“War turns us into animals—” ito ang isa sa mga kataga ni Kapitan Haroda na tumatak marahil sa madla. Sa panahon ng digmaan, makikita ang tunay na kulay ng bawat tao, ang kanilang paninindigan, at ang tunay na sukatan ng integridad — mga elementong siyang sentro ng dulang “Sa Tahanan ng Aking Ama.”
Itinakda sa panahon ng pananakop ng mga Hapon, mahusay na inilarawan ng produksyon ang masalimuot na papel ng pamilyang Pilipino sa gitna ng kawalang-katiyakan na isang bahagi ng kasaysayan na walang sinuman ang nais balikan.
Sa direksyon at pagsasalin sa Filipino ni Dr. Jerry C. Respeto ng “In My Father’s House,” na orihinal na isinulat ni Elsa Coscolluela, isang emosyonal na depiksyon ng buhay noong panahon ng mga Hapon na hango sa tunay na karanasan ni Coscolluela ang inihatid ng Ateneo ENterteynment para sa TAo, Bayan, LAnsangan, at DiyOs (ENTABLADO), bilang panimulang produksyon ng kanilang ika-42 na tagdula sa Doreen Black Box, Areté, Pamantasang Ateneo de Manila mula ika-9 hanggang ika-29 ng Oktubre.
Sa loob ng dalawa’t kalahating oras, dinala nito ang mga manonood sa tahanan ng pamilya Santamaria sa isla ng Negros—isang masaya at buong pamilya, repleksyon ng kanilang marangya at makapangyarihang estado noon na kalaunan ay hindi rin nakatakas sa bagsik ng pwersa ng mga Hapon na naging mitsa ng unti-unti nilang pagkakawatak-watak.
Tatlo ang anak ng mag-asawang Amanda at Carlos Santamaria, na bawat isa’y may kani-kaniyang ipinaglalaban sa layuning mapabuti ang kalagayan ng bayan at kanilang pamilya. Ang panganay na si Miguel, isang abogado at propesor sa Pamantasan ng Silliman, ay sumapi sa hukbong gerilya matapos ang pagputok ng digmaan. Pangalawa sa mga anak si Franco, na sumunod sa yapak ng kanyang ama sa pagsisilbi bilang gobernador ng isla. Ang bunso ay si Carlito, isang mag-aaral ng medisina na nilisan ang kanilang tahanan upang magsilbi sa hukbo, kung saan dito kalunos-lunos ang kaniyang sinapit.
Dito, maiiwan ang tanong: Ano nga ba ang tunay na sukatan ng pagiging bayani? Kamatayang dulot ng pagiging martir at pagiging bahagi ng gerilya sa ngalan ng nasyonalismo, o ang pagsasaalang-alang sa buhay at kalagayan ng sariling pamilya, kapalit man nito ang iyong dignidad?
Naroon ang habag sa bigat ng pasakit na dinanas ni Franco, isa sa mga anak ng Santamaria. Sumunod siya sa malupit na pamamahala ng mga Hapon, habang unti-unting napapalayo sa kaniyang pamilya. Tunay na kikirot ang puso ng sinumang magbibigay-simpatya sa isang taong biktima ng malupit na sirkumstansya ng karahasan. Hindi man niya naipahayag sa kaniyang magulang ang tunay na dahilan ng kaniyang pagsanib, ramdam ang hirap na kaniyang pinagdaanan hanggang sa masaklap niyang kamatayan.
Magkaiba man ang ipinaglalaban ng mga karakter na naging ugat ng kanilang tunggalian, mahalagang isaisip na ang sukatan ng tapang ay hindi obhektibo kundi batay sa kinahaharap ng bawat tao. Hindi natin masasabing mas matapang si Miguel kumpara sa kaniyang mga kapatid dahil sa desisyon niyang sumapi sa gerilya, sapagkat iniwan niya ang kaniyang pamilya na nagdulot ng pagkasira ng kaniyang asawa. Ngunit dito rin natin mapapansin ang iba’t ibang aspekto ng kanilang mga karakter—ang kanilang lakas at kahinaan—na tunay na repleksyon ng modernong Pilipino. Bilang ilaw ng tahanan, ang tibay ng loob sa panahon ng pasakit na siyang tangan-tangan ni Amanda sa kabila ng pagkabuwag ng kaniyang pamilya, pagkawala ng kanilang tahanan, at pagkamatay ng kaniyang anak. Ang magiting na pakikipagsapalaran ni Carlito, na hindi man tahasang ipinakita, na nakaligtas sa masalimuot na martsa ng kamatayan ngunit hindi nalampasan ang hagupit nito sa kaniyang katawan. Ang mga karakter nina Emilio at Marissa, na siyang naging ehemplo ng mabagsik na pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga Hapon noon. Inilarawan sa katauhan ni Marissa ang madilim na karahasan na ginagawa ng mga sundalong hapon sa Pilipinong kababaihan noon. Nakaligtas man siya sa bomba na bumagsak sa kanilang paaralan, bigo naman niyang malampasan ang sakit ng mga karanasan na ito.
Sa buong pagtatanghal, kapangi-pangilabot na emosyon ang ibinato ng bawat aktor sa mga manonood. Gumanap bilang Amanda sina Glecy Atienza at Katski Flores, habang Carlos naman sina Jethro Tenorio at Gie Onida. Gumanap bilang mga anak sina Arkel Mendoza at Gino Ramirez sa katauhan ni Miguel; Vino Mabalot at Johnrick Noynay para sa karakter ni Franco; Bea Jose at Iman Ampatuan bilang Isabel, asawa ni Miguel; at Chase Salazar at Joy Delos Santos bilang Cristy, asawa ni Franco. Isinakatauhan naman nina Chantei Cortez, Louis Paguia, at Rona Saunders si Marissa; habang sina Uriel Dolorfino, Jeremy Mayores, at Jerome Loresco si Emilio. Sa panig ng mga Hapon, gumanap sina Charles Yee, Gerald Morfe, at Mav Ang bilang Kapitan Haroda; Julius Rafael Lyle Viray, at Kyle Tano bilang si Victor; Miko Coroza, Sam Juada, at Adriane Ungriano bilang si Benito; at sina Joshua Olmos, Sam Juada, Gab Pacardo, Mav Ang, at Joax Geronimo bilang mga sundalong Hapon.
Tampok sa dula ang isang kasaysayan ng bansa na maaaring burado na isip ng bagong henerasyon, ngunit hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga eksena ng giyera kundi pati na rin sa pagpapasilip sa mga manonood na walang kinikilalang estado ang mga karahasan na ito. Hindi rin lamang sa pamamagitan ng isang magarbong disenyong pamproduksyon naging matagumpay sa paghahatid ng sosyo-politikal na adbokasiya ang produksyon ng ENTABLADO, pero pati na rin sa masining paglalahad ng kalupitan ng giyera, ang dinamika, at ang karanasan sa tahanan ng isang pamilyang Pilipino. Sa bansang ilang beses na naging biktima ng kolonyalismo at pang-aabuso ng gobyerno, mahalagang manindigan ang mga mamamayan, isang paninindigan na siyang sumasaalang-alang sa kapakanan ng bansa at kapwa. Tulad ng inilarawan sa dula, uusbong ang usapin ng tungkulin sa bayan at pamilya, ngunit nawa’y pakatandaan na anuman ang piliin, ito ay may isang layunin lamang: ang pagtataguyod ng hustisya.