Aming Matwid

Mata Online
NI
NINA
AT
Setyembre 1975

Matanglawin Ateneo 

Setyembre 1975 

Blg. 3 Tomo I 

Ibigay sa iba pagkabasa 

Aming matwid

Marami ang nagrereklamo na labis daw ang lalim ng pananagalog ng MATANGLAWIN. Kasabay nito ang sumbat na tila pagyayabang na lamang ito. Di-iilan ang nagmungkahi na ‘babaan’ daw ang antas ng mga katagang aming ginagamit sa bawat bilang. 

Sa isang gawi, mainam pakinggan ang ganitong puna sapagkat tila tanda ito na pinagtatapunan ng kahit katiting na pansin ang lathalain. Nagpapasalamat ang patnugutan sa pangyayaring unti-unti na naming naaabot ang marami-rami na ring kamag-aral. Gayunpaman, hindi basta maisasangtabi ang mga punang natanggap tungkol sa ‘kalaliman’ di-umano ng mga pangungusap. Nararapat na marahil ibigay ang aming matwid sa paglalabas ng MATANGLAWIN. 

Layunin ng MATANGLAWIN na palaganapin ang mainam na Pilipino sa Pamantasan. Nauunawaan namin kung bakit hirap maunawaan ng nakararami ang ilan sa mga kataga sapagkat totoong buhat sila bahagi ng lipunang malakas ang kapit sa kultura ng Kanluran—sa tiyakang pagsabi, sa Estados Unidos. Bunga nito, hindi maiiwasang hindi malito sila pagdating sa wika. Sa kanilang pananagalog, hindi maiiwasang hindi pumasok ang maraming salitang ingles kung kaya nagkakaroon tayo ng mga katuwa-tuwang pangungusap tulad ng: “we should tulong the masa dahil they are napaka-poor.” Mainam ito sa pang-araw-araw na pag-uusap ngunit hindi—at binibigyan diin ang hindi—hindi sa panulat. Bakit kung gayon, hindi kami gumamit ng mga salitang pangkaraniwan at palasak, iyong mauunawaan ng lahat?

Kung layunin naming imulat ang marami sa kagandahan at kakaliman ng ating wika, hinihingi na halungkatin namin ang kasuluksulukan ng aming utak upang lubusan naming maipakilala sa kamag-aral ang ganda at halaga ng Pilipino. Inaakala at inaasam namin na kung may sapat na pagmamahal ang babasa sa sariling dila, hindi siya maiinis bagkus mahihikayat pang namnaming mabuti ang binabasa. 

Gayunpaman, humihingi kami ng paumanhin sa mambabasa sapagkat hhindi namin lubusang nasukat ang kakayahan nila sa Pilipino. Kami na ang nagkamali rito. Saglit naming nakalimutan na nasa mambabasa nakasalalay ang ikabubuhay ng lathalain. Masakit ang pagsisising ito dahil kung ingles ang aming ginamit at pinalalim namin ito ng husto, tiyak na wala kaming tatanggaping anumang reklamo. Baka kamo purihin pa kami at malay mo? Bigyan ng medalya?

O, mga kalahi namin! Huwag naman sanang maging malupit masyado sa ating sariling wika! Matagal na itong inapi at nililiit sa mismo nating bayan! Pilitin naman nating mahalin ito kahit kaunti! Huwag mandiri sa ‘malalim’ na pananagalog, bagkus, pag-aralan ito! Wala nang kaawaawa pa sa taong kumakapit sa wikang hindi kanya—parang tao itong pinagnakawan ng kaliluwa! Wala nang kaawaawa pa sa isang Pilipino—pandak, sarat ang ilong, maitim pa sa ulng ang kutis at buhok—ngunit panay and dale ng slang, mga gee whiz!, mga Jeezes Christ!, mga pilit na American accent…Mahabaging langit! Sa gulang ba nating ito ay magpapanggap pa tayo? Lumalaki ba tayong paurong?

Subalit nangangapa lang ang MATANGLAWIN. Kung kaya, tulad ng kapita-pitagan nating GUIDON, pagbibigyan na namin ang hinihingi ng mambabasa—ngunit may hangganan ang pagbibigay na ito. Responsable na marahil ang marami sa atin upang makita na pagtakwil na sa layunin ang labis na pagbibigay ng katamaran. 

IBa pang artikulo