Ika-21 ng Setyembre, taong 1972, isinakatuparan ni Ferdinand Marcos Sr. ang kanyang paghahasik ng lagim sa bayan na nagtagal nang higit dalawampung taon. Makalipas ang 52 na taon, nanunumbalik ang isa pang Marcos na sinasalamin ang hagupit ng Batas Militar sa kasalukuyan. Danas pa rin ng milyon-milyong Pilipino ang ipinamanang utang at pinsala mula sa panahong iyon. Gintong buhay, at sandamakmak na utang ng ginto ang katumbas ng sinasabing “ginintuang panahon.” Sa muling pangangako ng isang ginintuang panahon, ang ginto lamang na nakikita natin sa ngayon ay ang gintong presyo ng mga bilihin.
Dalawang taon na ang rehimeng Marcos Jr., at malinaw na wala nga talaga silang pinagkaiba ng kanyang amang diktador. Gaya-gaya pa nga sa totoo lang. Ang Charter Change, muli na namang inaarangkada. Ang propaganda – Bagong Lipunan noon, Bagong Pilipinas ngayon. Ang walang-hiyang karangyaan – mga piging dati sa Malacanang, Duran Duran naman ngayon. Sa dinami-daming problema na kinahaharap ng bansa, inuuna ang makadayuhang interes at konsepto kaysa pangangailangan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Higit sa lahat, talamak pa rin ang paglabag sa karapatang pantao, pagdakip, pagpapatahimik, pagbabanta, at pagpaslang sa mamamayang Pilipino. Patuloy ang banta sa pamamahayag sa pamamagita ng sa ilegal na pag-aresto at pagpaslang sa libo-libong mag-aaral na karamihan ay mamamahayag noong panahon ng Batas Militar. Kamakailan lamang, ilegal na inaresto ang tatlong mag-aaral mula sa PUP na naghahanda sa paggunita ng Batas Militar. Patunay ito sa lantarang pagbanta at pagpapatahimik sa mga mamamahayag at mag-aaral na nakikibaka tungo sa kalayaan at katurungan.
Sa araw na ito, ginugunita natin ang mga nagbuwis ng buhay, mga sapilitang nawala, at lahat ng mga nalalabing biktima ng Batas Militar. Ating inaalala sa araw na ito ang buong bansang Pilipinas na nilugmok sa kahirapan at kalayaan. Hinihikayat ng Matanglawin ang lahat na mamulat at magpamulat mula sa kasinungalingang itinatamo ng mga berdugong nakaupo sa ating pamahalaan. Bilang mga pag-asa ng bayan, may kakayahan tayong baguhin ang sistemang bulok gamit ang ating mga boses, mga pluma, at mulat na kaisipan.
Sa panahong lugmok ng kadiliman at kasakiman, magsilbi tayong liwanag sa mga binulag ng kasinungalingan at magdala ng pagbabago sa ating lipunan. Ipamalas natin ang tunay na “Bagong Lipunan” na naghahasik ng kamulatan, kamalayan, katarungan, at kalayaan para at kasama ang sambayanang Pilipino.
#ML52
#NeverForget
#NeverAgain