Kalayaang Akademiko: Kamao ng Diskursong Progresibo

Mata Online
NI
NINA
Adam Torres
AT
Pebrero 15, 2021

Nanunumbalik ang anino ng nagdaang diktadurya sa lantarang dahas ng kasalukuyang administrasyon at dagdag pa sa kanilang listahan ng panunupil ang abrogasyon ng UP-DND Accord. Sa pagtugon ng pandemya, labis na nangingibabaw ang pangangamba ng estado sa lumalawak na oposisyon at pag-oorganisa ng mga mag-aaral. Kabilang dito ang mga polisiya na pinagbabantaan ang ating karapatang makilahok sa panlipunang diskurso tulad ng Anti-Terror Law. Dahil dito, tila walang pagkakaiba sa mata ng estado ang terorista sa mga mapanuring mamamayan na hinahangad lamang makaraos.


Nang dumating ang ika-18 araw ng Enero ibinatid ni Defense Secretary Lorenzana sa isang liham ang unilateral termination ng UP-DND Accord — ang kasunduang nagtitiyak sa akademikong kalayaan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Tila nagmamanhid ang hustisya ng estado sa lumulubhang giyera na isinasapit ng administrasyong Duterte. Handang-handa silang magpataw ng madaliang aksyon upang sugpuin ang mga rebolusyonaryong organisasyon na kanilang pinapalagay sa loob ng mga liberal na unibersidad kahit mariing naman itong kinundena ng mga pamantasan. Umaayon sa pahayag ni Lieutenant General Antonio Parlade Jr. ang akusadong pangangalap sa UP at kanilang inilinaw na alinsunod ang abrogasyon sa layuning tuligsain ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ang New People’s Army (NPA). Sa pangangatwiran ni Lorenzana, tumatayo bilang hadlang ang kasunduang ito sa kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at empleyado ng Unibersidad ngunit waring naliligaw ang ligal na basehan sa pagwakas ng kasunduan


Ano nga ba ang UP-DND Accord? 


Ang UP-DND Accord ng 1989 ay likha sa nakasisindak na tiranya ng Rehimeng Marcos. Lumipas ang tatlumpu’t dalawang taon, ang kasunduan sa pagitan ng UP, DND, at DILG ang naglatag ng ligtas na kanlungan sa diskursong demokratiko at tipan ng kamalayang umuunlad sa komunidad ng UP. Nang maipatupad ito, mariing na ipinagbawal ang paghihimasok ng puwersang estado sa loob ng institusyon nang walang paalam sa kinauukulang awtoridad. “Ang kasunduan ay palatandaan sa ebolusyon ng ating demokrasya at ang proteksyon sa akademikong kalayaan ng Unibersidad,” ayon sa pahayag ni Dr. Jose Abueva, dating pangulo ng UP. Samakatuwid, walang exit clause ang accord. Hindi maaaring wakasan ng iisang partido ang kasunduan nang walang pagsasang-ayon sa mga partidong sangkot. Ito ang dahilan kung bakit labag sa konstitusyon ang hindi napagkasunduang pagwakas nito — isang malinaw na pag-abuso sa integridad ng ating saligang batas. 


Sa lagda nina Abueva at Fidel Ramos ibinatay ito sa naunang kasunduan ng 1981, ang Soto-Enrile Accord. Nilalagom ng kasunduan ang mga tuntunin at kondisyon ng interbensyong militar sa lunan ng Unibersidad upang siguraduhin na hindi mauulit ang karahasan kay Donato Continente, isang tauhan ng Philippine Collegian. Ayon kay Danilo Arao, propesor ng pamamahayag sa UP, dinanas ni Continente ang “marahas na aresto at pagdukot” sa loob mismo ng kampus sa Diliman. Tuluyang naudyok ang pagpapatupad sa kasunduan sapagkat napatawan siya ng maling paratang. Bunga niyan ang matatag na katayuan ng UP na kinukudena ang anumang anyo ng militarisasyon sa kaligiran ng akademikong kalayaan at kanlungan ng Unibersidad. 


Mahalaga nga ba ang kasunduang ito? 


Hindi mo kailangan maging dalubhasa para makita ang takot ng pangulo sa pag-alsa ng kabataang mapagpuna dahil tampok ang temang ito sa kaniyang “war on dissent.” Bago pa man wakasin ang accord mayroong mga paglabag nang umiiral, isang halimbawa ay ang pag-aresto sa pitong mag-aaral na nagprotesta sa harap ng UP Cebu noong Hunyo 2020. Pinanindigan ng Unibersidad ang UP-DND Accord upang ipahiwatig ang kanilang karapatan para sa mapayapang pagpupulong at diskurso. 


Hawig ng nakaraang pasista, madadagdagan ang dahas at pagpatay sa ilalim ng Stongman” rule ni Duterte kung hahayaan lamang ng estado ang terminasyon ng UP-DND Accord. Nanganganib ang akademikong kalayaan sa lahat ng mga paaralan sapagkat walang pumipigil sa pagmamalabis ng kanilang digmaang “kontra-insureksyon”. Sa ating nagbabantang kalayaan, kumukupas ang angkop na diyalogo upang lumaganap ang inklusibong katarungan ng isang demokrasiya. Lalo’t lalong titindi ang mga drakonikong probisyon ng Anti-Terror Law na maaaring pagtambalin sa laganap na red-tagging at abrogasyon ng kasanduan. 


Tungo sa Hamon ng Panahon


Makabuluhan ang papel ng akademikong kalayaan sapagkat naisasabuhay ng mga mag-aaral ang adhikain ng masang naghihikahos. Sa lantad na paniniil ng estado, pilit pinatatahimik ang boses na tumututol at naglalayon ng progresibong pagbabago. Sa gayon, tumitindig ang hamon ng sambayanan sa kabila ng abrogasyon. Imbis na sugpuin ang kabataang kritikal, mas umiigting ang panawagan ng ating politikal na klima — maliwanag ang landas sa pagtataguyod ng ating bayan na bahid ng kalupitan. Hindi wasto na natatakot tayo bilang kritikal na mamamayan kasi tayo mismo ang pinaglilingkuran ng gobyerno. Sa halip na mangamba, mainam na manatiling maingat, mapanuri, at mulat dahil dito sumisidhi ang nagkakaisang kilusan tungo sa pag-asang ‘di kailanman maglalaho sa diwang Pilipino. 


Sabi nga nila, kapag mulat ka na sa katotohanan, kasalanan na ang pumikit.

IBa pang artikulo