang lubos na pinagkakatiwalaan. Salungat naman ang pahayag ng mga nasa posisyon na naniniwalang hindi panghihimasok ang gagawing pagkilos ng presidente kung ito ang moral at legal na hakbang sa harap ng kawalan ng mabigat na ebidensya laban kay de Lima. 

Kumpara sa pinanood at ginastusang F1 Grand Prix Race na mayroong mabibilis at humaharurot na mga sasakyan, maituturing na isang taxi na de-metro lamang ang ating presidente sa kaniyang pagkilos bilang pinuno ng ating bansa. Kagaya ng konsepto ng metro sa ating karaniwang taxi, kung nais nating makarating sa malayong paroroonan ay dapat handa tayo sa mabilisang pagpatak ng ating lumalaking bayarin para sa kabuuan ng biyahe. Ngunit sa ating kalagayan ngayon, base na lamang sa nagdaang unang 100 na araw ni Marcos bilang presidente, para bang sadya niyang pinatay ang metro habang patuloy pa ring pumapatak ang dapat nating bayaran kahit nakatigil lang naman talaga ang ating sinasakyan at matagal-tagal pa ang pagdating natin sa ating hinahangad na destinasyon.

IBa pang artikulo