Sa kabila ng panggigipit ng Nexperia Philippines Inc. at Department of Labor and Employment (DOLE), magiting na ipinagpatuloy ng higit sa 500 manggagawa ng Nexperia ang kanilang welga sa loob ng pabrika sa Cabuyao, Laguna simula noong ika-5 ng Marso upang ipaglaban ang ipinagkakait sa kanilang ₱50 dagdag-sahod at pagbabalik-trabaho ng mga sinibak na opisyal ng unyon. 

Dahil dito, huminto ang produksyon sa loob ng 74 oras na nagresulta sa pagtapyas ng mahigit $1.26 bilyon na kita ng mga kapitalista—isang malinaw na ebidensya na hindi tatakbo ang makinarya ng pabrika kung wala ang mga manggagawa.

Habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, pinili ng Nexperia na panatilihing mababa ang sahod ng kanilang mga manggagawa. Matapos ang kasunduan ng kanilang mga manggagawa noong Nobyembre 2024 sa pamunuan upang igiit ang ₱50 taas-sahod, mapangutyang ₱17 lamang ang itinaas na alok ng kumpanya sa kabila ng kanilang ₱400 milyong arawang kita. 

At sa halip na tugunan ang panawagan ng kanilang mga empleyado, sinibak sa trabaho ang apat na lider ng unyon na sina Mary Ann Castillo, Antonio Fajardo, Girlie Batad, at Marvel Marquez sa sumunod na buwan, Disyembre ng parehong taon. 

Paglipas ng ilang buwan, nang sumiklab ang welga noong ika-5 ng Marso, lalo pang pinahirapan ng Nexperia ang mga manggagawa sa unang tatlong araw ng welga sapagkat hinarangan ng management ang suplay ng tubig, pagkain, at gamot papasok sa loob ng strike center. Tinanggalan din sila ng bentilasyon at kuryente sa loob at makailang beses pinalayas ang mga welgista na nakapiketlayn sa labas. 

Sa gitna ng di-makataong sitwasyon, nananatiling tikom ang bibig ng DOLE at ng administrasyong Marcos Jr.–isang malinaw na marka ng pagtindig nila sa dambuhalang monopolyong kapitalista. 

Dagdag pa rito, matapos ang ilang beses na pagtatangka ng pwersa ng Laguna Industrial and Science Park (LISP) na buwagin ang welga ng mga manggagawa, nakipagsabwatan pa ang Nexperia sa DOLE. 

Sa bisa ng Assumption of Jurisdiction (AJ) na ipinataw noong ika-5 ng Pebrero, iniutos ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang sapilitang pagbabalik sa trabaho ng halos 600 welgista upang buwagin ang welga at ibalik sa normal na operasyon ang pilay na planta.

Gayunpaman, nanatili ang paninindigan ng unyon na hindi ito titigil hangga’t hindi natutugunan ang kanilang mga kahilingan sa sahod at kondisyon sa paggawa, pati na rin ang pagbabalik sa trabaho ng mga sinibak na lider-unyon. Kaya naman, sa kabila ng tangkang panunupil, nagbunga ang kanilang sakripisyo nang kanilang makamit ang tagumpay na itinaguyod ng kanilang matibay na pagkakaisa. 

Sa tulong ng welga, naitaas ang kanilang sahod sa higit ₱50 na kanilang hinihiling, at naibalik din sa trabaho ang dalawa sa apat na lider ng unyon na tinanggal. Nakasaad din sa kasunduan na ipinagbabawal na ang pagtanggal ng mga manggagawa na lumahok sa unyon. 

Dahil sa kanilang kapit-bisig na pagkilos, bahagyang nakaalpas ang mga manggagawa sa mapagsamantalang kapitalistang kumpanya. Ngunit, sa kabila ng tagumpay na ito, patuloy pa rin ang laban para sa pagbabalik-trabaho ng dalawa pang manggagawang kasapi ng unyon, at ang panawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Mga Kamakailang Istorya