Mariing ikinukundena ng Matanglawin Ateneo ang walang habas na pagpaslang ng mga pulis sa dalawang aktibistang namataang nagpipinta ng anti-Duterte slogan sa Guinobatan, Albay nitong Lunes. Pinagbabaril ng mga pulis ang mga di-armadong sibilyang sina Marlon Napire at Jaymar Palero upang itigil ang pag-iispray paint sa tulay ng Bulao noong ala-una ng madaling araw, ilang oras bago ang huling SONA ni Duterte. Kinikilala si Napire bilang miyembro ng Magsasaka sa Albay, at si Jaymar bilang kasapi ng Albay People’s Organization.
Hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan ang gasgas na naratibong “nanlaban” na patuloy pa ring ginagamit ng kapulisan upang pagtakpan ang kanilang pagkakasala at pang-aabuso sa kapangyarihan. Sa kabila nito, tuloy lamang ang pagtaas ng bilang ng mga inosenteng mamamayang namatay sa kamay ng mga mararahas na pulis. Pinagsasamantalahan ng mga pulis ang bawat pagkakataong maaari nilang kalabitin ang gatilyo ng baril upang may maitala na naman sila sa mahabang listahan ng kanilang mga nagawa.
Dahil sa mga patong-patong na insidente ng pang-aabuso ng mga kapulisan, higit na lumilitaw kung sino talaga ang mga tunay na terorista sa panahong mahigpit na tinitiktik ang mga posibleng lumalabag sa Anti-Terror Law. Habang patuloy na pinangungunahan at kinokonsinte ng mga nasa itaas na puwesto ang hindi-makataong gawain ng mga alagad ng batas, magpapatuloy rin ang siklo ng pagsisiil at pag-aagrabyado sa pagitan ng mga ordinaryong mamamayan at mga makapangyarihan.
Muli, nananawagan ang Matanglawin Ateneo na managot ang administrasyong Duterte sa bawat kasong lumabag sa karapatang-pantao at bawat kasong pumigil sa mga malayang pagpapahayag ng mga kuro-kuro at hinagpis laban sa gobyerno. Kinakailangang panagutin din mismo si Duterte sa pagiging pangunahing tagapag-udyok ng pang-aabuso at karahasan ng mga nakaupo sa kapangyarihan. Lagi’t lagi nating silipin at intindihin ang dahilan kung bakit lumalaban ang masa. Hindi naman hahantong sina Napire at Jaymar, at ang ilan pang mga naunang pinaslang na aktibista, sa pagpoprotesta kung mainam na tinutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng taumbayan.
#DuterteIbagsak
#PoliceBrutality
#StopTheKillings