LAKBAYAN 2017: Ang Pambansang Minorya sa Kalunsuran

Matalastas
NI
NINA
Matt Rodriguez
AT
Bianca Pamfilo

Sa kasaysayan ng Pilipinas, walang iba kung hindi ang mga katutubong Pilipino ang lumaban sa mga Kastilang manlulupig. Nag-alay sila ng dugo para protektahan ang sariling atin. Ilang daang taon ang nakalilipas, malaki na ang ipinagbago ng bansa. Mula sa malalaking minahan at agrikorporasyon hanggang sa paraan ng pamumuhay, maraming aspekto sa buhay ng katutubo ang nagbago sa pagdaan ng panahon. Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy pa rin ang mga katutubo sa pagpepreserba sa kayamanan, kultura at tradisyon ng Pilipinas.

Mahigit kalahating buwan silang namalagi sa UP upang iparinig sa mga taga-kalunsuran ang kanilang mga hinaing. Ito ang taunang Lakbayan ng Pambansang Minorya na ginanap mula Setyembre 1 hanggang Setyembre 22, 2017.

Hiyaw ng Pambansang Minorya

Madalas makaligtaan ng pamahalaan at karamihan sa mga Pilipino ang kapakanan ng mga pangkat katutubo sa bansa sapagkat minorya lamang sila sa ating lipunan. Kinalilimutan ang kanilang mga karapatan at pangangailangan kagaya ng edukasyon, hanapbuhay, lupa, at sariling pagpapasya.  

Ito ang hiyaw ng isang kinatawan ng Ibaloi, isang pangkat mula sa lalawigang Cordillera, na dumalaw dito sa Maynila upang ibahagi ang kalagayan ng pambansang minorya sa Cordillera sa kasalukuyang panahon.

Ayon sa kaniya, industriya ng pagmimina ang pinakamalaking suliranin ng mga Igorot sapagkat sinisira nito ang kanilang lupang ninuno. Maliit man ang kanilang nasasakupang lupa, napakalaking bahagi naman ang kinakain nito para sa pagmimina. Nasasayang din ang inilalaan ng pamahalaan at malalaking korporasyon sa industriyang ito sapagkat kaunti lamang ang naiaambag nitong kaunlaran sa bansa. Napakaliit lamang ng ambag ng pagmimina sa GDP ng bansa, lalo na kung alalahaning agrikultura ang pangunahing industriya dito. Bukod sa pagkasira ng mga lupa, mapanganib din sa kalusugan ang mga nakalalasong kemikal na bumubuo sa dinamitang ginagamit sa pagmimina.

Sa laki ng mga problemang ikinakaharap ng mga katutubong Pilipino, siguro naman, tutulungan sila ng pamahalaan, ngunit pagpapahirap lamang ang ginagawa nila sa mga katutubo. Una sa lahat, napakaliit ang nakalaang pondong panustos ng panlokal na pamahalaan sa Cordillera. Hinding-hindi sapat ang IRA o Internal Revenue Allotment na inilaan sa kanila ng kasalukuyang administrasyon, kaya hindi rin naaayos ang mga pinsalang naiiwan ng pagmimina. Hindi rin nakakaabot sa mga katutubo ang mga serbisyong nararapat sa mamamayang Pilipino katulad ng disenteng paaralan at pati na rin ang kuryente sa lugar.

PANAWAGAN ng kapatid na Lumad na mayroong hawak na karatula noong SONA 2017: "Stop military encampment in our schools and communities!"

Mga Lumad ng Mindanao

Hindi natatapos sa Luzon ang mga suliraning kinakakaharap ng mga katutubo sapagkat malala rin ang sitwasyon sa iba pang bahagi ng bansa, lalo na sa Mindanao kung saan patuloy ang pag-iral ng Batas Militar.

Matatagpuan sa Mindanao ang labing-walo sa malalaking katutubong pangkat ng bansa, ngunit mas kilala ang mga pangkat na ito bilang mga lumad. Katulad ng mga katutubo ng Cordillera, hindi gaanong nabibigyang-pansin ang kanilang pangangailangan, lalo na sa larangan ng edukasyon at kalusugan.

Kahit papaano, nakapag-aaral naman sila sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga alternatibong paaralan sa tulong ng mga NGOs. Kinikilala man sila bilang paaralan sa ilalim ng DepED; hindi pa rin tanggap ni Pangulong Duterte ang mga paaralan. Nagbabanta pa ang pangulo na bobombahin niya ang mga paaralang lumad. Dahil dito, natatakot ang mga guro at mga mag-aaral na bumalik sa mga paaralan upang magturo o mag-aral. Nangangamba sila sa pagmamatiyag at pananakot ng mga paramilitar na grupo.

Nagiging napakalaking hadlang ang kasalukuyang pamahalaan sa pagsisikap ng mga katutubong pamayanan ng Mindanao. Patuloy pa rin na inaatake ang karapatang pantao ng mga katutubo at dumarami ang mga kaso ng pagpapatay sa kabataang lumad. Mas lalong pinapahirapan ang mga katutubo dahil sa pagpapabakwit nila mula sa kanilang mga tahanan at pamayanan, ngunit sinusunog din naman ang mga evacuation sites. Parami nang parami lamang ang mga kaso ng karahasan at kawalan ng paggalang sa mga karapatang pantao ng mga lumad. Dagdag pa sa kanilang pighati ang pagdeklara ng Batas Militar sa buong Mindanao, kasabay ng All-out War at Oplan Kapayapaan na nagiging panakas ng militar para ikatuwiran ang kanilang panghihimasok sa mga komunidad ng mga lumad.

Kalagayan ng Bansa

Sa labas, mukhang demokrasya ang sistemang namamalakad sa bansa, ngunit palihim ang unti-unting paghahari ng pasismo sa Pilipinas. Makikita ito sa administrasyong Duterte na dahan-dahang nagpapahiwatig ng mala-diktador na mga tendensiya.

Bukod pa rito, nagpapatuloy hanggang ngayon ang panghihimasok ng Estados Unidos sa ating bansa. Katulad ng pagpasok ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas para sa tambalang pag-eensayo ng parehong militar ng dalawang bansa. Gaano pa man binabastos ng pangulo ang Estados Unidos ay hindi pa rin niyang magawang paalisin ang mga sundalo nito. Bukod pa sa Estados Unidos, nakikipag-ugnayan din si Pangulong Duterte sa iba pang makapangyarihang bansa katulad ng Tsina, upang palakasin ang kaniyang kamao bilang pangulo.

PANAWAGAN ng mga kapatid na Lumad na itigil ang batas militar sa Mindanao at ang dala nitong karahasan.

Pagkilos ng Bagong Henerasyon

Gaano man kadilim ang panahong kinagagalawan ng mga Pilipino, patuloy pa rin dapat ang pakikiisa ng mga Atenista upang labanan ang kawalan ng hustisya sa bansa.

May panawagan din na bigyan ng pansin ang pagsira sa mga lupang ninuno at mga paaralang lumad. Higit sa lahat, nananawagan ang lahat na maging mulat at itaguyod ang karapatang pantao at sariling pagpapasya hindi lamang ng pambansang minorya ngunit pati na rin ang buong sambayanang Pilipino.

IBa pang artikulo