Dagdag Budget Sa Militar, Bawas Budget Sa Mag-aaral

Mata Online
NI
NINA
Patrick Jules Balais
AT
Disyembre 1, 2022

  Ang edukasyon ay isang karapatan. Hindi na bago sa ating mga kabataang Pilipino ang tila walang humpay na hamon na kinahaharap natin bilang mga mag-aaral sa pang-araw-araw. Minsan ka na rin bang tahasang nakipaglaban upang matamasa lamang ang iyong karapatan sa edukasyon? May pagkakataon na ba kung saan ang iyong pag-aaral ay lubhang naapektuhan dahil kapos sa de-kalidad na serbisyo at pasilidad ang iyong paaralan? May naging karanasan ka na ba sa ilalim ng mga polisiyang “No Permit, No Exam” at “No Late Payment” na nagdulot ng iyong sapilitang pagliban sa isang pagsusulit o mahalagang seremonya? Naranasan mo rin bang pilitang huminto sa pag-aaral sa kadahilanang masyadong mataas ang matrikula at iba pang bayarin at kakailanganin sa paaralan? 

         Ang reyalidad na ito ng bawat Pilipinong mag-aaral ang nagpapatunay na malayo pa ang babatahin patungo sa de-kalidad at accessible na edukasyon ng bansa para sa lahat. Nananatiling kritikal ang pambansang kalagayan ng edukasyon kaya’t sa gayon, krusyal ang pagkakaroon ng mga polisiyang angkop sa interes ng mga kabataang mag-aaral—nangunguna na rito ang pangangailangan ng karagdagang pondo para sa sektor. 

Sa kabila nito, iminungkahi sa kongreso ang pagbabawas ng badyet sa 114 State Universities at Colleges o SUCs ng bansa para sa taong 2023. Makikita sa House Resolution 403 na mula sa P103.97 bilyon nang nakaraang taon ay naging P93.08 bilyon na lamang ang panukalang badyet para sa sektor. Hindi alintana na malaki ang bantang peligrong dulot ng mahigit P10 bilyong budget cut sa SUCs lalo’t nahaharap pa ang mga kolehiyo at pamantasan sa pagbabagong dala ng muling pagbabalik ng face-to-face setup ngayong taon. Sa likod nitong SUCs budget cut ay makikita rin ang mukha ng limpak-limpak na pondong ipinapanukala sa militaristikong mandatoryong ROTC. Kung ang gobyerno ay walang dudang naglunsad ng mahigit P38 bilyong badyet sa Mandatory ROTC, lantad ang diskoneksyon ng pamahalaan sa krisis sa edukasyon; mahihinuha na ang kanilang prayoridad ay tungo sa militarisasyon at hindi para sa edukasyon. Sa pagkakataong ito na walang pakundangan pang nagmungkahi ang administrasyon ng pagbabawas ng badyet sa edukasyon, anong madilim na hinaharap na lamang ang  tutunguhin ng sektor lalo na’t samu’t-saring krisis rin ang kinakaharap nito?

          Ang mga pampublikong paaralan at SUCs sa bansa ay nananatiling sadlak sa kakulangan ng mga pasilidad, tauhan, at basic services. Kapansin-pansin ang kakaposan nito sa mga silid-aralan, kaguruan, laboratoryo, equipments, healthcare facilities, atbp. Ayon kay Kabataan Partylist representative Raoul Manuel, bago pa man ipinanukala ang budget cut, salat na talaga ang badyet para sa  Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Sa kadahilanang ito ay hindi napauunlad ang mga kondisyon sa loob ng mga SUCs at hindi abot-kaya sa mayoryang masa ang libreng edukasyon mula sa Free Higher Education Act. Upang makapag-adjust sa budget cut, mapipilitang magbawas ng mga estudyante at enrollees ang mga pamantasan at kolehiyo. Ito’y nangangahulugan na sa kabila ng kakaunting Pilipino na nakatatamasa ng libreng edukasyon, mababawasan pa ang mga benepisyaryo nito. Ayon sa datos, 115 SUCs ang magbabawas ng pondo sa maintenance at operations, 83 ang magbababa ng alokasyon sa capital outlay, at 17 naman ang magbabawas ng pondo sa kanilang tauhan at empleyado.

        Marahil ay nakalilimot ang mga mambabatas na ang bansa ay nananatili pa rin sa gitna ng mapanghamong pandemya. Ngayong nanunumbalik ang mga mag-aaral at kaguruan sa loob ng silid-aralan, ang budget cut ay sumasalamin sa palpak na paglalatag ng ligtas na balik-eskwela. Kung ang mga akademikong institusyon ay salat sa pondo, walang kasiguraduhan na makatatanggap ang mga mag-aaral at guro ng ligtas na learning environment at accessible na serbisyong pangkalusugan sa loob ng kanilang paaralan. Gayundin, upang maging epektibo ang transition mula online patungong face-to-face setup at walang estudyante ang mapang-iiwanan, mahalaga na may pondo ang SUCs sa mga basic student services at technical support. Ayon sa House Bill no. 10398, may pangangailangan ng karagdagang pondo sa mga pangangailangang akademiko at kalusugan kagaya ng ventilation, mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan, student aids, hazard pay sa mga kaguruan at personnel, device at internet support, atbp. Ang kakulangan sa pondo ay makapaminsala sa mga programa ng SUCs na nakatuon sa makabagong hybrid setup at post-pandemic recovery.

           Ang pagbibigay prioridad sa Mandatory ROTC ay kapansin-pansin sa isinulong na SUCs budget cut sa kabila ng pagkakaroon ng krisis sa edukasyon. Ito ay nangangahulugan na ang kakulangan sa pasilidad at mapanganib na balik-eskwela ay hindi sapat upang makalampag ang mga namumunong may kapangyarihang magbigay reporma sa sistema. Sa halip na paglaanan ng sapat at karagdagang pondo ang karapatan ng mga mamamayan sa edukasyon, prayoridad ng administrasyon ang mga kawing ng korapsyon, pasismo, at militarisasyon. Bukod sa mahigit P38 bilyong panukalang badyet sa MROTC, makikita rin sa Cash-based at National Expenditure Program na isinumite ng administrasyong Marcos para sa taong 2023 ang pagdaragdag ng badyet sa mga militaristikong galamay ng estado tulad ng Department of National Defense (DND) at Philippine National Police (PNP). Higit pa rito, sinubok na ng nakaraan ang kawalang bisa ng MROTC sa mataas na antas ng paaralan ngunit nananatili pa rin itong episyenteng solusyon mula sa mga nasa itaas. Ang MROTC ay mapanganib sapagkat bumubuo ito ng kultura ng korapsyon at impunidad sa loob ng mga demokratikong paaralan na malaya ang pag-oorganisa at pamamahayag. Ang tanging nakikitang solusyon ng administrasyon sa paglutas ng mga krisis sa edukasyon ay gawing pugad ng pwersang militar ang mga paaralan sa halip na magsulong ng ligtas, de-kalidad, at abot-kayang edukasyon.

          Ang karapatan sa edukasyon ay tunay na malayo sa kamay ng mga mamamayan kung liban ang wastong alokasyon ng pondo at lehitimong suporta mula sa mga mambabatas at ehekutibo. Ang pagsulong ng militarisasyon bilang tugon sa mga kasalukuyang dagok ng edukasyon ay nangangahulugan na ang bansa ay nangangailangan ng pinuno na dalubhasa sa parehong larangan at sektor ng edukasyon. Ang mga kabataan ay walang humpay na tumutuligsa sa marahas na militarisasyon at nananawagan sa tunay na kalayaang pang-akademiko. At pangungunahan ito sa pamamagitan ng pagtatakda ng tiyak na ligtas na balik-eskwela, reporma tungo sa maka-agham at maka-Pilipinong edukasyon, at pagbibigay ng karagdagang pondo sa kabuuang sektor ng edukasyon.

IBa pang artikulo