Pahayag Tungkol Sa Pagpaslang Sa New Bataan 5

Matalita
NI
NINA
AT
Pebrero 26, 2022

Mariing ikinukundena ng Matanglawin Ateneo ang walang habas na pagpaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa guro at aktibistang si Chad Booc at ang mga kabilang sa New Bataan 5 nitong Huwebes, Pebrero 24, 2022, sa New Bataan, Davao de Oro. Matatandaang kabilang si Teacher Chad sa Lumad 26 na binubuo ng 22 na mag-aaral, 2 na guro, at 2 na nakatatandang katutubo na idinakip at inaresto ng kapulisan na kanilang ikinubli bilang isang “rescue operation” noong Pebrero ng nakaraang taon. Naninindigan kaming pinagtakpan lamang ang pagpaslang sa guro at aktibistang si Chad Booc at sa kaniyang mga kasamahan sa ilalim ng “encounter.” Ang tunay na motibo ng estado ay ang patuloy na panggigipit at pananakot sa mga aktibista, lalong-lalo na sa mga Lumad at iba pang marhinalisadong grupo na patuloy nilang ninanakawan ng karapatang pantao tulad ng karapatan para sa edukasyon at kanilang lupaing ninuno. Ayon sa mga lokal, walang engkuwentro na nangyari laban sa AFP sa New Bataan, at ito ay isang kaso ng mabagsik na pagpapaslang sa mga biktima. Kaakibat nito ang pagiging mapanlinlang ng militar dahil sa kanilang pagpapalaganap ng maling balita upang sindakin ang mga mamamayan.

Isa lamang ang kasong ito sa napakaraming pagpaslang ng estado sa mga aktibista at katutubo, at ang pagpatuloy na pagsugpo sa mga karapatan ng mga aktibista sa ilalim ng diktaduryang pinamumunuan ni Duterte. Isa rin ito sa mga plano ng AFP na supilin ang mga Lumad at ipagpatuloy ang pagmamalupit at pang-aapi sa kanilang karapatan. Dagdag lamang ang madugong pangyayaring ito sa mga isyung kasalukuyan nang kinahaharap ng mga bakwit kung saan patuloy pa rin ang matinding opresyon na kanilang dinaranas sa ilalim ng rehimeng mapang-api. Patunay ito na ang madugong kasaysayan noong Batas Militar ni Marcos ay patuloy na pinahihintulutan ni Duterte at ng kaniyang administrasyon, kung kaya’t mariing apela sa mga Pilipino ngayong paggunita sa #EDSA36 ang paglaban at pagpapanawagan ng hustisya para sa mga Lumad, kay Chad Booc, Gelejurain Ngujo II, at para sa lahat ng pinatay ng estado sa pagsupil sa kanilang mga karapatan.

Bagaman maaaring hindi nararamdaman ng karamihan ang epekto ng panunupil ng gobyerno, mahalagang magkaroon ng mataas na sosyopolitikal na kamalayan ang mga tao ukol sa mga nangyayari sa lipunan. Laging tandaang mga ordinaryong mamamayan ang tinatapakan ng mga naghaharing-uri—mga taong walang kalaban-laban sa armas at panloloko ng militar. Hangga’t hindi natin napananagot ang administrasyon sa kanilang mga karumaldumal na gawain, hindi natin maaatim ang tunay na hustisya at kapayapaan. Magpapatuloy lamang ang karahasan at mas lalong dadami ang mga biktima. Huwag tayong maging bulag o magbulag-bulagan sa dugong dumadanak sa lipunan.

Tumitindig ang Matanglawin Ateneo na marapat na panagutin ang AFP upang mabigyan ng hustisya ang mga pinaslang at ang pambubusabos sa kanilang kamatayan. Mainam na pinapahayag ng estado ang kanilang malubha at mapanganib na pagtangka laban sa mga aktibista sa pamamagitan ng reaksyonariyong puwersa at laganap na fake news upang takutin at pahinain ang loob ng mga mamamayang lumalaban. Nakikiisa ang Matanglawin Ateneo sa mga biktima ng walang-awang paniniil ng estado. Higit sa lahat, nakikiramay ang Matanglawin Ateneo sa mga ‘di makatarungang pinaslang.

#JusticeForNewBataan5

IBa pang artikulo