[OPINYON] Ang Diyos Bilang Botante

Mata Online
NI
NINA
Dimatibag
AT
Abril 30, 2022

Nauuna ang pagiging maka-Diyos sa Panatang Makabayan na sinasambit ng bawat Pilipino simula pagkabata hanggang sa pagtanda. Hindi maikakailang malaki ang impluwensya ng relihiyon at pananampalataya sa pagdedesisyon ng mga Pilipino. Kaya naman malaking bagay para sa mga kandidato ngayong Halalan 2022 ang pag-endorso ng iba’t ibang relihiyosong organisasyon, pati na rin ng mga miyembro ng simbahan at sambahan sa kanila.

Higit isang libong Katolikong obispo at pari ang nag-endorso sa pagkapresidente ni Bise Presidente Leni Robredo at pagka-bise presidente ni Senador Francis Pangilinan. Kasama rito ang mga lider ng De La Salle University, Ateneo de Manila University, at University of Santo Tomas. Mahalagang ipunto na hindi nag-eendorso ang mga obispo, pari, madre, at iba pang mga kawani ng Simbahan bilang Simbahang Katoliko, kundi nag-eendorso sila bilang mga sibilyang Pilipino.

Pati ang mga relihiyosong lider ng mga Muslim ng ZamBaSulTa (Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi) Coalition of Young Muslim Religious Leaders ay inendorso ang tambalang Leni-Kiko. Pumunta rin ang tambalan sa Golden Mosque sa Quiapo, Manila upang pumirma ng manifesto at makiisa sa Iftar (breaking of fast) sa komunidad ng mga Muslim doon.

Habang ang Iglesia ni Cristo, El Shaddai, Jesus Christ the Deliverer Church, at ang wanted ng FBI na si Pastor Apollo Quiboloy of Kingdom of Jesus Christ ay inendorso ang Marcos-Duterte na tambalan.

Ang gampanin ng simbahan at sambahan ay ipalaganap ang mga prinsipyo at mabubuting asal na pinahahalagahan ng samahan nila. Madalas nakasentro ito sa proteksyon at pagkilala sa karapatang pantao, karapatang pangkalikasan, at dignidad. Kasama rin sa responsibilidad ng mga relihiyosong organisasyon ang paglilingkod sa bayan.

Kung boboto ang Diyos, boboto siya sa kandidatong may malinis na track record, walang bahid ng korapsyon, walang kriminal na kaso, may pagpapahalaga sa karapatang pantao, at may pagpanig sa katotohanan. 

Kung boboto ang Diyos, hindi siya boboto sa sinungaling, magnanakaw, at lumalabag sa karapatang pantao. Hindi siya boboto sa isang taong hindi tumutupad sa kaniyang gampanin sa bayan katulad ng pagbabayad ng buwis. Malaki rin ang tiyansang hindi siya boboto sa mga miyembro ng political dynasties.

Pauna ang pagiging patas, sa higit 25 na taon na nakaupo si Marcos Jr., ang mga nagawa niya ay pagsasabatas ng National Youth Commission, Kagawaran ng Enerhiya, at pagbabago ng petsa ng eleksyon ng Sangguniang Kabataan 2013. Co-author din siya ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act, Cybercrime Prevention Act, Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, at National Health Insurance Act.

Ngunit matatandaang nagsinungaling si Marcos ukol sa kaniyang Oxford degree. Nagsinungaling din siya sa kaniyang resume. Galing din siya sa isang political dynasty kung saan hindi bababa sa pito ang kaniyang kapamilyang nasa posisyon ng kapangyarihan sa gobyerno.

Inutusan din siya ng Commission on Audit na ibalik ang 10 milyong piso mula sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Masasabing “illegal and irregular” ang paggasta ni Marcos sa pera ng taong-bayan papunta sa isang foundation na pinamumunuan ng pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy.

Sabi rin ng Korte Suprema na ang koleksyon ng hindi bababa sa 23 bilyong piso hanggang 203 bilyong pisong estate tax ay pinal at executory.

Convicted at pinagmulta rin si Marcos para sa kaniyang tax crimes. Sabi rin ng Regional Trial Court (RTC) na hindi siya nagbayad ng mga multa. Bukod dito, mayroon din siyang pending case para sa P205-M Plunder Case sa Pork Barrel Scam. Siya rin ang tagapagtanggol at tagapamahala ng ill-gotten wealth o nakaw na yaman ng pamilya nila.

Kahit sa Estados Unidos, maraming kinahaharap na kaso si Marcos. Siya ay hinatulan ng contempt ng isa sa mga judge roon. 

Muli nating tandaan—si Marcos ay sinungaling, magnanakaw, at lumalabag sa karapatang pantao. Isa siyang taong hindi tumutupad sa kaniyang gampanin sa bayan katulad ng pagbabayad ng buwis. Galing din siya sa isang political dynasty.

Iboboto ba siya ng Diyos? Hindi. Para sa mga magsasabing ang Diyos ay nagpapatawad—ang Diyos ay mapagpatawad sa mga taong nagsisisi. Alalahaning kasama sa pagsisisi ang pag-amin sa mga pagkakasala, paghingi ng kapatawaran, at pagbabagong-loob. Walang kapatawaran hangga’t hustisya’y ‘di nakakamtan.

Para naman sa mga magsasabing lahat ng tao’y nagkakamali, ang sagot ko riyan ay bakit ka boboto sa palinghado, dehado’t delikado kung may opsiyon kang sigurado’t totoo?

Totoong nagtapossa University of the Philippines–Diliman si VP Leni Robredo sa kursong BA in Economics. Tapos din siya ng pag-aabogasiya sa University of Nueva Caceres. Nagturo siya bilang propesor at naging tagapagtanggol ng mga nasa laylayan bilang human rights lawyer. Hindi rin siya galing sa isang political dynasty.

Mahigit 600,000 na pamilya sa buong bansa ang natulungan ng Bise Presidente sa kaniyang proyektong Angat Buhay, lalo na sa kaniyang anim na adbokasiya: pampublikong edukasyon, rural development, pagkain at nutrisyon, kababaihan, pangkalusugan, pabahay at resettlement. Kasama rin dito ang disaster relief, at rehabilitation; gayundin, ang pagtugon sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Ngayong pandemya, nagkaroon siya ng mga sumusunod na proyekto: libreng sakay na nakatulong sa 20,000 health workers, pansamantalang tirahan para sa health workers, food packs para sa frontliners, pagbibigay at pangangasiwa ng mga donasyong Personal Protective Equipment.

Dagdag pa rito ang mga sumusunod: Community Mart na nakatulong sa mga nagtitinda sa palengke at sa mga tricycle driver, vaccine express upang mabakunahan ang libo-libong mamamayan, e-konsulta project na nagbigay ng libreng teleconsultation sa mga walang internet o pambayad sa doktor. Higit 20,000 na requests mula sa NCR at karatig na probinsya ang naagapan nito.

Pinamunuan din ni VP Robredo ang pabahay sa Marawi. Mayroon din siyang proyektong patubig sa Northern, Western, at Southern Mindanao. Nagkaroon din siya ng Community Learning Hub sa Visayas.

Ang COA ay nagbigay sa Office of the Vice President ng pinakamataas na Audit Rating sa tatlong magkakasunod na taon. Ibig sabihin: lehitimo, legal, at tama ang paggamit ng budget ng kanyang opisina. Hindi siya kurakot. Hindi siya magnanakaw. Ganoon din ang kaniyang pamilya.

Mayroon siyang malinis na track record, walang bahid ng korapsyon, walang kriminal na kaso, may pagpapahalaga sa karapatang pantao, at may pagpanig sa katotohanan.

Iboboto ba siya ng Diyos? Dalawa ang maaaring sagot: Oo o marahil oo. Sapat ang kaniyang mga nagawa’t karakter para pagnilayan siya ng Diyos bilang lider ng ating bansa. 

IBa pang artikulo