Pagninilay: Bukambibig at Takip-Bibig sa Panahon ng Batas Militar

Mata Online
NI
NINA
Allan Casaul
AT
Rambo Talabong

Dekada 70. Ang dekadang madugo. Nasubukan ang ating katatagan bilang isang Pilipino. Libo-libong mamamayan ang naging martir sa madugong Martial Law. Marami sa mga lumaban para sa tunay na kalayaan at demokrasya noon, nasa ilalim na ng lupa. Mapalad na lamang kung nadiskubre pa at nabigyan ng libing. Ang iba naman, naglaho na lamang sa isang madugong iglap.

Unibersidad ng Pilipinas, Pamantasang Ateneo de Manila. Dalawa lamang sila sa maraming pamantasang may kabataan na magiting na lumaban para sa ating demokrasya, ngunit ano ang kinahantungan ng iilan sa kanila? Kamatayan. Kamatayan sa karumal-dumal na paraan. Karumal-dumal ang isinukli ng diktaduryang kanilang nilabanan.

Kabilang ang aking magulang sa kabataan ng dekada sisenta; nasa kolehiyo sila noong panahon na iyon. Ang aking ama ay taga-UE at laking Maynila, madalas niya akong kinukuwentuhan tungkol sa mga raliyista na dinadampot na lamang at hindi na mahahagilap muli. Sa lahat ng mga kuwento ng aking ama, iisa ang tema: Takot, takot ang mga mamamayan sa panahon ng Martial Law. Paano ko nga naman ba sila masisi? Para sa mga mamamayang lumaban, hindi nanaig ang takot at lalo pang umigting ang kanilang damdaming makabayan upang labanan ang pasistang rehimen ni Marcos.

Hindi biro ang lumaki sa panahon ng Martial Law, isa ito sa madugo at pinakamadilim na panahon para sa ating bansa. Walang pinipili ang kamay na bakal ni Makoy; mayaman, mahirap, mag-aaral o manggagawa, walang ligtas. Tunay na karumal-dumal ang sinapit ng mga kabataan sa panahong iyon, tunay na makatarungan ang kanilang mga ginawa, ang umalpas sa takot para sa ating demokrasya at magpakamartir para sa bayan.

Para sa mga natakot, nagtakip-bibig na lamang sila at sumunod sa mga abuso at panloloko na pinaggagawa ni Makoy sa ating bayan. Nagbulag-bulagan na lamang ang marami upang hindi mabiktima ng karahasan. Sa kabilang banda, ang mga kabataan na pinaslang noon ay maaaring makapagdulot ng makabuluhang epekto sa lipunan sakaling buhay pa sila ngayon. Sa lahat ng ito, ang pangarap nilang makamit ang tunay na kalayaan ay ipinagpapatuloy pa rin naman ng kabataang mulat sa marahas na kasaysayan ng ating bansa.

Dinaan ni Makoy sa takot ang mga mamayang Pilipino, inalipin, pinahirapan, niloko. Ninakawan nang ninakawan, hindi lamang sa materyal kundi pati ng kanilang dignidad, identidad bilang isang malayang mamamayan, at bukod sa lahat, buhay.

Kailanman, hindi ko makakalimutan ang kuwento ni Primitivo Mijares, isang kadikit ni Marcos bago siya tumiwalag at nagbigay ng kanyang sariling testimonya tungkol sa karumihan at kabulastugan ng diktadurya. Sa malaking bahagi ng buhay ni Mijares, siya ay nagtakip-bibig at nagsulat ng mga pabor na ulat at positibong paglalarawan kay Makoy. Sa dulo ng lahat, siya’y nagbigay testimonya at sumulat ng librong pinamagatang “Conjugal Dictatorship”. Biglaan na lang nawala si Primitivo Mijares pagkatapos ilabas ang kaniyang libro.

Kadakilaan ang lumaban at magsalita laban sa mapang-abusong gobyerno. Hindi ako naniniwalang kaunti lamang ang bayani ng ating bansa sapagkat dahil sa Martial Law, lahat ng kabataan na nagbuwis ng buhay ay naging bayani. At dadami pa ang bilang ng mga bayani kung magpapatuloy ang paghahasik ng maladiktador na pamamalakad ni Duterte.

Hindi ako naniniwalang kaunti lamang ang bayani ng ating bansa sapagkat dahil sa Martial Law, lahat ng kabataan na nagbuwis ng buhay ay naging bayani. At dadami pa ang bilang ng mga bayani kung magpapatuloy ang paghahasik ng maladiktador na pamamalakad ni Duterte.

Patuloy ang laban para sa katotohanan, kalayaan, at katarungan!


Pahayag mula sa Pahayag mula sa Kompederasyon ng Mga Publikasyon ng Pamantasang Ateneo de Manila (Heights Ateneo, Matanglawin Ateneo, & The GUIDON)

Noong ika-22 ng Setyembre, 1972, naglabas ng liham si Pangulong Ferdinand E. Marcos na nag-uutos sa Kalihim ng Press at Kalihim ng National Defense na ipatigil ang lahat ng pahayagang kontra o nagsisilbing propaganda laban sa presidente: “to prevent the use of privately owned newspapers, magazines, radio and television facilities and all other media of communications, for propaganda purposes against the government” (Letter of Instruction No. 1). Sa sumunod na araw, idineklara ang Batas Militar. Pinatigil at pinasara ang lahat ng publikasyon. Sinupil at ipinahuli rin ang mga patnugot, manunulat, at mga tagapaglimbag. Pinuwersa ang mga diaryo at magasin na kritikal kay Marcos, at pinilit silang mamili: sumunod sa administrasyon o mamahayag ng palihim.

Bago pa man ang taong 1972, naging mas kritikal sa administrasyong Marcos ang mga kolehiyong pampublikasyon katulad ng The GUIDON (bilang Pandayan) at Heights (bilang Pugadlawin). Agad silang napahinto matapos ideklara ang Batas Militar. Sa loob ng isang taon, nakulong sa katahimikan ang buong kampus ng Ateneo. Lumabnaw, sinakal, at sinundan ng mapagmatiyag na mga mata ang mga Atenista sa loob at labas, at nasalanta ang minsang buhay na buhay at kritikal na kampus ng Ateneo.

Gayunpaman, nagpatuloy ang mga pahayagang pangmag-aaral sa paghahanap ng mga paraan para malabanan ang mga pagbabawal—upang mapagpatuloy ang pagsasakatuparan sa kanilang tanawin at tunguhin na pagpapalago ng kritikal na pakikilahok. Kabilang sa mga pagpupunyagi ang pag-usbong ng Matanglawin bilang pahayagan noong 1975. Tumitindig ang mga ganitong pagsisikap bilang patunay ng lakas ng pagtutol na nakaangkla sa katarungan at katotohanan.

Ngayong linggo, nagbabalik-tanaw ang Kompederasyon ng Mga Publikasyon o Confederation of Publications (COP)––na kinabibilangan ng tatlong pahayagang pangmagpaaral sa Pamantasang Ateneo de Manila––at ginugunita ang malagim at madugong panahon ng pagsupil sa kalayaan ng  mga palimbagan, pati ang isinulong na giting at lakas ng loob. Tumututol ang COP sa mga pagtatangkang baguhin, at babuyin ang kasaysayan at boses ng sambayanan na isinalaysay at ipinahayag sa mga artikulo, tula, larawan, at mga likhang sining sa panahon ng Batas Militar.

Sa linggong ito, nagkakaisa ang COP sa pagkondena at pagtuligsa sa mga luma at bagong pamamaraan ng pagpapatahimik at pagsugpo online at offline, na madalas kinokonsinte at pinahihintulutan ng estado. Pinapagyag din ng COP ang malubhang pagkabahala sa nagbabantang pagbabalik ng awtoritaryanismo. Lalong hinahamon ang mga publikasyon, sa loob at labas ng pamantasan, na patuloy na makibaka at ipaglaban ang pagtanggol at pagpapatibay sa demokrasya sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng mga kasamaan, karahasan, at kawalang-katarungan, habang ipinapanatili ang pagiging kritikal at mapagmatiyak, at habang nagpapagyag para sa katotohanan.

Kinikilala rin ang malaking papel ng mga pahayagang pangmag-aaral sa pagmumulat at pagising ng panlipunan at pambansang kamalayan ngkabataan, at ang pagbibigay-daan para sa alternatibong plataporma para sa mga isapin na napag-iiwanan o hindi nasisiwalat ng mainstream media. Mas lalong hinahamon ang mga awtoridad at mga mag-aaral na patatagin ang mga lunsaran ng malayang pamamahayag, pakikipagtalastasan, at pakikipagdiyalogo mula sa lahat ng anyo ng panunupil at pananakot.

Madaling balewalain ang mga kalayaan sa pamamahayag at kasarinlan ng mga pahayagan. Hindi lubusang naranasan o hindi pa natin nararanasan ang parehas na bigat ng panunupil at pagpapatahimik na talamak noong rehimeng-Marcos. Gayunpaman, nananalaytay pa rin ang panunupil ng pagpapahayag at ang pagpapatahimik hanggang sa kasalukuyan. Nagbabanta pa rin ang panunumbalik ng nakakabinging katahimikan.

Kailangang alalahanin na ang mga espasyo para sa diskurso, kaalaman, at komentaryo, hindi nakahain na lamang. Sila’y patuloy na ipinaglalaban. Hindi laging natatamasa ang ganitong mga kalayaan ng ating bayan.

Mula sa araw na ito, sinususpinde nang panandalian ang lahat ng pamimigay ng mga kopya ng diaryo, magasin, o libro ng COP, bilang paggunita sa pagkamatay ng mga pahayagan noong nabuhay ang Batas Militar sa bansa.

Hinahamon ang lahat ng mga mag-aaral at kapuwa: Gaano kadalas tayong magbulag-bulagan, magbalat-kayo, at tumalikod sa ating kasaysayan? Ano ang magtutulak sa atin upang makilahok para sa masalimuot na katotohanang pananagutan nating lahat? Hihintayin pa ba natin ang tuluyang panunumbalik ng mga panunupil at pagsugpo sa mga pagayagan, ang pagpapatahimik ng sambayanan, bago tayo muling manindigan para sa katotohanan at makipagbulay sa mga kinasasangkutan nito?

Tinatawag tayong magpatuloy sa pagiging alisto, at patuloy na maging mapagmatiyag, mapanghamon, at mapagpalaya. Simula pa lamang ang mga pagkilos na inilunsad ngayong linggo.

Sa panahon ng pagpapatahimik, panunupil, at karahasan, huwag tayong magpadala sa lunos. Lalo tayong tinatawag na magpakatatag at manindigan para sa katotohanan at katarungan.

IBa pang artikulo