Biglaang Pilot Run ng Early Enlistment, Nagdulot ng Kalituhan sa mga Mag-aaral

Matalita
NI
NINA
AT
Nobyembre 21, 2023

Umani ng kalituhan at higit pang katanungan mula sa mga estudyante ang biglaang anunsyo ng Office of the Registrar na ipatutupad ang maagang enlistment para sa Ikalawang Semestre simula bukas, Nobyembre 22, hanggang sa Nobyembre 30.

Ayon kay Dr. Marlene de Leon, mula sa University Registrar, mas pinaaga ang iskedyul para mas mabigyan ng oras ang mga mag-aaral sa proseso ng enlistment at mabigyan ng pagkakataon ang mga departamento na ayusin ang kanilang mga slot bago ang nakatakdang pagpaparehistro sa Enero.

Isa sa mga bagong patakaran na susubukan ay ang pagtatanggal sa batch system sa enlistment, kung saan gagawing isahan na lamang ang proseso sa bawat antas.

Gayunpaman, nagdulot ng biglaang pangamba at pagkalito sa mga estudyante ang bagong polisiyang ito lalo pa't nalalapit na ang nakatakdang finals season para sa kasalukuyang semestre.

Giit nila, mas inagahan dapat ang pag-aanunsyo nito dahil papaano nga naman daw makakapaghanda kung ipinalabas ang abiso dalawang araw bago ang iskedyul.

"There's so much confusion going around, people are literally in the middle of finals preparations and the last thing we need to worry about is enlisting for second semester on a Wednesday in the middle of November," saad ni Shawn Tongson, isang senior, sa comments section ng RegCom's Helpdesk.

Humingi naman ng pang-unawa si De Leon sa inilabas na e-mail, kung saan pinunto niyang opsyonal lamang ang enlistment bukas at inaasahan nilang makakabuo ng ibang pananaw ang komunidad sa pagsasagawa ng enlistment.

"Whether we open enlistment on Wednesday or next week won’t make much of a difference in terms of the competition towards securing slots from your preferred classes. There will always be no guarantee that you will get all the classes that you want," paliwanag niya.

Maaaring mabasa ang kabuuang iskedyul ng enlistment at mga kaukulang proseso sa link na ito: bit.ly/EarlyEnlistmentRegDocs2-2324

IBa pang artikulo