Ang Hamon sa Pagtayo

Matalastas
NI
NINA
Jean Mangaluz
AT

Kahit saan ka man mapunta sa Maynila, hindi maiiwasang makakita ng kung anu-anomang gawain sa kalye. Ramdam ito sa pagtagal ng biyahe dahil sa pagsara ng mga daanan. Sa pagtayo ng mga nagtataginting na mga gusali at naglalakihang mga imprastraktura dahil sa proyektong  “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte, hindi matitigilan ang sarili na mapatingin sa mga sirang mga kalye na nadadaanan at mga kanal na binungkal para ayusin na kahit kailan man ay hindi naaayos. Kung nakakayanan ang ganito kalalaking mga inisyatibo, bakit naiiwanang nakatengga ang mga simpleng proyekto?

Hindi maitatangging napakaraming hirap at panahon ang binubuhos sa paggawa at pagplano sa isang siyudad. Pero mahalagang tingnan at alamin ang mga taong nasa likod ng pagpapalago ng mga imprastraktura upang maintindihan ang mga paghahamon sa paglago nito. Ayon sa officer-in-charge ng City Planning and Development Office ng lungsod ng Quezon na si Arch. Pedro Perlas Rodriguez Jr., ang pagplano ng sistema ng mga kalye at zoning ang ilan sa kanilang mga layunin. Kailangan din nilang gumawa ng mga plano na makatutulong ibsan ang mga likas na puwersa katulad ng mga bagyo at lindol. Ayon sa kanya ang isang urban planner ay kinakailangan maging “jack-of-all-trades”, katulad ng environmentalist, abogado, aktibista, at maging isang politiko, dahil sa iba’t ibang mga paghahamong kinahahrap.

Tinatawag ni Arch. Rodriguez na “hub” ng pangmalawakang proyekto ang lungsod ng Quezon. Inilahad niya na marami pang malaking mga proyekto ang pambansang pamahalaan dito dahil sa “Build, Build, Build”, kasama na ang isang Skyway na ipagdidikit ang Balintawak sa Manila International Airport, isang subway mula sa Mindanao Avenue hanggang Taguig.

Kasama rin sa kanilang mga responsibilidad ang paghahanap ng lupa upang magpatayo ng mga daycare center, barangay halls, pampublikong paaralan at iba pa. Hindi na bago na kinakailangan nilang makipag-ugnayan sa pamahalaan ng Pilipinas. Binigay ni Arch. Rodriguez ang K-12 bilang isang halimbawa. Mahigit kumulang na 60,000 ang mga estudyanteng kailangang gawan ng mga bagong gusali. Ayon sa kanya, nagkakaroon ng mga kaso kung saan minamadali ang proyekto noon kaya nagiging pangit ang kondisyon ng gusali o daan.

May malaking bahagi ang mga politiko sa mga ganitong proyekto. Kasama ang alkalde at bise alkalde ng lungsod ng Quezon sa City Development Council na nagpaplano ng mga gagawing proyekto. Bagama’t aminado si Arch. Rodriguez na maaaring wala silang karanasan sa urban planning at development, kasama nila sa pagplano ang mga enhinyero at mga negosyante. Pero hindi pa rin nakakaiba kung may nakabalandra na mukha ng mga politiko sa iba’t ibang proyekto. Sabi ni Arch. Rodriguez na mabuti ito upang malaman kung sinong mananagot kung hindi matatapos ang mga proyekto. Ayon sa kanya, dagdag din ito sa kanilang “pogi points”.

Isa sa mga nagiging hadlang sa proyekto ay ang kawalan ng regulasyon sa pagtatayo ng mga pribadong gusali. Ayon kay Arch. Rodriguez, walang limitasyon sa kung gaano kalaki ang mga lupaing maaaring ariin ng mga kompanya katulad ng SM, Robinson’s at Ayala. Mayroong mga pribadong organisasyon katulad ng homeowner’s subdivision na nagiging hadlang sa ilang proyekto ng  City Development Council. Kinuwento ni Arch. Rodriguez na mayroong mga panahon na kinakailangang magbukas ng daanan sa teritoryo nila upang maibsa ang daloy ng trapiko ngunit hindi pumapayag ang mga pribadong homeowners.

Malaking hamon din sa urban planning ay ang politikang partisano, kung saan hindi nakakagawa ng pangmatagalang mga proyekto dahil madalas ay ayaw ibigay sa ibang administrasyon ang pagkilala ng mga matatagumpay na proyekto upang maipakita sa mga tao na sa kanila lang ang proyektong mga iyon. Kaya sabi rin ni Arch. Rodriguez na hindi na nakagugulat ang pangunghuha ng pagkilala ng isang lider mula sa isa pa. Kaya ang paghihirap ng lokal na pamahalaan na gumawa ng sarili nilang mga proyekto ay marahil hindi lumalampas sa isang termino ang paggawa ng proyekto.

Kadalasan ding nagmumula sa pagtugon ang mga proyekto nila imbis na sa pagsasagawa ng mas matagal na gawain. Ayon kay Arch. Rodriguez, nanggagaling din sa publiko ang apila sa mga ganitong inisyatibo at mayroong sinusundan na pangmatagalan na mga plano na gawa ng City Development Council.

Ayon kay Transport Consulting Team Leader na si John Mark Lucas, dahil lalong dumadami ang mga tao sa lungsod sa bawat bansa, palayo sa probinsiya at malamang sa malamang, lalong sisikip at lalong lalala ang trapik. Ang kailangan dito, ayon sa pinuno ng Pasig Transport na si Robert Siy III, ay dapat bigyan ng prayoridad ang pagpapagalaw ng tao, hindi ang mga sasakyan upang maibsan ang trapiko at kasikipan. Masyadong malaking bahagi ng paghahanap ng solusyon sa trapik ang nakasalalay sa pagpapagalaw ng kotse, hindi sa mga tao.

Ngunit hindi lamang sa kalsada nagiging masikip at ma-trapik. Kailangan din ng mga tao ng mga pampublikong institusyon katulad ng mga palengke, paaralan, ospital at barangay hall. Ayon kay Arch. Rodriguez, nais nilang gawin ito ngunit kulang ang pera para dito, kaya nakasalalay din ito sa ibibigay na pondo sa kanila. Kaya kung sa mga daanan pa lang hirap na ang gobyerno sa pag-aayos, paano pa kaya sa pagpapatayo sa malalaking mga gusali?

Malawak ang epekto ng pamamaraan ng pagplano sa imprastraktura at hindi matatanggi na lahat ng tao ay apektado nito. Ayon kay Lucas, mahirap man ang kinakaharap ng urban planning, hindi imposible na maibsan ito. Kailangan daw natin ng pagplano na tumutugon sa lokal na problema at sa mga panibagong mga paraan ng kalakaran sa ibang bansa.

Higit pa sa mainam na pagplano, kailangan maging diretso at tapat ang mga lider sa kanilang parte sa urban planning at development. Ayon kay Arch. Rodriguez, hindi na talaga matatanggal ang pamomolitika sa urban planning. Ang inisyatibong kanilang tinataguyod ay imposibleng walang ikinakaugnay sa politika dahil ang pagpapatayo ng mga gusali at pagsasagawa ng mga kalsada ay isang bagay kung saan apektado ang lahat ng mga tao. Ang masama rito ay ang pangunguna ng sariling karera. Sabi ni Sy, kailangan ng pamumuno na sumasang-ayon sa pampublikong interes. Kaya inilahad niya ang ideya ng isang isahang plano kung saan ipagsasama-sama ang bawat inisyatibo at proyektong nasimulan ng bawat administrasyon. Sa gayun ay malalaman kung sino talaga ang gumawa ng isang proyekto at hindi lamang nakikiepal, at hindi lang nakasalalay ang mukha ng proyekto sa mga komento sa social media.

Maraming mga hadlang sa maayos na pagplano. Sinusubukang gumawa ng mga istrukturang makatutulong sa paraan ng pamumuhay ng mga tao. Gayumpaman, kailangang makahanap ng paraan upang mapadali ang pamumuhay ng mga taong naaabala sa malalaking mga proyekto ng pamahalaang pambansa. Hindi na pahihintulutan ang malalakas na kapangyarihan ng pribadong sektor na tumutugon sa pangangailangan ng mga tao, hindi lang sa kasalukuyan kung hindi pati na rin sa kinabukasan.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo