Mga Kuwento ng Pakikibaka at Pagpupunyagi sa Delubyo ng Batas Militar

Matalastas
NI
NINA
Phoebe De Leon
AT
Therese Catapang
Oktubre 5, 2022

Bilang bahagi ng paggunita at pakikiisa ng unibersidad sa ika-50 na anibersaryo ng Batas Militar, inorganisa ng Loyola House of Studies Social Action and Political Involvement ang #NeverAgain: The Stories of Martial Law Survivors noong Setyembre 23, 2022 kasama ang Matanglawin Ateneo at Loyola School of Theology Student Committee on Social Involvement, Advocacy, and Outreach. 

Sa pagbabalik-tanaw nina Maureen Loste, Ron De Vera, at Edita Burgos sa kanilang naging buhay sa gitna ng laganap na panunupil sa kalayaan at karapatang pantao, nabigyan ng kanilang mga kuwento ang mga tagapakinig ng mas malalim pang pag-unawa sa naging implikasyon ng diktadurya sa ating lipunan—lalo na sa buhay ng mga simpleng mamamayang Pilipino noon. Bagaman nakaangkla ang pagbabahagi ng mga tagapagsalita sa kanilang personal na naging danas, binigyang-diin pa rin ng kaganapang ito ang mas malawak na konteksto ng kanilang kinabibilangang mga sektor.  

Pag-abuso sa mga bilanggong pulitikal

Isa si Maureen B. Loste sa mga matatapang na estudyanteng aktibista, na nakibaka noong Sigwa ng Unang Sangkapat (First Quarter Storm) upang tutulan ang korupsiyon at mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Marcos Sr. Dahil sa kaniyang aktibong pagkontra sa mga karahasan at kasakiman ng diktador, napabilang siya sa libo-libong Pilipinong dinakip, ikinulong, at walang habas na pinahirapan ng mga militar noon. Labis-labis ang pagpapahirap na kanilang naranasan sa loob ng bilangguan. Hindi lamang siniguradong wala silang komunikasyon sa labas kundi pinatawan din sila ng iba pang mahigpit na alituntunin gaya ng ng pagkakaroon ng curfew, paglilimita sa rasyon sa pagkain, at maging sa mga libro at babasahin na maaaring gamitin ng mga bilanggo. Samantala, marami rin ang dinala sa Camp Crame kung saan nakaranas ang ilan ng karumaldumal na tortyur. Isa ang asawa ni Maureen sa inilipat sa bilangguang iyon. Kaya naman, talagang nag-iwan ng permanenteng sugat ang kolektibong karanasan ng mga bilanggong politikal sa kani-kanilang mental at pisikal na kalusugan.

Pandarambong sa lupaing ninuno

Ibinahagi rin ni Maureen ang nangyaring militarisasyon sa mga lupaing ninuno partikular na sa Bangsamoro, bilang siya ay kasalukuyang parte ng Sandiwa Network of Advocates for National Minority Rights. Dahil sa yaman ng mga lupaing ninuno, kinasangkapan noon ang mga militar upang isulong ang mga mapanirang proyekto lugar tulad ng mga minahan at dam. Makikinita dito ang pagsasaalang-alang ng diktador na si Marcos Sr. sa kaniyang pansariling mga interes at makasariling ideya ng pagpapaunlad ‘kuno’ ng ekonomiya ng bansa nang hindi man lamang iniisip  ang kapakanan ng mga katutubong Pilipino. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pandarambong sa lupaing ninuno gayundin ang pang-aabuso sa karapatang pantao ng mga katutubo sa pamamagitan ng militarisasyon sa kanilang komunidad. Kung kaya’t idiniin ni Maureen ang kahalagahan ng patuloy na pagsisiwalat ng katotohanan upang manumbalik ang tunay na demokrasya nang sa gayon ay tuluyan ng makamit ang hustisya. 

Pagmamalupit ng militar

Tulad ni Maureen, nakibaka rin ang mga magulang ni Ron De Vera noong kasagsagan ng diktadurya ni Marcos Sr.. Dahil magaling sa sining at panunula ang kaniyang ina na si Adora Faye De Vera, ginamit nito ang angking mga talento upang manindigan laban sa mapanupil na administrasyon. Subalit sa kasamaang palad, isa ang kaniyang ina sa mga nakulong at nakaranas ng pang-aabusong sekswal sa kamay ng mga militar. Bagkus, lumaki si Ron nang wala sa poder ng kaniyang mga magulang. Ayon kay Ron, sa bawat pagbisita niya sa kaniyang ina at sa pagtuturo nito sa kaniya kung paano sumulat ng tula, dito rin nahulma ang kaniyang talento bilang isang makatang may paninindigan. 

Nakalulungkot isipin na kahit napatalsik ang diktador na si Marcos sa puwesto, hindi pa rin nito natuldukan ang pang-aabuso sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Talamak pa rin ang paglabag sa karapatang pantao tulad ng kinahinatnan ng ama ni Ron na napabilang napabilang sa mga Desaparecidos nang dakpin ito. Naniniwala siyang ang ganoong pagdakip ay epekto at dulot pa rin ng hinulmang kultura ni Marcos Sr. kung saan nanormalisa ang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga militar. 

Hindi alintana na ramdam pa rin ito sa kasalukuyan dahil sa patuloy na pagmamalupit ng kapulisan sa mga aktibista. Patunay dito ang pag-aresto muli kay Adora Fey De Vera nitong lamang Agosto 24 base lamang sa mga gawa-gawang kaso. Sa kasalukuyang, nakapiit pa rin sa kulungan si Adora. Sa kabila ng patuloy na pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Ron hangga’t may mga taong ipinaglalaban ang hustisya. Inihayag din niya ang tawag sa patuloy na pagpapanatili ng mga ala-ala ng nakaraan sa pamamagitan ng paggawa ng pelikula at pagsulat ng mga kwento na mag-uudyok sa taumbayan na mas kilalanin, intindihin, at isabuhay ang katotohanan. 

Pagsupil sa malayang pamamahayag 

Huling nagbahagi si Edita Burgos, asawa ni Joe Burgos, na isang press freedom hero at ina ni Jonas Burgos na isang aktibistang dinakip noong 2007. Sa kaniyang pagbabalik-tanaw ay inilahad niya ang mga kondisyong nag-udyok sa kaniyang pamilya na talikuran ang komportableng pamumuhay upang suportahan ang pagtatag ni Joe sa WE Forum at, matapos ang ilang taon, sa Malaya. Nagsimula man silang may iisang mesa at makinilya at patnugutang halos 20 katao lamang, na kinailangang pang suportahan ng mag-inang Burgos, ‘di kalaunan ay naging lider ng pahayagang oposisyon ang mga itinatag ni Joe. 

Patuloy na sinubok ni Joe ang hangganan ng kalayaang iginawad sa kanila ng pamahalaan hanggang sa napatunayan niyang nagkamali si Marcos na maliitin ang kapangyarihang taglay ng tinawag niyang mosquito press. Unti-unting binunyag ng pahayagan ang mga pang-aabuso at kasinungalingan ng diktadurya. Hindi rin naging alintana ang pagpapasara sa WE Forum at pagkakaaresto kay Joe matapos ang pagkakalimbag ng exposé ukol sa pekeng medalya ni Marcos. Marahil ngang nagsilbi lamang punla para sa pagtatag ng Malaya.  Sa huli, ani Edita, hindi bunga ng indibidwal na pagsisikap ang panunumbalik ng malayang pahayagan bagkus, ito ay bunga ng kolektibong ambag ng masang naniwala sa mga tulad ni Joe na nanindigan para sa katotohanan, at sa kapangyarihan ng pahayagan na hindi magpapatinag kahit pa pinapatahimik pa ng diktaduryang takot dito. 

Bagaman nakapagpamulat ang mga taunang kuwentuhang ganito, aminado ang mga nagbahagi na masakit para sa kanila na alalahanin at ungkating muli ang dinanas nilang sakit. Lubos na nakapanlulumo at nakakahiya ring paulit-ulit na igiit ang kanilang katotohanan sa mga pilit na ibinabaon ito—lalo na sa mga pabor sa mga naratibong lumuluwalhati sa batas militar. Dagdag pa rito, hindi lamang indibidwal ang katunggali ng mga biktima ng diktadurya kundi pati na rin ang dambuhalang makinaryang pinapatako ng bilyones para maglabas ng kasinungalingan.

Tila naging isang delubyo ng bagyo ang naging bunga ng diktadurya ni Marcos Sr. ayon kay Ron De Vera. May ibang hindi gaano naramdaman ang karimarimarim na epekto nito sa taumbayan dahil sa kanilang pribilehiyo, samantalang may iba namang lubos na nagdusa sa pang-aabuso ng militar. Bagkus, nag-iwan ng sugat ang diktadurya, ani De Vera, kaya hindi pilit na paglimot ang sagot sa paghilom ng mga biktima. Bagaman hindi lahat ang nasugatan ng karanasang ito, kailangang kolektibong kikilalanin ng lipunan ang lalim ng sugat bilang isang katotohanan. Sa gayon lamang tuluyang masisimulan natin ang paghilom at pag-usad na naudlot na ng ilang dekada. 

IBa pang artikulo