Maraming tinapos at sinimulan ang pandemya mula sa dalgona coffee at ube cheese pandesal hanggang sa community pantry at pag-unlad ng online selling sa iba’t ibang plataporma—mapa-live selling man o sa mga mobile application tulad ng Shopee. Bukod sa pagiging sikat at patok ng mga ganitong kalakaran, kinailangan ito para sa kaligtasan at kabuhayan ng lahat. Para sa mga manininda, isa itong angkop na hanapbuhay dahil literal din itong tumutugon sa kanilang buhay sa kabila ng nakamamatay na banta ng COVID-19. Sa mamimili naman, ito ang pinakaligtas na paraan ng pagbili dahil maliit o walang pisikal na kontak ang kinakailangan sa pakikipagsalamuha para mabuhay ang ganitong uri ng merkado.

Ngunit, bukod sa mga lumitaw at sumikat noong pandemya, umusbong din ang mga Instagram (IG) shop. Live selling ang madalas na estratehiya ng mga manininda rito, habang nagbebenta ang iba ng kanilang mga second-hand na kagamitan. Kapansin-pansin na ukay o thrifted items ang pinakapatok sa mga mamimili kagaya ng mga damit, bag, at alahas na tinitinda muli sa mga IG shop. Sikat pa rin ang ganitong pamamaraan ng pagbebenta hanggang ngayon, kung hindi pa nga mas lalong sumisikat nang lumipas ang panahon.

Patuloy na lumaganap ang mga IG thrift shop sa mga nagdaang taon mula 2020, at ngayong nakabalik na sa face-to-face ang mga pangkaraniwang transaksyon, makikita na ang mga shop na ito sa pisikal na mga flea market. Nang lumuwag ang mga tuntunin mula sa iba’t ibang uri ng community quarantine at nagsimula nang magbalik-eskwela at trabaho ang karamihan ng mga Pilipino, muli ring bumalik ang mga negosyo at espasyong tumutok sa kahilingan ng mga konsyumer. Magandang isipin ang pagbabalik-buhay sa ukay, pero matatawag ba talagang ukay ang mga flea market kung hindi presyong ukay ang presyo nito? Kung karaniwang nasa halagang hindi tataas sa isang daan ang alahas at tatlong daan naman ang damit at bag, hindi ba pagbabasura ang layunin ng ukay-ukay na makamura kung nagtataasan naman ang presyo ng mga binebentang kagamitan?

Marami ang lumilikha ng koneksyon sa mga IG second-hand store at ang tinatawag ngayon na vintage flea markets dahil sa kanilang magkatulad na presyo o price point. Isa ito sa mga misteryong hindi mabatid ng mga konsyumer dahil hindi tugma ang pagpaparada ng mga negosyong ito bilang ukay-ukay sa dinidikta nilang presyo para sa kanilang mga produkto.  Matagal nang nagsilbing bilihin ang ukay-ukay ng mga kalidad na damit para sa presyong abot-kaya. Dahil sa malawak na pagpipilian na kasuotan at ang kakaibang karakter ng bawat gamit, naging midyum din ito ng pagpapahiwatig ng sariling identidad. Sa pamamagitan ng paghahalukay mula sa gabundok na tambakan ng mga damit at pangmatagalang paghahanap sa gitna ng mga hanger, ang iba’t ibang kulay, disenyo, hugis, at tela ng bawat pirasong damit ay siyang bumubuo sa anyo ng tao na pinakamalapit sa kaniyang kalooban. Nakakamit ng karaniwang Pilipino ang mga piyesang magagamit sa kanilang malayang ekspresyon sa mas mababang presyo kumpara sa mga komersyal na espasyo.

Para sa nakararaming Pilipino, mauugnay ang ukay-ukay sa aksesibilidad, kaya marami ang naiilang sa eksena ng curated vintage, mga flea market, at ng mga IG reseller. Ginagawang eksklusibo o mas malayo sa masa ang matagal nang nakasanayang gawain ng pagbili sa mga ukay-ukay. Isa sa mga pangunahing suliranin ng karamihan ng mga mamimili ay ang halaga ng mga damit, lalo na kumpara sa halaga nito sa tradisyonal na ukay-ukay. Makikita ng karaniwang mamimili ang napakalaking patong sa mga bagay-bagay na nagreresulta sa presyong halos doble o mas mataas pa sa presyong ukay nito, kahit sa mga ukay-ukay rin naman nanggaling ang nasabing  produkto. Nagkakaroon ng malaking pagtaas mula sa kinikita ng reseller at ng empleyado sa tradisyunal na brick-and-mortar ukay-ukay kahit parehas lamang ang produktong pinagkikitaan.

Bukod sa pagtaas ng presyo ng produkto, hamon din para sa karamihan ng mga konsyumer ang pakikilahok sa mga pakulo ng flea market at negosyo ng mga IG reseller sa mga peti burgis o mga mamamayang nasa mas nakatataas sa income bracket. Sa kaso ng mga vintage flea market, karaniwang matatagpuan ang mga ito sa mga opisyal na central business district katulad ng Salcedo sa Makati at Ortigas. Para naman sa mga ukay-ukay seller sa IG, kinakailangan din harapin ang katotohanang hindi lahat ay may pribilehiyong makibahagi sa fashion sa panahon ng pandemya.

Ang makabagong kultura ng reselling at ang pag-usbong ng mga vintage flea market kaugnay sa tradisyunal na ukay-ukay ay isang kalakarang ngayon lamang nakilala. Bago ito sa atin, kaya kaunti lamang ang natamo nating impormasyon tungkol dito. Gayunpaman, mahalagang suriin ang mga salik at praktisang nagiging nakapag-aalinlangan para sa masang Pilipino. Kung titingnan ang kasalukuyang hilatsa ng popularidad ng ukay-ukay, mababanaag na unti-unting nakokorap ang maka-masang merkado ng mga naghaharing-ulirat sapagkat pagsubok na kung abutin ang dating abot-kaya.

Mas malalim ding pagtingin sa isyu na ito ay kung paanong hindi kayang bigyan ng sistema ng kakayahan ang mga pangkaraniwang mga Pilipino na makabili ng maayos at orihinal na kasuotan o kagamitan. Mala-balon sa kalaliman ang mga panlipunang isyung nakabaon sa ilalim ng ating bayang sinasalamin ng tubig sa balon ng kultura ng ukay-ukay, kabilang na ang patuloy na pagliit ng espasyo at ekonomikong kapasidad ng mga maralita sa lipunan habang patuloy lamang na yumayaman ang mga nakatataas.

Mga Kamakailang Istorya