Mata sa Mata: Kontraktuwalisasyon sa Pampublikong Ospital

Mata Online
NI
NINA
Eala Nolasco
AT
Kevin Castro

Duty na naman. Minsan, alas seis ng umaga hanggang alas-dos ng hapon, minsan, alas dos ng hapon hanggang alas diyes ng gabi, pero minsan din alas diyes ng gabi hanggang alas seis ng umaga. Paiiba-iba ang "duty" o shift ng mga nagtatrabaho sa Amante Hospital, maging nars ka man, o front-desk worker. Ang pinagkaiba'y ang mga front-desk workers umuuwi nang walang kasiguraduhan kung hanggang kailan sila tatanggapin na magtatrabaho sa Amante at kailan na matutupad ang pangakong pagreregulara sa kanila.

Kung uuwi ang nars na may pinanghahawakan, umuuwi ang kontraktuwal na front-desk worker na may pag-aalinglangan, na kung saka-sakaling may masagap silang sakit mula sa ospital, magkakasya ba ang sweldo para mapagamot ito? Iisa lamang ang hazard pay, na nagbibigay benepisyo sa mga regular kung saka-sakaling may sakit na masasagap ang manggagawa sa ospital, sa mga benepisyong pinagkakait sa kanilang mga kontraktuwal.

Ito ang regular na "duty" noon ni Michael Ponce, dating front-desk worker sa Amante Hospital. Sa walong taong pagtatrabaho ni Michael natuturing siyang employed, ngunit hindi sa ilalim ng Amante bilang isang regular, kundi isang naka-job order sa ilalim ng Munispyo o LGU ng San Pedro na nagdedesisyon sa paglilipat-lipat niya ng trabaho. Nagsimulang front-desk worker sa Munisipyo, pagkatapos nalipat sa Amante, binahagi ni Michael na nangyayari talaga ang re-shuffling sa mga pribado at di-pribadong institusyon, ngunit ang hindi pa rin nangyayari ay ang pangakong mareregulara rin siya pagkatapos ng walong taon.

Kabilang sa mga plataporma ng mga kandidato para sa gobyerno ang pagtugon sa kontraktuwalisasyon, ngunit kung walong taon nang kontraktuwal si Michael at ang mga kasama niya sa Amante, at ang milyon-milyong mga Pilipinong kontraktuwal hanggang nagyon, gaano ba katagal ang kailangan para matugunan ang mga pangakong ito? Mahahanap na nga ba ang solusyon sa mga itataguyod ng mga tao bilang bagong mukha ng senado?

Ilang taon na: kalagayan sa Pilipinas

Panahon pa lamang ng dikatdor ni Marcos, laganap na ang problema ng kontraktuwalisasyon sa Pilipinas. Nagbago ang mukha nito nang mapakilala ang pagkakaroon ng trilateral relationship, o pagkakaroon ng ahente o middleman sa gitna ng mga manggagawa at employer.

Nagdulot sa hindi kasiguarduhan ng pinagtatrabhunan ang mga empleyadong nasasailalim ng trilateral relationship, at sa gayon, nalipat lamang ang patnugutan ng pagbibigay benepisyo at regularasyon sa middleman.

Kwento ni Michael, sapagkat ang Amante bilang publikong ospital ay nasasailalim ng LGU, "Hindi din ako napapasailalim ng DOLE sapagkat ang LGU ng San Pedro ang nakakasakop sa akin." Kung gayon sa sitwasyon ni Michael at ng mga kontraktuwal sa Amante, nagsisilbing middleman ang munisipyo ng San Pedro o ang LGU mismo.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, noong 2017 94.3% ang employment rate, 16.1% ang underemployed, at 5.7% ang walang trabaho. Ngunit hindi nakasaad na sa 94.3 na porsyento nabibilang dito ang mga katulad ni Michael na empleyado ng 8 taong hindi regularisado at walang benepisyo.

Bukod pa rito, ayon nga sa year-end report ng DOLE noong 2016, 38% sa mga manggagagawang napapailalim sa mga ahente ang kontraktuwal pa rin, o hindi nabibigyan ng permanenteng trabaho at benepeisyo. Ngunit hindi nasasaklaw nitong datos ang mga nagtatrabaho hindi para sa ahente, kundi direkta sa munispyo o LGU, na nagsisilbing ahente na rin. Kaya sapagkat nagbago ang mukha ng problema ng kontraktuwalisasyon, hindi pa rin nareresolba ito ng DO 18-A noong 2011 na nagbigay kahulugan sa "permissible contracting" sa ilalim ng trilateral relationship.

Sapagkat nasa desisyon ng DOLE ang pagsasatupad ng pagkakaroon ng trilateral relationship sa mga empleyado, nasa munisipyo na ang kapangyarihan isatupad ang ibang patakaran na nakatakda sa Labor Code na magpapabuti sa kalagayan ng manggagawa.

Dahil ang natura o deskripsyon ng trabaho noon ni Michael ay Job Order lamang, ang pagkakaregulara niya'y nakasalalay sa desisyon ng Munisipyo, o ng Local Government Units mismo. Ngunti ayon sa Civil Service Commision, ang depinisyon ng mga binibigyan ng Job Order ay ang mga manggagawang hindi rapat tatagal ng isang taon, mga empleyadong gumagawa lamang ng "intermittent or emergency jobs such as clearing of debris on the roads," ngunit hindi ganito ang sitwasyon ng mga front-desk workers sa Amante na nagsisilbi nang hanggang walong taong walang regularisasyon.

Ilang taon pa? Mga hadlang sa karapatang manggagawa

Kung hindi na talaga mareregulara, kuwento ni Michael ang regular casual na lamang ang inaasahan nilang mga kontraktuwal sa Amante. Ayon kay Michael, "Ang regular casual ay parehas ng benepisyo kung ano ang mga benepisyo ng mga regular...ang kinaibahan lang nito ay pag nagpalit ng mga namumuno na hindi ka partido ng mga nakaupo sa panahong ikaw ay nailagay sa posisyon ay maari ka nilang palitan."

Ngunit kahit itong pangako ng pagkakaroon ng kapantay na benepisyo ay hindi pa rin natugunan. "Ang job order ang susuporta sa mga nakaupo na gusto ulit tumakbo sa susunod na halalan...Subalit 'di naman natutupad walang magagawa ang mga job order kundi asahan at suportahan ulit ang mga nakaupo sa takot din na mawalan ng trabaho kapag hindi nanalo ang mga nakaupo," ani ni Michael.

Hindi nalalayo ang panayam ni Sydney Ponce, isang regular na nars sa Amante, tungkol sa isyu ng kontraktuwalisasyon sa Amante. Naniniwala siyang hindi kakulangan ng budget na binigay na rason ng gobyerno ang hadlang sa pagkakaregulara ng mga naka-job order sa Amante, kundi "politika at korupsyon."

Dahil kung pondo nga ang rason ng hindi pagkakaregulara ng mga front-desk workers sa Amante, saan kaya nilaan ng munisipyo ang budget na nagmula sa gobyerno? Na ayon sa Department of Budget and Management, ay tumaas nang 7.37% mula noong nakaraang taon, at 21.96% na pagtaas mula 2016?

Ayon sa Department of Budget and Management, noong 2017, 16.7% ng kabuuan ng 3.35 Trillion Budget ng administrasyong Duterte, ay nakalaan para sa mga Local Government Units. At bukod pa sa pondong nagmumula sa gobyerno, mayroon pa ring internal na pinagkukunan ng pondo ang mga LGUs: tulad ng business tax at property tax. At subalit hindi pagninilayan ang naging gastusin ng munisipyo noong mga nakalipas na taon, hindi ba ang walong taong pagtatarabaho ni Michael ay sapat na oras na para makalikom ng pondo para siya, at ang mga mangaggawang kontraktuwal sa Amante, ay maregulara na?

Ngayong taon na kaya?

Kung umaasa ang boboto sa mga plataporma ng mga tumatakbo para sa palapit na eleksyon, nakasalalay sa tugon at hinain ng tao ang mga platapormang nabubuo ng mga kandidato. Ngunit hindi nababanggit sa mga plataporma ang hinain at kalagayan ng nakakaraming mga manggagawang naka-job order.

Ani nga ni Michael "Wala kami ibang pagpipilian kundi suportahan ang nakaupo sapagkat pag nawala siya ay maari din kaming matanggal. Kapag sila pa din ang nanalo wala din naman mangyayari pangangakuan ka lamang sa mga araw bago mag-eleksyon subalit wala na rin pagkatapos nito."

Kung sa mga regularisadong nars naman tulad ni Sydney, karagdagang trabaho at benepisyo para sa mga empleyado ang hinahanap niya sa plataporma ng mga kandidato, para sa mga walong taong naka-job order tulad ni Michael, wala nang halaga ang mga plataporma sapagkat "... wala ka naman makikitang aksyon...Pagkatapos ng eleksyon makasalubong mo sila sa cityhall ikaw nang bumati halos 'di ka pa tignan."

Kung aasa lamang sa porsyento ng Labor and Employment na nagsasaad na bumaba ang porsyento ng mga underemployed mula 2012 hanggang 2017, at sa mga pangakong tatanggalin ang kontraktuwalisasyon, mainam alalahanin ang sitwasyon ni Michael, at iba pang mga naka-job order sa Amante, sa ilalim ng Munisipyo. Salamin ito ng mga katanungan dapat matanong sa mga nagbibigay ng madadaling bitawan na pangako ukol sa kontraktuwalisasyon at sa iba pang problema sa bansa.

Nagsisilbi itong dagundong ng mga tanong na hindi nabibigyan boses: paano? paano ninyo tutuparin itong pangako? At hindi sapat ang sabihing tatanggalin mo ito, dahil maraming kumplikadong sangay-sangay sa proseso. Higit pa rito, nagsisilbi itong tanong sa mga botante: para saan ang boto mo?

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo