Pahayag Tungkol sa Pagdakip ng Lumad 26 sa Kanilang Paaralan sa San Carlos, Cebu

Matalita
NI
NINA
AT
Pebrero 23, 2021

Nakikiisa ang Matanglawin Ateneo sa panawagan ng hustisya at agarang pagpapalaya sa Lumad 26 na inaresto ng kapulisan noong Lunes sa University of San Carlos, Cebu City. Naninindigan kaming ikinubli lamang sa ilalim ng isang “rescue operation” ang tunay na motibo ng pamahalaang pagbantaan at atakihin ang komunidad ng mga Lumad. Ang pagdakip sa walang kalaban-laban na 22 na mag-aaral, 2 na guro, at 2 na nakatatandang katutubo ay maituturing na isang hakbang upang tuluyang magapi ng estado ang laban ng mga katutubo para sa kanilang karapatan at lupain.


Isa rin sa mga dinakip ng gobyerno ay si Teacher Chad Booc, isang alumnus ng Unibersidad ng Pilipinas na piniling maglingkod sa mga katutubo bilang isang guro. Matatandaang isa rin siya sa mga inaresto noong taong 2017 dahil sa kanyang pagpoprotesta sa kongreso laban sa implementasyon ng Batas Militar sa Mindanao. 


Isa lamang ang kasong ito sa mahigit isang daang paaralang Lumad Bakwit na sapilitang ipinasara ng pamahalaan sa paniniwalang lugar ito ng mga rebeldeng grupong nagsasanay para sa digmaan. Dahil dito, patuloy rin ang pagbabanta ng red-tagging sa mga katutubong Lumad na nagnanais lamang matamasa ang kanilang karapatan sa edukasyon. Sa halip na suportahan ng gobyerno ang kanilang mga paaralan, higit lamang nilang ipinagkakait ang karapatang makapag-aral sa mga Lumad upang hindi na sila makapalag sa mga makasariling interes ng estado sa kanilang lupain.


Mariing ikinukundena ng Matanglawin ang patuloy na pagkakamkam ng gobyerno sa mga lupain at ari-arian ng mga Lumad, at ang paglabag ng estado’t kapulisan sa mga karapatang pantao ng mga katutubo. Mahalagang mabigyan ng kinikilalang karapatan ang mga Lumad sa kanilang mga pag-aari upang maiwasan ang makasariling paggapos ng gobyerno sa kanilang lupain. Bukod dito, kinakailangang respetuhin ng lahat, lalong lalo na ng gobyerno, ang mga personal na kalayaan ng mga Lumad. 


#FreeLumad26

#SaveOurSchools

#StoptheAttacks

#FreeChadBooc

IBa pang artikulo