Aplikante para SOSS Rep., diskwalipikado dahil sa typo

Matalita
SULAt NINA
Lance Arevada
SINING NINA

Hindi na pinayagang tumakbo ng Ateneo Commission on Elections (COMELEC) ang isang aplikante para sa posisyon ng SOSS Representative sa 2024 Sanggunian Elections dahil sa naging typographical error nito na nagresulta sa hindi pagpasa ng kanyang aplikasyon.

Ibinahagi ni Vinzen Josh Borja, kasalukuyang Course Representative ng 2 AB EC, sa isang Facebook post nitong ika-24 ng Pebrero na isang "honest mistake" ang nangyaring typo kung saan ang dapat sanang "comelec.ls@obf.ateneo.edu" sa email ng COMELEC na kanyang pinagpasahan ay naging "Is.@obf.ateneo.edu" (malaking titik na i).

"I have submitted all of it with the knowledge that it pushed through because Gmail did not immediately give any error messages," paliwanag niya, kung saan sinabi niyang nagpasa siya sa ganap na ika-10 ng gabi noong araw ng pasahan nitong ika-15 ng Pebrero.

Dahil sa nangyari, wala nang kalaban ang nag-iisang kandidato na si Mari Macasaet, opisyal mula sa SOSS Sanggunian, para sa posisyon ng SOSS Representative.

Nalaman na lamang daw niya na diskwalipikado siya noong sinabihan siya ng kanyang mga kaibigan na hindi siya kasama sa paunang listahan na inilabas ng COMELEC. 

Kaagad na umapela si Borja sa opisina para magpaliwanag sa nangyari, kung saan nagpasa siya ng mga dokumentong nagpapatunay na nakasunod siya sa mga itinakdang patakaran at palugit para sa halalan.

"They did not reply to me and I asked if I can appeal formally and officially to provide a full explanation on email but I was dismissed countless times with no response on this," giit pa niya.

Nitong mga nakaraang araw, ibinahagi niya na kalauna'y pinagbigyan siya na umapela sa Messenger at nagmungkahi pa siyang bigyan siya ng karampatang parusa sa nangyari. 

Gayunpaman, hindi pa rin pinayagan si Borja na makahabol ng COMELEC.

"I can’t describe how disheartening it is that they can disqualify anyone from this race over such a simple technicality when I have prepared for months for this already and have even hinted at them countless times that I was running already," sabi niya.

Dagdag pa niya: "Ateneans deserve so much more and it is truly disappointing and saddening that it has come to this—I wonder how else Ateneans could call this elections free and fair if the only candidate remaining in the race would realistically win by default?"

‘Malinaw na hindi nagpasa’ 

Sa kabilang banda, ipinaliwanag ng Ateneo COMELEC na hindi na nila tinanggap ang apela ni Borja bilang pagkilala sa mga kandidatong sumunod sa kanilang patayguhit, at magiging kawalan ng respeto sa kanila kung hindi nila ipatutupad ang kanilang itinakda.

“The decision to reject his appeal, in both instances, was made out of respect to the candidates who managed to submit their forms on time or earlier, who did their due diligence to prove that they are willing to serve and be of service to the Atenean body. It was our way of being considerate to the 45 candidates, all of whom filed on time with the correct email,” pahayag nila sa Matanglawin.

Iginiit pa ng Ateneo COMELEC na pinahaba nila ang kanilang patayguhit sa pagtanggap ng mga aplikasyon hanggang ika-15 sa halip na maging ika-10 ng Pebrero, at naghintay sila hanggang sa ika-11:59 ng gabi para sa mga magpapasa pa. 

“The fact of the matter is that the COMELEC never received Mr. Borja’s paperwork. That up until 11:59 and into the night, when the last minute applications were being processed manually by the Chief Commissioner, no such forms manifested in the emails,” sabi nila.

Bagaman kinikilala nila ang teknolohikal na pagkakamali sa nangyari, sinabi ng opisina na malinaw na hindi pa rin nagpasa si Borja sa kanilang itinakdang palugit hanggang sa kahuli-hulihang minuto at dapat sana’y tiningnan niya kung may natanggap siyang kumpirmasyon mula sa kanila.

“Borja’s trust on his devices failed him at a time when he needed it most. But this does not change the fact that he could’ve had the due diligence to check his emails for a confirmatory email from the Commission, or even a response asking him to refine certain aspects of his forms,” giit pa nila.

Dagdag ng COMELEC: “Both would’ve been immediately extended to him should the paperwork have gone through, but because it didn’t, it had fallen through.”

Idinetalye rin ng opisina ang pag-apela ni Borja sa naganap, kung saan sinabi nilang impormal na lumapit ang aplikante sa Chief Commissioner na si Roanne Pepito sa pamamagitan ng private message, at pinagbigyan nila ito para sa imbestigasyon. Nang hindi ito natuwa sa kanilang desisyon, nagpadala pa raw ito ng pormal na apela sa email ng COMELEC.

“It is not COMELEC’s protocol to reconsider appeals, as the laws dictate it must go straight to the Court, and yet the Board of Commissioners extended him the kindness and consideration of a second appeal process,” sabi nila.

Sa huli, ipinaliwanag ng COMELEC na nilinaw nila kay Borja na bukas ang kanilang panig sa ibinaba nilang desisyon at maaari pa siyang tumungo sa Ateneo Student Judicial Court upang humatol sa kanyang kaso.

“We wish the best for Mr. Borja as he seeks to find new ways to serve the student body. He is always welcome to run again should he find interest in doing so, but we are confident that he will still find some other way to be of service to his fellow Ateneans in the coming years,” dagdag ng opisina.

IBa pang artikulo