Ang Panig ng Batas: Proteksyon sa Nang-Abuso o Naabuso?

Mata Online
NI
NINA
Eala Nolasco
AT
Kevin Castro
Enero 2020

Nagsibulan ang panawagan ng mga estudyante at iilang miyembro ng faculty ng Ateneo ukol sa mga kasong sexual harassment noong Oktubre 15, 2019. Umusbong ang protesta laban sa sexual harassment mula sa paglabas ng mga kwento ng mga diumanong biktima ng akusadong nang-abuso na mga propesor mula sa kagawaran ng Pilosopiya at Ingles. Ang demanda ng protesta ay transparency sa mga detalye ng mga akusado at progreso ng paglilitis ng kaso.

Sa sumunod na araw ng protesta lumabas ang tugon ng administrasyon. Ayon sa University Statement, bagaman hindi kinukundena ng Unibersidad ang sexual harassment, hindi maaring ilabas ang mga detalye dahil sa Data Privacy Act. Dagdag pa, giit ng administrasyon, may mga patakaran nang nakalahad na sumusunod sa Safe Spaces Act, para siguraduhin ang proteksyon ng mga indibidwal sa komunidad ng Ateneo laban sa sexual harassment.

Ngunit hindi nakuntento ang mga nagprotesta, kaya't tatlong araw makalipas ng unang protesta, nasundan ito ng Silent Protest noong Oktubre 18, 2019. Nanatili ang panawagan at mga hinihingi ng mga nagprotesta mula sa administrasyon, at nanatiling pareho rin ang argumento ng administrasyon hinggil sa demanda nila. Sa kabila ng pag-uulit ng protesta laban sa sexual harassment, na diumanong nagiging isang siklo sa Unibersidad, sang-ayon si Patty Arroyo, legal counsel ng Ateneo, na may kakulangan sa Anti-Sexual Harassment Policy ng Ateneo.

May kakulangan o wala, mainam magkaroon ng kamalayan ang buong komunidad sa mga polisiyang nakasaad sa Anti-Sexual Harassment Policy ng Ateneo, at ang dalawang argumento ng Unibersidad laban sa demanda ng dalawang sunod na protesta.

Data Privacy Act

Dalawa ang pangunahing responsibilidad na tinutugunan ng Data Privacy Act (DPA): proteksyon sa impormasyon ng suheto, at pagsisigurado ng responsableng daluyan ng impormasyon.

Sa Ateneo, saklaw ng DPA ang mga estudyante, alumni, empleyado, at miyembro ng faculty. Mahalagang idiin na may mga panutong dapat sundin ng DPA hinggil sa transaksyon na sangkot ang palitan ng impormasyon tungkol sa mga tao na saklaw ng DPA sa Ateneo.

Ang mga panutong ito ay ang sumusunod: Respect for the rights of data subjects; Transparency; Accountability; Limited Use, at Security. Pinahahalagahan ng DPA na hindi basta-bastang mapamimigay ang impormasyon ng isang tao nang walang lehitimong basehan.

Kung gayon, ang demanda ng mga nagprotesta na makuha ang detalye ng paglilitis ng kaso at prosesong dinaanan ng mga binansagang harassers noong Oktubre 15 na protesta, bagaman para sa diumanong accountability at pagtanggi sa kultura ng pananahimik, ay hindi angkop na matutugunan dahil sa pangingibabaw ng pagbibigay proteksyon sa impormasyon ng indibidwal ayon sa DPA.

Safe Spaces Act RA 1131

Ayon sa Safe Spaces Act, ang mga Unibersidad na saklaw nito ay may responsibilidad na tugunan ang kahit anong insidente ng sekswal na pang-aabuso sa tao. Nakasaad sa batas, "If a school knows or reasonably should know about acts of gender-based sexual harassment being committed that creates a hostile environment, the school must take immediate action to eliminate the same acts, prevent their recurrence, and address their effects.”

Ngunit malabo ang mga ispesipikong detalye ukol sa responsibilidad ng mga Unibersidad na saklaw nito. Nakasaad na ang Unibersidad ang magsisimula ng imbestisgasyon at magpapatuloy ng mga aksyon na maniniguradong hindi mauulit ang pangyayari, pero ang proseso mismo ay hindi nakalahad.

Dahil dito, inaanyayahan ang Sanggunian ng Paaralang Ateneo na magkaroon ng pagbabago ng istruktura ng Committee on Decorum and Investigation sa mga kaso ng Sexual Harassment dahil nakadepende pa rin ito sa Safe Spaces Act.

Anti-sexual Harassment Policy ng Ateneo: Para Kanino?

Sakop ng Anti-Sexual Harassment Policy ng Ateneo ang pagbibigay proteksyon sa mga empleyado, estudyante at mga kasapi sa Ateneo. Dito nakalahad ang mga pagkakataong maituturing na sakop ng depinisyon ng sexual harassment. Dito rin matatagpuan ang mga proseso sa paglilitis ng mga kasong sexual harassment.

Sa pagkakataong may akusasyon ng sexual harassment, mamumuno ang Committee on Decorum and Investigation (CODI) na responsibilidad ng presidente ng Unibersidad na pangunahan. Mabubuo ang CODI ng mga kinatawan mula sa iba't ibang sektor ng Unibersidad. Mula rito nakasaad na CODI rin mismo ang may responsibilidad sa paglilitis ng mga kaso at pagsasagawa ng imbestigasyon. Ngunit lahat ng mga daing ukol sa sexual harassment  ay ipadadala sa Office of Human Resource Management and Organization Development (OHRMOD) Director.

Bagaman ang OHRMOD ang susuri ng kaso, ang talaban ng ORHMOD, Presidente, at Bise Presidente ang nakatakda na gagawa ng mga rekomendasyon ng parusang ipapataw sa akusado kung mapatunayang nagkasala ito. Ngunit ang pinal na desisyon ay nakasalalay sa Presidente ng Unibersidad.

Matatagpuan sa Anti-Sexual Harassment Policy ng Ateneo ang mga malawakang gabay kung sino ang mamumuno sa proseso, ngunit kung ano mismo ang proseso ay hindi nakalahad. At kung mayroong may gustong malaman ang nangyayari sa imbetstigasyon o paglilitis ng kaso, nakasaad sa seksiyong 5.12 na mahigpit na ipinagbabawal ang paglalabas ng impormasyon patungkol sa mga kasangkot na tao.

Ang pagbibigay proteksyon sa impormasyon ng indibidwal ay nasaad nang pauna rin sa seksiyong 3.5 ng polisiya, "[A]ll concerned parties are required to ensure the confidentiality of the issue and all matters related to the incident and guarantee the utmost respect for individual privacy."

Kung gayon, bagaman maraming nananawagan para sa transparency, may mga aspeto sa polisiya ng Ateneo at sa batas ng Pilipinas na pumipigil sa pagkakamit nito. Ngunit hindi rito nagtatapos ang diskusyon. Hindi natatapos ang protesta para sa katarungan sa iilang seksiyon ng batas na nagsisilbing hadlang upang alamin ang proseso, ngunit kung proteksyon nga sa indibidwal ang pinahahalagahan ng DPA, hindi kaya't katarungan din mismo ang tinutugunan nito?

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo