National Campus Press Freedom Day: Isang paggunita at pag-alala sa pinaglalaban na kalayaan

Matalastas
NI
NINA
Trice Flores
AT
Kevin Castro
Hulyo 25, 2020

Noong nakaraang linggo, ilang masasalimuot na balita ang kumalat sa social media, internet, at radyo. Araw-araw tayong nilulunod ng libo-libong bilang ng mga taong nagpositibo sa COVID-19. Bukod dito, napuspos din tayo sa pagsugpo ng galit ng mga tao’t grupo ukol sa pagtanggi ng Kapulungan ng Kinatawan ng Pilipinas (HRep) sa pagpapanibago ng prankisya ng ABS-CBN, at sa nakalulubag-damdaming pagsasakatuparan sa Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020.


Ngayong paggunita ng National Campus Press Freedom Day, kinakailangan nating alalahaning nasa sa atin ang kapangyarihan para mapanatili at maipaglaban ang ating kalayaang mamahayag at magsalita. Sa pagkakaisa lamang ng mga Filipino, tayo’y mananatiling malakas at matatag laban sa patuloy na pag-atake ng gobyerno sa ating mga karapatang pantao. 


Ngayong linggo, kita natin ang patuloy na pagdaloy at pagbati ng mga masasalimuot na balita sa ating lahat. Simula pa noong Marso, noong nagsisimula pa lamang ang lockdown, patuloy-tuloy ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatay, pagpapahiya, at pagkukulong sa ating mga kapwa-Pilipino. Noong Hulyo 21, Martes, naulit na naman ito sa isang pre-taped broadcast kung saan iginiit niya ang kaniyang pagkiling sa solusyong militar kaysa medikal:


“So hulihin talaga… A little shame or put them on notice forever, at sino ba namang gusto mong mahuli ka?”


Makikita ang kanyang pagpupumilit na kitilin ang pangil ng mga mamamahayag, ang di umano’y ‘watchdogs’ ng lipunan. Noong Hulyo 20, Lunes, naglabas ng Media Advisory ang Malacañang na pinagbabawal ang presensya ng midya sa loob ng HRep sa darating na ikalimang SONA sa Hulyo 27, Lunes. Noong Hulyo 21, Martes naman, nared-tag ang publikasyong SINAG at ang organisasyong Save Our Schools (SOS) Caraga nang ibinunyag nila ang atake ng AFP sa mga komunidad ng Lumad ilang araw bago ang tuluyang pagsasakatuparan sa ATA.


Subalit, hindi rin natin maikakaila ang mga kilos-protestang patuloy na isinasagawa ng ating mga kababayang Pilipino laban sa mga suliraning umuusbong mula sa ating lipunan. Noong Hulyo 20, nagsagawa ng isang online na pagpupulong (SONAgKAISA) ang iilang grupo, konseho ng mga mag-aaral, at mga publikasyon. Tinalakay rito ang mga isyu ukol sa ATA, ang padaskol-daskol na pagtugon ng pamahalaan sa pandemyang COVID-19, ang pagpapatuloy ng DepEd at CHED sa pagbukas ng klase pagdating ng Agosto, ang pananatiling pagsara ng ABS-CBN, at pagred-tag sa mga mamamahayag.


Sa ngayon, umabot na sa 18 ang bilang ng petisyon na naihain sa Korte Suprema na tumututol sa pagpapapasang ATA. Noong Hulyo 24, Biyernes, nakapaghain ng reklamo ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) sa CHR ukol sa patuloy na pagsisiil ng administrasyong Duterte sa mga mamamahayag— mga suliraning lumabag sa RA 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991.


Patuloy din ang kilos-protesta ng iba’t ibang sektor nitong linggo laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na patuloy na itinutulak sa kabila ng mga panganib na maaaring maidulot nito sa kabuhayan ng iilang jeepney drayber at operator. Hindi rin nagpaawat ang mga mag-aaral, guro, magulang, at iilang grupo na magkilos-protesta sa DepEd noong Hulyo 22, Miyerkules, laban sa pagpapabaya ng administrasyong Duterte sa sistema ng edukasyon at kalusugan sa gitna ng pandemyang na ito.


Hindi lamang isang paggunita sa kalayaang mamamahayag ng mga pangkampus na publikasyon ang National Campus Press Freedom Day, kundi isang paalala ng ating kalayaan bilang mamamayan ng Filipinas na magsalita’t magpahayag ng ating mga adhikain.


Alalahanin nating sa kabila ng mga marurubdob at mapanghimok na balitang kumakalat araw-araw, kinakailangan nating manaig at magipakita ang isang samahang nagkakaisa para maitaguyod ating mga karapatan.

IBa pang artikulo