Ang Teatro sa Politika

Matalastas
NI
NINA
Jean Mangaluz
AT

“Lights, kamera, aksyon!” ang sigaw ng direktor sa isang set ng pelikula. Ang proseso ng paglikha ng isang pelikula o teleserye ay mahaba at nangangailangan ng malikhaing mata upang makapagpasaya at makapagpaaliw sa mga manonood at madalas naman, nagtatagumpay sila dito. Dahil sa katanyagan ng mga pelikula at teleserye sa buhay natin, nasasanay tayo sa mga iba’t-ibang makikinis at mapuputing mga tagapagganap. Napapamahal na sa atin ang mga nakikitang mukha sa telebisyon o sinehan. Kung may promotion naman ang artista na yun para sa bago nilang proyekto, todo naman ang pagtangkilik natin sa kanila. Paano naman kung isang araw, makikita mo na lang na nakabalandara ang mukha nila sa labas kung saan-saan, ngunit hindi na proyekto ang gusto nilang tangkilikin natin, kung hindi ang pagtakbo na nila sa gobyerno?

Hindi na bago para sa mga Pilipino ang makita ang paborito nilang artistang tumatakbo sa politika. Kung dati mapapanood mong lumilipad sa langit na nakasuot ng brief sa labas ng pantalon yung paborito mong aktor pagkatapos, sa susunod na araw nakabalandara nalang sa kung saan-saan ang mukha niya na may kasamang kung anu-anong pangakong pagbabago. Ngunit kaya ba talaga niyang iligtas ang bayan katulad ng mga bidang ginagampanan niya? Para sa iba, halata naman na ang sagot ay hindi at halos mamuti na yung mata natin sa pag-irap sa mga patuloy na bumoboto sa mga taong ganito. Ngunit patuloy silang  naluluklok sa posisyon ng kapangyarihan.

Lahat sila may sari-sariling gimik. Si Erap ay nagpulot ng basura na tinapon ng kanyang staff sa Manila Bay para makapagpapogi siya sa litrato. Si Bong Revilla ay kumembot kasama ang numero 16 sa mga komersyal niya nang tumatakbo siyang senador. Si Isko naman ay  nagagalit sa kung ano man ang nagpapapanget o nagpapadumi sa Maynila habang sumusunod sa kanya ang kamera. Lahat sila ay may pinaglalaruang emosyon mula sa mga tao at alam nila kung paano tutugon ang midya sa kanilang mga gimik. Nakasasawa pero maraming iba’t ibang dahilan kung bakit patuloy itong nangyayari.

Sa isang ideyal na bansa, dapat inaaral ng mga tao ang mga pipiliin nilang kandidato, para sa gayon mahahalal na nila ang mga pinakamagaling na mga politiko. Wala sana tayong Tito Sotto na hindi naniniwala sa Konstitusyon ng Pilipinas, o Manny Pacquiao na hindi na nga pumupunta sa trabaho bilang senador. Pero wala tayo rito para manirang-puri ng tao. Kailangan alalahanin na ang problemang ito ay hihigit pa sa paghahalal sa mga artista. Bakit nga ba patuloy na binoboto ang mga artistang ito?

Maaaring sabihin na binoboto sila kasi napapasaya nila ang masa. Noong naging viral ang video ng dalawang babae na sinabing iboboto nila si Bong Revilla kasi “guwapo at mabait” daw siya, matindi ang mga reaksyon ng mga tao.

“Anong klaseng pagpapaliwanag iyon?! Wala na bang kwenta ang pananaliksik sa mga iboboto?! Kamangmangan nalang ba ang alam ng mga Filipino?” Kadalasan nating galit na tinatanong. Pero sa totoo lang, ang ganitong reaksyon natin sa mga taong tumatangkilik sa mga artistang opisyal ay isang bahagi lamang ng kung bakit patuloy na itinatataguyod ang mga katulad nila Erap at Revilla.

Nakahahanap ng saya at ginhawa ang mga tao sa mga pelikula. Saya at ginhawa na kailanman hindi nila nakuha sa mga institusyong nangakong ibibigay ito sa kanila. Saya at ginhawang hindi nila natatanggap sa kanilang kapwa. Kahit naman ang mga edukadong abogado at mga nakapag-tapos ng kolehiyo sa gobyerno, hindi nakapaghandog ng saklolo sa kanilang kahirapan sa buhay. Sa mga panandaliang maaari  silang turuan ng kanilang kapwa, pinapahiya sila at pinagmumukhang mangmang, kaya hindi na naitama ang maling akala, mas lalo pang naging desedido ang mga taong ito sa kanilang pagpili sa artistang kandidatong ito. Mahirap pigilan ang sarili na magalit . Ngunit sa pag-aaway sa mga taong ito, lalong napapalayo ang loob nila sa atin, at mas lalong magiging mahirap na kausapin sila ng matino. Agad-agad nating pinapa-awas ang mga taong kailangan nating kausapin. Nakalilimutan natin na iba-iba ang mga sitwasyong  kinakaharap ng ating mga kapwa at nakalilimutan din natin ang kasaysayan at mga pangyayari sa bansa na gumawa ng ganitong kondisyon.

Mahalagang alalahanin na maliban sa yaman, uri rin ng kapangyarihan ang kasikatan. Dala ng kasikatan ang perang kinakailangan ng kandidato upang makatakbo. Higit pa rito, ang kasikatan nila mula sa kanilang mga pelikula ay ang naghahatid ng mukha at pangalan nila sa lahat ng bahagi ng bansa, kahit sa mga maliblib at malayo, sa  mga lugar na hindi na rin naaabutan ng ibang mga politiko. Pinipili ng mga taong manood ng pelikula at teleserye, hindi nila piniling makakita ng mga kung sinu-sinong mukha sa kalyeng nilalakaran nila. Mahalaga ito dahil pagdating sa balota, malamang sa malamang, pipiliin ng mga tao ang kandidatong maalala nila. Huwag din nating kalimutan na ang pangangampanya ay isa ring palabas at hindi lang mga artista ang mga nag-iinarte. Kailangan ring harapin ng mga  kandidato ang kanilang pinakamabuting mukha. Nagkataon lang na mas mahusay ang mga artista sa pagpapaniwala sa mga tao.

Dagdag pa dito ang pagkasanay natin sa tinatawag na personality politics. Hindi na pinapahalagahan kung anong partido yung tao o kung ano yung plataporma nila, basta kilala mo kung sino siya. Isang dahilan kung bakit patuloy na ganito ang ugali nating Pilipino ay ang napakataas na pagpapahalaga sa mga relasyon natin. Mas gusto natin sa kilala natin kasi bakit mo naman papaniwalaan ang isang taong hindi mo kilala o maalala? Dagdag dito, mayroon din tayong konsepto ng utang na loob. Kaya naman tuwing binibigyanng kung anumang tulong o tuwing may ipinapatupad na anumang programa, nakabalandra ang pangalan ng politiko kahit mula naman ang tulong na ito sa kaban ng bayan.  Nilalagay nila ang pangalan nila upang ipaalala  sa mga tao na mayroon silang nagawa para sa kanila kahit kasama naman talaga dapat iyon sa trabaho nila. Mas tumatatak ito kapag artista yung pangalan at mukhang nakikita nila. Dahil nakapabigay sila ng saya at naging bahagi sila sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, naramdaman tuloy ng ilang botante na mayroon silang utang na loob sa mga ito sapagkatandoon ang mga artistang iyon sa mga bagay na nakapagpasaya sa kanila dati.

Gusto ko ring magdagdag na kahit kailan ay hindi naman talaga nakikita ng mga Pilipino ang negatibong epekto  g pagboto sa mga artista dahil sa kasanayan sa mahirap na buhay. Hindi naman sa hindi kaya ng mga Pilipino na mawari kung sino ang tamang iboboto. Kahit sino naman kasi ang ihalal nila dati, abogado man o artista, walang pagbabagong dumating sa komunidad. Walang halaga kung sino ang nakaupo. Hirap parin ang mga magsasaka sa kanilang lupa at pananim, wala paring benepisyo ang mga manggagawang kontraktwal, naghahanap pa rin ang mga magulang ng mauutangan para sa pagkain ng mga anak nila. Patuloy pa rin ang daloy ng buhay at sa pagkakaalam ng mga tao, mahirap talaga ito.

Maraming mga Pilipino ang ipinanganak sa kahirapan at korupsyon, at namatay sa kahirapan at korupsyon. Hindi malabong isipin na yung mga bidang napapanood nilang nakapagliligtas sa bayan  ay magliligtas rin sa kanila mula sa kahirapan. Pamilyar sila sa mga artista na nagpasaya sa kanila. Iba’t iba ang mga dahilan kung bakit nagkaroon ng  ganitong pag-iisip. Kailangan nating makaukit ng espasyo kung saan manggagaling ang isang produktibong diskurso na maiintindihan ng lahat dahil hindi natin maaasahan na ang makapangyarihan lang ang kikilos at gagawin ang kinakailangan upang matugunan ang mga problemang ito.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari. Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo